NEWS

ADVISORY

Mga lokal na pamahalaan suportado ang localized peace talks

July 19, 2018

Dahil sa posibleng kaselasyon ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang istratehiya ng pamahalaan na isulong ang localized peace talks sa mga hukbo ng New People's Army (NPA) sa ibaba ay patuloy na umaani ng malawak na suporta mula sa mga pamahalaang lokal, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Nakatanggap kami ng mabuting feedback mula sa mga LGUs na nagpahayag ng kanilang pagnanais na gumanap ng mas mahalagang papel sa pagwawakas ng sigalot sa kanilang mga nasasakupan, Ang League of Cities of the Philippines kasama ang Philippine Councilors League ay nagpahayag na suportado nila ang inisyatibang ito,” sabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año.

"Hindi namin susukuan ang kapayapaan. Tatahakin namin ang bawat landas na maaari naming tahakin. Kaya naman isinusulong namin ang localized peace talks para mabigyan ng pagkakataon ang ating mga kapatid na namundok na nagnanais nang manumbalik sa lipunan. Kung si Joma Sison at ang kanyang mga alipores ay sinukuan na ang kapayapaan, kakausapin namin ang mga puwersa sa ibaba na sinsero sa kanilang pagnanais na mag-usap tungkol sa kapayapaan," sabi pa ni Año.

Ayon sa hepe ng DILG, ang mga local government officials ang mas nakakaalam sa mga isyu sa kanilang nasasakupan na nagbunsod sa pag-aaklas ng mga rebelde, kaya “sila ay nasa posisyon para makipagdayalogo sa mga koministang rebelde sa kanilang lugar at makapagrekomenda ng mga solusyon para matugunan ang mga naturang isyu.”

“Ito rin ay bahagi ng kanilang ‘general welfare mandate’ sa ilalim ng Local Government Code na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan kaya dapat nilang gampanan ang tungkulin na subukan ang lahat ng paraan para magkaroon ng kapayapaan,” aniya.

Nanghihinayang si Año na ang mga lider ng CPP/NDF/NPA ay tumatangging magpatupad ng ‘confidence building measures’ para magtagumpay ang usapang pangkapayapaan tulad ng pagtigil sa lahat ng pag-atake sa mga puwersa at proyekto ng pamahalaan sundalo pati na rin sa pagkolekta ng revolutionary taxes mula sa mga pribadong kumpanya.

Nakatakdang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang executive order na siyang magiging gabay para sa pagsasagawa ng localized peace talks.

Kasama sa mga panuntunan ay: dapat ito ay “nationally orchestrated, centrally directed at locally supervised at implemented”; ang constitutional integrity at sovereignty ng bansa ay hindi dapat makompromiso; pagbibigay ng full amnesty package base sa disarmament, demobilization, rehabilitation at reintegration sa mainstream of society, at marami pang iba.

‘Bigyan ng tsansa ang kapayapaan’

Ayon kay Philippine Councilors League (PCL) National Chairman at Davao City Councilor Danny Dayanghirang, “ang informal consensus ng Philippine Councilors League ay hinihikayat namin ang localized peace talks.”

“Dapat nating bigyan ng sapat na puwang ang mga diskusyon sa local level para magkaroon ng tsansa ang kapayapaan,” ani Dayanghirang. “Mas magandang gawin ang localized peace talks sa level ng rehiyon o lalawigan dahil hindi na dapat magpatuloy pa ang pagbabarilan ng gobyerno at ng mga rebelde,” diin pa nito.

Nais din ni Dayanghirang na palitan na sana ang mga negosyador ng NDF dahil ang gobyerno ay gumastos na ng pera at oras sa peace talks sa pangunguna ni Joma Sison pero wala namang nangyari.

“Imbis na si Sison na wala naman sa bansa, ang mga lokal na rebelde ang nasa tamang posisyon para katawanin ang grupo. Dinggin natin ang boses ng tunay na kilusang masa sa baba at paupuin sila sa panel,” sabi pa nito.

Samantala, sinabi ng League of Cities of the Philippines (LCP) na ang tamang pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno sa mga komunidad ay makakatulong para pakalmahin ang mga rebeldeng grupo at magbigay daan sa tigil-putukan sa rehiyon.

“Sa pangkalahatan, makakatulong ang mga LGUs sa pagsusulong ng kapayapaan lalo na sa mga lugar na aktibo ang mga rebeldeng grupo sa pamamagitan ng pagpapatupad ng social at economic programs sa tulong ng pondo mula sa pamahalaang nasyunal,” ayon kay LCP President at Angeles City Mayor Edgardo Pamintuan.

Dagdag pa nito na ang LGUs ay puwedeng magsagawa ng “positive talks” sa mga rebeldeng nais sumuko para makakuha ng amnesty.

Kapayapaan ang mithi

Ayon sa DILG, hindi tinatangka ng gobyerno na hatiin o pagwatak-watakin ang kahit anong grupo sa pamamagitan ng localized peace talks sa mga rebelde.

“Patuloy pa rin ang pakikipagnegosasyon ng gobyerno sa mga rebelde. Ang mithiin naman natin ay kapayapaan, mangyari man ang mga kasunduan sa pamamagitan ng nasyunal o lokal na pakikipag-usap,” ayon kay Año.

Ayon sa dating Armed Forces Chief of Staff, ginagawa lamang ng gobyerno ang iba’t ibang paraan sa bawat rehiyon sa pamamagitan ng localized peace talks.

Bukod pa dito, sinabi pa ni Año na patuloy ang paghahanda ng DILG para sa reintegrasyon ng mga dating rebelde sa lipunan sa pamamagitan ng pagpapagawa ng processing centers o halfway houses para sa dating rebelde sa ilalim ng Enhanced-Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Ang naturang processing centers o halfway houses ay magsisilbing santuario para sa rehabilitation, healing sessions at skills training sa mga dating rebelde para matulungan silang makabalik sa normal na pamumuhay sa lipunan.

Ang E-CLIP ay nagbibigay ng tulong sa mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA) at Militia ng Bayan (MB) na lumutang na at nais nang iwanan ang armadong pakikipaglaban at maging kapaki-pakinabang na miyembro ng lipunan.