NEWS

ADVISORY

Pagpapalabas ng CIDG ng subpoena sa mga lokal na pamahalaan legal at nararapat upang makapag-imbestiga laban sa korapsyon

October 19, 2018

Idinepensa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang direktiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na imbestigahan ang 37 munisipyo at syudad dahil sa diumano’y iregularidad sa pagpapalabas ng pondo ng bayan o mga gawaing nabahiran ng korapsyon.

Sinabi ni DILG Spokesperson, Assistant Secretary Jonathan E. Malaya na ang Kagawaran na siyang may pangkalahatang pamamahala sa mga lokal na pamahalaan, ay may karapatan na magsagawa ng fact-finding at case build-up sa mga kaso ng korapsyon laban sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Malaya na ang direktiba ni DILG OIC-Secretary Eduardo Año sa PNP na imbestigahan ang ilang lokal na pamahalaan ay ayon sa natanggap na mga ulat mula sa Hotline 8888 at Presidential Complaints Center na sang-ayon sa Bantay Korapsyon program na inilunsad nitong Oktubre 3 ngayong Local Government Month.

“May mabuting hangarin ang DILG sa pagpapatupad ng kapangyarihan na naaayon sa batas. Hindi magbibigay ng direktiba ang DILG sa PNP na labag at hindi sang-ayon sa batas,” sinabi pa nito.

Sinabi ni Malaya na ayon sa Republic Act (RA) No. 10973, na isinabatas ngayong taon at naggawad ng subpoena powers sa hepe ng PNP at sa Director at Deputy Director ng CIDG, ay naaayon sa DILG Act of 1990 o RA 6975 na nag-aatas sa PNP na imbestigahan ang lahat ng krimen tulad ng korapsyon at tuparin ang kanyang tungkulin na nakapaloob sa batas.

“Ang direktiba ng DILG sa PNP ay bilang pagpapatupad ng programang Bantay Korapsyon ng pamahalaan. At ang pagpapalabas ng subpoena ng CIDG ay autorisado sa RA 10973. Ito ay kinakailangan upang makapagpalabas ng subpoena dahil ito ay kakabit sa mga imbestigasyon,” sabi ni Malaya.

“Walang exclusive authority ang Commission on Audit at Office of the Ombudsman na mag-imbestiga sa mga kaso ng korapsyon. Ito ay sama-samang ginagawa ng mga ahensya ng gobyerno katulad ng PNP,” sabi pa nito.

Ayon pa sa kanya, ang DILG ay maingat na huwag masapawan ang kapangyarihan ng ibang ahensya. "Walang ahensya ang may eksklusibong autoridad para imbestigahan ang graft and corruption," dagdag pa nia.

“Abala ang DILG sa mga concerns at reform agenda sa interior at local government sectors. At hindi namin nais na masangkot sa isyu ng usurpation of authority,” sabi nito.

Ang lahat ay dapat magbantay laban sa korapsyon

Sinabi ni Malaya na ang Bantay Korapsyon program framework ay mayroong tatlong components tungo sa pagpapalakas ng kapasidad ng mga mamamayan, komunidad, at LGUs na suportahan ang corrupt-free na pamamahala habang ipinapamalas nila ang gawi at pamantayan ng pagiging kadiwa, kabahagi at kaagapay.

Maraming interventions at approaches ang framework sa bawa’t component, gayundin ang menu para sa learning and development activities kasama ang pagsasanay, polisiya at program support, edukasyon at advocacy, community mobilization, assessment, recognition and incentives, at partnership-building and engagement.

Ang pangunahing layunin ng programa ay ipaalam, iwasan at pigilan ang korapsyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga plano at programa tungkol sa tapat na pamamahala.

Ang naturang programa ay mayroong tatlong stratehiya upang mapaglabanan ang korapsyon: (1) edukasyon upang mapalago ang kaalaman tungkol sa korapsyon, (2) iwasan ang oportunidad para gumawa ng korapsyon, at (3) pagpigil sa pamamagitan ng pagpapataas ng tsansa na mahulu ang korap at gawaran naman ang may mabuting practices - sa pamamagitan ng partnerships, community mobilization at community specific, LGU-nuanced, at DILG-focused capacity development interventions.