NEWS

ADVISORY

DILG suportado ang Malacanang sa paglaban sa droga, krimen at korapsyon

July 26, 2018

Sa pagpahayag ni Pangulong Duterte sa kanyang ikatatlong State of the Nation Address (SONA) na ang laban sa droga ay hindi isasantabi, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Officer-in-Charge (OIC) Secretary Eduardo M. Año na ang kagawaran ay nasa likod ng pangulo sa “pagprotekta sa buhay, kalayaan at pag-aari ng bawat Pilipino” laban sa iligal na droga, krimen at korapsyon.

“Ang DILG kasama ang mga ahensya sa ilalim nito ay kaisa ng Pangulo sa pagnanais niyang mabigyan ng isang komportable at payapang pamumuhay ang bawa’t Pilipino na walang panganib mula sa iligal na droga, krimen at korapsyon. Sinusuportahan namin siya sa bawat hakbang upang masiguro na ang kanyang adhikain na ito ay maisasakatuparan,” sabi ni Año.

Sa SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nito ang laban ng administrasyon kontra droga “ay hindi isasantabi” at ito ay patuloy na “walang sasantuhin at katatakutan” katulad noong ito ay inumpisahan pa lang.

Sinabi rin niya na patuloy niyang hahabulin ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno kahit na siya ay maubusan na ng kaibigan, at sinabi pang “isang araw ay darating ang hustisya sa mga nagnanakaw ng pondo ng bayan”.

Ang DILG ay isa sa mga ahensya ng pamahalaan ng nangunguna sa paglaban sa droga sa pamamagitan ng Campaign Plan against Illegal Drugs ng Philippine National Police (PNP).

Mula Hulyo 2016 hanggang Hunyo 2018, mayroong 8,838,860 tokhang activities ang isinagawa kung saan 1,271,385 illegal drugs personalities ang lumutang o sumuko.

May kabuuang 86,621 anti-illegal drugs operation ang isinagawa kung saan nakaaresto ang kapulisan ng 136,129 at na neutralize nito ang may 4,221 illegal drug personalities sa police operations.

Dahil sa karagdagang pagsusumikap para lipulin ang dahilan ng krimen sa bansa, pito sa sampung Pilipino ang nagsasabing ang laban sa droga ng administrasyon ang pinakaimportanteng nagawa nito, ayon sa Pulse Asia survey na inilabas nitong Lunes.

“Aming paiigtingin ang Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADAC) upang maayos na maipatupad ang barangay-level drug clearing operations,” sabi pa ni Año.

Nitong Hunyo 2018, may kabuuang 42,029 o 99.96% ng 42,036 barangay sa buong bansa kasama na ang ARMM ang may organisadong/reorganisadong BADACs. Sa bilang na ito, 7,663 o 44% BADACs ang mayroon nang sariling Action Plans.

Sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, nagkaroon ng matinding pagbaba ng krimen sa Pilipinas katulad ng homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping at castle rustling.

Mula 1,325,789 krimen sa unang tatlong taon ng kasalukuyang administrasyon, bumaba ang crime volume sa 1,040,987 mula July 2016 hanggang June 2018.

Ito ay nagdulot ng kahusayan sa paglutas ng krimen na 62.51% at crime clearance efficiency sa 75.50% mula Hunyo 2016 – Hulyo 2018.

Samantala, malaki ang naitulong ng Departamento sa proteksyon at rehabilitasyon ng Marawi City at kalapit na mga munisipyo nito.

Nadakip din ng PNP ang 35 miyembro ng Maute ISIS at nailigtas ang 141 hostages.

“Dahil sa pagtatapos ng terorismo sa Marawi City, Tumulong ang Departamento sa pagbabalik ng Internally Displaced Persons (IDP) at kami ay natutuwa sa pag-uwi ng 27,346 katao at 114,590 pamilya sa kanilang mga bahay,” sabi ni Año.

Pagsisikap sa rehabilitasyon

Sa kanyang SONA, inatasan ni Duterte ang mga lokal na pamahalaan na kanilang ipatupad ang batas at huwag nang hintayin pa ang pambansang gobyerno na itulak sila para umaksyon upang hindi na maulit pa ang nangyari sa Boracay.

Ang DILG ay nananawagan sa mga LGUs na ipatupad ang mga batas sa kalikasan at gawing tourism eco-friendly ito.

Mahigpit na tinututukan ng DILG ang ginagawang rehabilitasyon sa Boracay. Nitong Hulyo 1, 2018, tumaas ang bilang ng mga compliant na establisimyento sa 228 mula sa 95.

Binuo ng DILG ang Boracay Inspection Committee (BIC) upang magsagawa ng pagsusuri sa mga business establishments na sumusunod sa environmental, local at national permits.

Sumusuporta rin ang DILG sa panukala ng Pangulong Duterte na magsagawa ng batas na pagbuo ng Department of Disaster Management.