NEWS

ADVISORY

Kampanya ng DILG sa pederalismo isesentro sa kabataan

May 29, 2018

Sa paparating na Federalism roadshow na magsisimula sa darating na Hunyo, layon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na maging bahagi ng kampanya para sa pederalismo ang mga kabataan.

Ayon kay DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya, tutukan ng kampanya ang kabataan, partikular na ang mga millennials, dahil sila ay bukas sa pagbabago.

“Layunin ng serye ng kampanyang isasagawa na hubugin ang interes ng nakababatang henerasyon at hikayatin ang mga ito na maging bahagi ng proseso ng pagtatatag ng bansa,” saad ni Malaya na siya ding pinuno ng DILG Center for Federalism and Constitutional Reform (CFCR).

Ang DILG at Consultative Commission to Review the 1987 Constitution ay nakatakdang magsagawa ng Federalism Roadshow sa Hunyo 18 sa Dumaguete City. Plano ng DILG at komisyon na maglunsad ng konsultasyon at dayalogo sa lahat ng rehiyon sa bansa sa susunod mga buwan.

Sinabi pa ni Malaya, ang grupo ng mga millenials at ang nakababatang henerasyon ay mahalaga sa kampanya dahil sa kanialng flexibility at pagiging bukas sa mga repormang kailangan sa pag-unlad. Sila rin ang pinakamalaking bahagi ng populasyon sa bansa.

“Kung magtatagumpay tayo sa pagtuturo sa mga kabataan hinggil sa benepisyo ng pederalismo, masasabing napagtagumpayan na natin ang kalahati ng ating adhikain sapagkat naimulat natin sila sa responsibilidad bilang suporta sa pagbabagong isinusulong ng administrasyin para umusad ang ating bansa,” aniya.

Inihayag ng DILG Spokesperson na maliban sa mga kabataan, ang kampanya ay idudulog din sa nakatatandang henerasyon.

Nais ng DILG na ipabatid sa publiko ang kahalagahan ng pagkakaisa sa ilalim ng desentralisadong gobyerno kung saan ang pederalismo ang sentro ng agenda para pagbabagong itinutulak ng administrasyong Duterte.

“Magbibigay tayo ng training sa mga indibidwal na interesado sa pederalismo para maipakalat natin ang sapat na kaalaman ukol dito,” sabi ni Malaya.

Kabilang sa isasagawang Federalism roadshow sa mga rehiyon ang pagsasagawa ng konsultasyon kung saan ipepresinta ng Consultative Commission (Con-com) ang unang draft ng panukalang pagbabago at didinggin ang komento ng publiko.

“Nais nating simulant ang malayang talakayan hindi lamang dito sa NCR kaya naman magtutungo din tayo sa mga lalawigan,” pahayag ni Malaya.

Inaasahang matatapos ng Con-Com ang kanilang rekomendasyon bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng presidente sa darating na Hulyo 2018.

Tatalakayin ang ibang detalye sa aspeto ng Constitutional reform pagkatapos ng SONA kung saan ang House of Representatives at ang Senado ay maaari ng magsagawa ng deliberasyon sa mga ipinanukala ng ConCom.

Inatasan ang DILG na palaganapin ang kamalayan ng publiko hinggil sa problema ng unitary system at kung paano masosolusyunan ng pamamahalang pederal ang mga kakulangan ng kasalukuyang sistema tulad ng hindi pantay na economic development, inefficiency sa pamamahala at konsenstrasyon ng kapangyarihan sa central government.