NEWS

ADVISORY

Pahayag ng DILG sa listahan ng Barangay officials na sangkot sa iligal na droga

March 12, 2018

Ang desisyon sa paglalabas ng listahan ng pangalan ng mga barangay officials na sangkot sa iligal na droga ay nasa kamay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Susuportahan namin anuman ang magiging desisyon ng PDEA sa bagay na ito.

Nais rin naming linawin na hindi ang DILG ang gumagawa at nagpapanatili ng "narco list" kundi ang PDEA. Ang ginagawa ng DILG at ng aming attached agencies ay magbigay ng impormasyon tungkol sa mga drug personalities at iligal na gawain sa PDEA para sa kanilang beripikasyon at pagsama sa narco list. Bilang ahensyang inatasang manguna sa laban sa iligal na droga, ang PDEA ang gumagawa at nagsasapinal ng listahan at siya ring nagsasagawa ng kaukulang aksyon dito.

Sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Law, ang overall lead agency sa anti-illegal drug campaign ay ang PDEA. Ito rin ang nagsisilbing chairperson ng Interagency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na binuo ni Pangulong Duterte sa bisa ng Executive Order No. 15.

Masigasig ang DILG sa pamamagitan ng Philippine National Police (PNP) sa pagsuporta sa PDEA sa pagpuksa sa iligal na droga. Batid ng publiko na patuloy ang paghahabol ng PNP sa mga drug personalities sila man ay public official o pribadong tao. Hindi magbabago ang commitment ng DILG na tuldukan ang salot na droga sa ating bansa at ibibigay namin ang buong suportang kailangan ng PDEA.

Ang nalalapit na barangay elections ay isang oportunidad para sa mga mamamayan na tanggalin sa puwesto ang mga opisyal na may kinalaman sa iligal na droga. Ito ang rason kung bakit hinihimok namin ang publiko na iboto ang mga kandidato na aktibong lumalaban sa iligal na droga sa barangay level.

Samantala, kung mayroong ebidensya laban sa incumbent Barangay officials, inatasan na ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano ang PNP para magsagawa ng case build up para masampahan na sila kaagad ng kaukulang kaso.