NEWS

ADVISORY

Mangingisda sa Bacolod sinanay ng DILG na maging coastal warriors para sa marine conservation

April 30, 2018

Itinuturing na ngayong coastal warriors ang mga mangingisda sa apat na baybaying barangay ng Bacolod City matapos sumailalim sa fishery law enforcement training na isinagawa ng kilalang academic institution sa Negros Occidental katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano na sa pamamagitan ng DILG Technical Assistance Program for Local Resource Institutes (LRIs), may kabuuang 20 mangingisda mula sa Barangay Punta Taytay, Sum-ang, Tangub, at Singcang-Airport ang sinanay hinggil sa Fishery Law Enforcement ng University of Negros Occidental-Recoletos (UNOR).

Kabilang sa mga paksang tinalakay sa pagsasanay ang Philippine Fishery Laws, Coastal and Waste Management, at Basic Self-Defense gamit ang Khali o Arnis.

“Ang pangangalaga at pamamahala sa coastal resources ay magkatuwang na responsibilidad ng lahat ng stakeholders mula sa national government hanggang sa mga komunidad na naninirahan sa lugar upang siguruhing mapapanatili ang mga ito hanggang sa susunod na mga henerasyon,” saad ni Ano.

“Naniniwala tayo na sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng DILG sa UNOR, naturuan natin ang mga magsasaka ang kahalagahan ng coastal marine conservation at ang kanilang papel kung paano patuloy ang mga itong mapoprotektahan, mapapanatili at mapagyayaman ito,” dagdag niya.

Ipinatutupad ng Bureau of Local Government Supervision (BLGS), ang DILG-TA program para sa LRIs ay nagbigay ng P200,000 sa UNOR at siyam na iba pang LRIs na nagsumite ng mahalagang project proposals base sa resulta ng Citizen Satisfaction Index System (CSIS).

Ang CSIS ay nangalap ng impormasyon at opinion ng mga mamamayan hinggil sa paghahatid ng basic services ng local government units (LGUs) tulad ng health, support to education, social welfare, governance, at response, public works at infrastructure, environmental management at economic at investment promotion.

Bahagi din ng DILG-TA program ang sea scout training sa 19 na mga mag-aaral sa elementary at high school mula sa pampubliko at pribadong paaralan sa Bacolod City. Karamihan sa kanila ay anak ng mga mangingisda na sumailalim sa fishery law enforcement training.

Ang mga sea scouts ay sumailalim sa serye ng pagasasanay sa ibat-ibang paksa gaya ng “a glimpse of the world under", coastal habitats, coastal disasters, at managing the coasts. Nagsagawa din sila ng actual interactive activities sa mangrove at marine sanctuary sa Sipalay, Bacolod.

Sinabi ni Dr. Mona Freda Secondes, UNOR Research Director, bunga ng pakikipagtulungan ng UNOR sa DILG, naging bahagi na ng kanyang buhay na isulong at itaguyod ang coastal resource management.

“Masuwerte at pinagpala ako na maging bahagi ng proyektong ito. Hindi ito madali pero punong-puno ng biyaya. Sa ngayon, ang CRM ay bahagi na ng aking buhay at hindi lang ito libangan. Plano namin na magsagawa ng mga ganitong uri ng programa hindi lamang sa Bacolod,” ayon kay Secondes.