NEWS

ADVISORY

P76-M halaga ng Marawi water system nagsimula na - DILG

August 2, 2018

Isinasagawa na ang P76 na milyong halaga ng water system project sa Marawi City sa pamamagitan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng programang Sagana at Ligtas na Tubig para sa Lahat (Salintubig).

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año mahigit sa 2,156 na kabahayan sa Marawi ang makikinabang sa programang inuming tubig sa sandaling matapos ang proyekto sa Disyembre 2019.

Matatandaan na itinalaga ng Pangulong Duterte si Año bilang Martial Law Administrator sa Mindanao bunsod ng pagiging military chief nito ng limang buwan sa nangyaring Marawi crisis noong nakaraang taon, at sinabing “Ang DILG ay aktibong naging bahagi para mahinto ang Marawi siege at ang muling pagbawi sa lungsod mula sa local terrorist group. Hanggang ngayon ang DILG ay maagap na tumutulong sa rehabilitasyon.”

Pitong barangay ang saklaw ng proyektong Salintubig kabilang dito ang Sagonsongan, Mipaga, Emie Punod, Basak Malutlut, East Basak, Poblacion, at Moriatao Loksadato.

Ang DILG at Department of National Defense ay magkatuwang na namumuno sa interagency Task Force Bangon Marawi (TFBM) Sub-Committee on Security, Peace and Order, ang responsible sa pagpapanumbalik ng supply ng tubig, kuryente at iba pang pampublikong utilities sa Marawi.

“Hindi kami bibitaw. Kasama ninyo ang DILG at ang buong TFBM sa pagbangon muli ng lungsod at ng mga residente nito,” paniniyak ng DILG chief.

Binuo ang isang tripartite Memorandum Agreement sa pagitan ng DILG Region 10, DILG Autonomous Region sa Muslim Mindanao, at City Government ng Marawi para sa implementasyon ng kasunduan.

Nasa huling bahagi na ang program of works at detalye ng engineering design ng proyekto.

Kamakailan, ay ipinagkaloob ni DILG Assistant Secretary for Peace and Security Alexander Macario ang tseke na nagkakahalaga ng P76-milyon sa City Government ng Marawi para sa implementasyon ng Salintubig project.

Ang programang Salintubig sa Marawi ay bahagi ng P10-bilyong rehabilitation program na nakapaloob sa ilalim ng 2018 General Appropriations Act na kabilang ang pagtatayo ng water system para sa malinis na maiinom na tubig sa lugar.

Pigilin ang violent extremism

Kasabay ng rehabilitasyon ng Marawi, nakikipag-ugnayan din ang DILG sa ibang sangay ng pamahalaan kaugnay ng adbokasiyang preventing and countering violent extremism (PCVE).

“Ang insidente sa Marawi ay isang masalimuot na krisis na nag-ugat sa kahirapan, korapsyon at maling idelohiya. Ang pagsawata sa violent extremism ay nangangailangan hindi lamang ng ‘whole-of-government approach’ kundi maging ng ‘whole-of-nation approach’ kabilang ang ating komunidad,” saad ni Año.

Sinabi pa ng DILG Chief na itinalaga na ng DILG ang attached agency nito na Philippine Public Safety College (PPSC), para sa localized na pagtugon sa sitwasyon o whole-of-community approach para sa PCVE advocacy campaign laban sa terorismo at insureksyon ng mga komunista.

Ang serye ng pagsasanay para sa PCVE ang magkatuwang na ginagawa ng DILG, Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, PPSC at iba pang ahensya para sa integrated community action laban sa mga pagkilos ng radikalisasyon at ekstremismo na ibinababa sa barangay at local government units.