NEWS

ADVISORY

86 lungsod nagsabatas ng mga Smoke-Free Ordinance - DILG

July 31, 2019

Mula nang ilabas ang Executive Order (EO) No. 26 ni Pangulong Rodrigo Duterte dalawang taon na ang nakalipas, 86 lungsod na ang nagsabatas ng kani-kanilang mga smoke-free ordinance na nakasunod sa EO, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ipinahayag ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na mula nang ilabas ang nasabing EO, "nakita namin ang aktibong pagtugon ng mga pamahalaang lokal sa pamamagitan nang paglikha ng mga polisiya para sa proteksyon ng publiko laban sa exposure sa usok ng sigarilyo, paglalagay ng Designated Smoking Areas (DSAs), at pagbuo ng Smoke-Free Task Force, bukod sa iba pa."

Aniya, magkatuwang ang DILG at Health Justice na nagsagawa ng pagsusuri sa mga lokal na ordinansa ng mga lungsod sa buong bansa upang alamin kung naaayon ang mga ito sa itinatadhana ng EO 26.

Ipinakita ng nasabing pag-aaral na 86 lungsod ang nagpasa ng mga Smoke-Free Ordinance na nagtatakda ng 100% smoke free na mga lugar na naaayon sa EO 26 habang 48 lungsod naman ang naglagay ng mga DSA sa kanilang mga lokalidad.

"Malaking bilang na ito ngunit may mga lungsod pa rin na hindi sumusunod sa mga smoke-free policy lalo na ang nabanggit sa EO 26. Ang ibig sabihin ng Smoke-free ay 100% free sa usok ng tabako, kung saan hindi na ito nakikita, naaamoy, nararamdaman o nasusukat," ani Malaya.

Samantala, 65 na mga lungsod naman ang nagbuo ng kanilang mga Smoke-Free Task Force na siyang titiyak na ang mga smoke-free policy ay nasusunod. "Ito ay maaari nating iugnay sa matibay na paninindigan ng pamahalaan na isulong ang smoke-free na kapaligiran," aniya.

Partikular na pinuri ni Malaya ang Davao City, Balanga City at Iloilo City para sa pagpapalawak ng kanilang mga smoke-free environment na higit pa sa hinihingi ng batas sapagkat sa mga lungsod na ito ay pinagbawal ang paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar maliban sa mga DSA na tinukoy ng mga pamahalaang lokal.

Kinilala rin niya ang Taguig City at Cotabato City na sumunod sa engineering standards na itinatakda para sa mga DSA sa ilalim ng EO, pati na ang Baguio City, Marikina City at Pasig City na nagdisenyo ng komprehensibong Smoke-free Task Forces.

Mataas man ang bilang ng mga susumusunod sa batas, iminumungkahi pa din ng pag-aaral na magdeklara ng 100% smoke-free sa mga lugar na nabanggit sa EO 26, at kailangan ding nakaayon sa engineering requirements na itinatadhana ng EO ang batayan sa paggawa ng mga DSA.

"Hinihikayat ang mga lungsod na bumuo ng mga smoke-free task force upang tiyakin ang patuloy na implementasyon at pagpapairal ng EO 26 sa kani-kanilang lokalidad," dagdag niya.

Dalawang taon mula ng isinabatas ang EO 26, hinihimok ng DILG ang lahat ng pamahalaang lokal na gawing prayoridad ang pagpasa ng mga ordinansa na magtatakda ng mga 100% smoke-free na lugar "upang tiyakin na ang ating mga pamayanan ay ligtas mula sa lahat ng masamang epekto ng direkta o second-hand smoking."

"Natutuwa tayo sa pagpapamalas ng mga pamahalaang lokal at publiko ng kanilang suporta sa adbokasiyang ito at atin pong hiling na mas marami pang pamahalaang lokal ang seryoso at mabilisang tutugon sa kautusan ng Pangulo sapagkat ito ay nakatuon sa kalusugan ng ating mga mamamayan," sabi ng DILG Undersecretary.

Inisyu ng Pangulo ang EO 26 noong 2017 na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga enclosed na pampublikong lugar at transportasyon, paaralan, at lugar pasyalan ng mga menor de edad, at nagbigay din ng mahigpit na pamantayan ukol sa mga DSA.

Ayon sa pinakahuling Pulse Asia Survey, isa sa apat na Pilipino ang naninigarilyo. Ang epekto ng paninigarilyo ay mapanganib para sa naninigarilyo, at sa mga tao at pamayanan na nakapaligid sa kanila sa pamamagitan ng second-hand smoking.

"Hindi natin maaaring maliitin ang mga panganib ng paninigarilyo at pagkaka-expose sa second-hand smoking. Ang pakikipagtulungan ng mga pamahalaang lokal at suporta ng mga katuwang na ahensya sa EO 26 ay kailangan habang tayo ay papalapit na sa ating layunin na Smoke-Free Philippines," sabi ng DILG Spokesperson.

Ipinag-utos ng DILG sa mga pamahalaang lokal na imonitor ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar bilang tugon sa Section 16 ng Local Government Code na nagtatadhana sa mga pamahalaang lokal na tiyakin at suportahan ang pangkalahatang kapakanan ng kanilang mga pamayanan.

Simula 2017, pinaigting ng Kagawaran ang mga polisiya at hakbang laban sa paninigarilyo at ang pagbili at pag-advertise ng mga produktong tabako. Naglagay at nagpaskil na ng mga signage na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga gusali ng pamahalaan, paaaralan, simbahan, at iba pang pampublikong lugar. Nagtatag na rin ang mga LGUs ng mga lokal na smoke-free task force.