Events Details

Buwan ng Wikang Pambansa

August 1, 2014 to August 31, 2014

Ngayong Buwan ng Wika 2014, ibinabandera ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang halaga ng wikang Filipino bilang wikang nagbubuklod sa bansa. Filipino: Wika ng Pagkakaisa ang tema ng pagdiriwang ngayong taon na magtatampok ng mga gawaing pangwika at pangkultura na pangungunahan ng KWF sa buong bansa.

Alinsunod ang pagdiriwang sa Proklamasyon Blg. 1041 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel Ramos. Ipinahahayag nito ang taunang pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto. Dagdag pa, ang dating Pangulong Manuel L. Quezon, na itinuturing na Ama ng Wikang Pambansa, ay isinilang noong 19 Agosto 1878. Sa bisa ng proklamasyong ito, nangunguna ang KWF sa pagsasagawa ng mga makabuluhan at napapanahong mga programang may kinalaman sa wika at kulturang Filipino.

Ang layunin ng pagdiriwang ay ang mga sumusunod:

  1. ganap na maipatupad ang Pampanguluhang Proklamasyon BIg. 1041, s. 1997;
  2. magamit ang wika sa pamamagitan ng pagsasalin bilang instrumento sa wika ng kapayapaan; at
  3. maipakita ang kahalagahan ng wikang higit na nauunawaan ng nakararami para sa pambansang pagkakaisa.