NEWS

828 LGU na natapos sa oras ang pamamahagi ng SAP, pinuri ng DILG

May 6, 2020

Pinuri ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 828 na local government units (LGUs) sa buong bansa na naihabol sa deadline ang pamamahagi ng unang bahagi ng tulong pinansiyal sa mga mahihirap na pamilya sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

“Good job sa ating mga LGUs na naipamahagi na sa mga mahihirap na pamilya ang SAP cash subsidy. Pinapatunayan lamang nito ang inyong pagmamalasakit sa inyong mga constituents,” ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año.

Hinimok ni Año ang 828 LGU na agad iliquidate ang pondong ipinagkatiwala sa kanila. “Ang next challenge sa inyo ay makapag-liquidate kaagad at maiulat ang bawa’t sentimo ng buwis ng ating mga kababayan sa DSWD (Department of Social Welfare and Development),” aniya..

Limampu’t anim sa 828 LGU ay nasa Cordillera Administrative Region, 38 sa Ilocos Region, 31 sa Cagayan Valley, 36 sa Central Luzon, 63 sa CALABARZON, 62 sa MIMAROPA, 70 sa Bicol, 114 sa Western Visayas, 52 sa Central Visayas, 95 sa Eastern Visayas, 71 sa Zamboanga Peninsula, 17 sa Northern Mindanao, 26 sa Davao Region, 32 sa SOCCSKSARGEN at 65 sa Caraga.

Hinikayat ni Año ang iba pang LGU na bilisan ang pamamahagi ng SAP para sa kapakanan ng kanilang mahihirap na nasasakupan na higt na naapektuhan ng pandemya ng COVID-19.

“Kaunting antala o hindi pagkilos ay nagpapatagal sa pagdurusa ng mga mahihirap na pamilya sa inyong mga pamayanan. Huwag natin silang paghintayin at iparamdam natin sa kanila ang pagkalinga ng pamahalaan,” anang kalihim.

Ang mga LGU sa mga lalawigan ay binigyan ng dagdag na apat na araw o hanggang ikaapat ng Mayo para mamahagi ng SAP. Sa Metro Manila, at sa mga lalawigan ng Cavite, Rizal, Laguna, Bulacan at sa mga lungsod ng Cebu at Davao kung saan may mataas na populasyon, pinalawig ang deadline hanggang ikapito ng Mayo. Ang naunang deadline na itinakda ng DSWD ay ika-30 ng Abril.

Pinayuhan din ni Año ang mga tumanggap ng SAP na gamitin ito ng maayos upang magtagal hanggang sa katapusan ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.

“Nawa’y gamitin ninyo nang tama at wasto para sa mga pangangailangan ninyo kagaya ng bigas, ulam at iba pa. Hindi po yung para sa luho at hindi puwede na pangsugal at pambili ng alak,” babala ng kalihim.

Buburahin sa listahan ng SAP beneficiaries ang sinumang mahuhuli na ipangsusugal o ipang-iinom ang natanggap na tulong. Ang gagamit sa SAP sa illegal na gawain ay aalisin sa listahan at pipiliting ibalik ang tinanggap na halaga, bukod pa sa ibang kaukulang parusa.

75% na ang natapos

Ayon naman sa tagapagsalita ng DILG na si Undersecretary Jonathan E. Malaya, 75 porsiyento ng SAP ay naipamahagi na, at ang Caraga, Davao Region, MIMAROPA at Bicol ang may pinakamataas na porsiyento ng naipamahagi.

“Konting padyak na lang at matatapos na natin lahat ito. Sa ating mga LGUs, paspasan na natin ang kilos para makarating na ang ayuda sa ating mga kababayan,” paghimok ni Malaya.

Naipamigay na ng Caraga ang 99.01% ng kanilang SAP, naipamahagi na ng Davao Region ang 95.56%, at naipamudmod na ng MIMAROPA ang 95.21% at ng Bicol ang 94.34%.

Kasunod nila ang Western Visayas, 88.42%; Region IX, 84%; Region I, 80.11%; Region III, 79.27%; Region II, 73.36%; Region XII, 77.56%; CALABARZON, 61.99% at Region X, 67%.

“Nauunawaan namin ang bawa’t LGU ay humaharap sa iba’t ibang suliranin sa gitna ng krisis ng COVID-19, pero tiwala rin kaming malalagpasan ninyo ang mga iyon at makapagpapatupad ng mga hakbang upang mapabilis ang pamamahagi ng SAP sa inyong mga nasasakupan nang hindi lumalabag sa physical distancing,” ani Malaya.

Nanawagan din ang tagapagsalita ng DILG sa mga alkalde ng mga lungsod at munisipyo at sa mga punong barangay na buuin ang tulong pinansiyal sa ilalim ng SAP sa kanilang mga nasasakupan, at iwaksi ang pamumulitika at korapsiyon upang maiwasan ang mga legal na kahihinatnan ng mga ito.

“Sabi nga po ni Secretary Año, ngayon ay panahon ng pagtutulungan, hindi ng pamumulitika. Magfocus na lang po tayo sa kung paano makatutulong sa ating mga kababayan,” pagtatapos niya.