NEWS

ADVISORY

DILG siniguro sa EU emissaries ang payapa at bukas na pagdaraos ng halalan sa 2019

November 16, 2018

Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga miyembro ng European Union (EU) Exploratory Mission ang pagdaraos ng payapa at bukas na halalan sa 2019.

Ginawa ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang pahayag kasunod ng pagbisita ng EU emissaries sa DILG Central Office para sa posibleng observer mission para mag-assess sa sitwasyon ng papalapit na paghahanda sa eleksyon at plebisito para sa Bangsamoro Organic Basic Law.

“Ang presensiya ng EU emissaries ay magandang oportunidad sa pamahalaang nasyonal at sa bansa upang ipakita sa buong mundo na kaya nating panatilihin ang kaligtasan at seguridad habang ating ginagampanan ang ating tungkuling bumoto,” pahayag ni Año.

Magkasamang tinanggap nina DILG Undersecretary for Operations Epimaco V. Densing III at Assistant Secretary for Local Government Marivel C. Sacendoncillo ang grupo kasunod ng paliwanag na ang pagdating sa bansa ng exploratory mission ay isang oportunidad upang maipamalas ng pamahalaan ang kanyang kakayahan na pangasiwaan nang maayos ang karapatan ng publiko na bumoto.

“Sa usapin ng pagiging bukas sa publiko, ang pagdating sa bansa ng EU observers ay bahagi na ng ating kasaysayan. At sa pagtatapos ng lahat ng ito ay muli nating tatalakayin ang usapin ng kapayapaan at pag-unlad sa Mindanao. Marami sa atin, kabilang na ako ay taga Mindanao na naghahangad ng matagumpay na plebisito,” saad ni Densing.

Nasa bansa ngayon ang EU Exploratory Mission dahil sa imbitasyon ng Commission on Elections (COMELEC) na obserbahan ang magiging pagdaraos ng eleksyon at posibilidad na magsagawa ng plebisito.

Ipinaliwanag din ni Densing na ang pamahalaan ay nagbabantay laban sa mga natira at disorganisadong elemento ng Maute Group, Abu Sayyaf Group (ASG) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na maaaring maging sagabal sa tahimik na pagsasagawa ng halalan at plebisito patungkol sa Bangsamoro.

Ayon pa dito, bagaman kanselado ang usapang pangkapayaang nasyonal, isinusulong naman ang talakayan sa lokal na hanay upang matigil ang bakbakan, matapos na makumpirma na sa kasalukuyan ay putol ang koneksyon ng mga rebeldeng komunista sa Netherlands at lokal na grupo.

“Itinutulak nila ang kapayapaan subalit sa lokal na hanay hindi malinaw kung alam nila ang nangyayari. Mayroong diskoneksyon sa pagitan ng mga lider sa Netherlands at dito sa bansa. Kaya nais nating isulong ang usapang kapayapaan sa lokal na hanay. Ito ay isang bagay na makatuwirang gawin ng pamahalaan,” paliwanag nito.

LGUs pangungunahan ang preparasyon sa eleksyon

Samantala, sinabi ni Asec Sacendoncillo na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagpapatupad ng tahimik na halalan sa susunod na taon sa pamamagitan ng pagtatalaga sa lokal na pamahalaan na nasa unahan ng inisyatibong ito.

“Pinakikilos natin ang regional peace and order council at local peace and order councils, kaya ang mga lalawigan ay mangunguna sa inisyatibong may kinalaman sa pagsusulong ng payapang eleksyon,” paliwanag nito.

Siniguro din ni Sacendoncillo sa mga delegado ng EU na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ay katuwang sa pagtiyak sa kaligtasan at magbibigay ng kaukulang payo kung saan ligtas o hindi ligtas na magtungo.

Idinagdag pa nito na ang pamahalaan ay hindi tumitigil sa pagsusulong ng anti-violent extremism na pagkilos at pagsasagawa ng forums sa buong bansa para mas mapalawig ang kamalayan ng publiko hinggil sa presensiya ng extremism maging sa labas ng Mindanao.

“Kailangang batid ng mga tao ang posibilidad na may mga miyembro ng ISIS na gumagala sa bansa o nagpapalakas ng kanilang puwersa sa ilang lugar sa bansa,” aniya.

Kabilang sa mga delegado ng EU sa Pilipinas na bumisita sa DILG noong Martes ay sina Nicolay Paus, Ioannis Kleisiaris, Eric Des Pallieres, Catherine Pascal, Victor Perez Sañudo, Delphine Mallard, Archontoula Antoniou, Jerome Riviere, Altair Asesores and Gilles Saphy.