NEWS

ADVISORY

DILG sa mga tiwaling pulis: 'Clean your act or leave the service'

August 13, 2018

"Clean your act or leave the service."

Ito ang babala ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año sa mga tiwaling pulis ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi nang pagpapaigting ng internal cleansing sa pamahalaan.

"Walang makakalusot. Ang mga pulis na mapapatunayang may kaugnayan sa anumang iligal na gawain ay matatanggal sa serbisyo," ani Año na dating Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines.

"Titiyakin ng DILG at PNP na ang hangarin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na alisin ang mga 'bugok na itlog' sa hanay ng pulisya ay maisasakatuparan bilang bahagi nang malawakang internal cleansing ng pamahalaan laban sa korapsyon," dagdag pa niya.

Ipinahayag ni Año na nakatuon ang pamahalaan sa paglalantad at pagpapakulong sa mga tiwaling pulis habang tinitiyak na sila ay mabibigyan ng due process hanggang mapatunayang nagkasala. Ipinaliwanag din niya ang urgency nito sapagkat "ang publiko ay naghahanap ng mga aksyon na dudurog sa kultura ng impunity sa pamahalaan."

"Sa mga pulis na hindi mapigil sa kanilang kabulastugan at patuloy na ginagamit ang kanilang posisyon para makapanlamang ng kapwa, sinasabi ko sa inyo, hindi namin kayo titigilan," babala ni Año.

Ayon kay Año, mula 2016, higit sa 6,000 commissioned at non-commissioned na mga pulis kasama ang mga non-uniformed personnel ang natanggal sa serbisyo, ibinaba ng posisyon, o nasuspinde.

Kasama din sa bilang na nabanggit ang mga pulis na hindi pinasuweldo, napangaralan, pinagbawalan, at tinanggalan ng pribilehiyo bilang bahagi ng internal cleansing campaign ng PNP.

"Wala akong pakialam kahit maubos lahat ng pulis, basta mawala lang lahat ng tiwaling pulis. Maaari naman silang palitan ng mga bago na mas magiging mabuti sa pagganap sa tungkulin," saad ng DILG Chief.

Kasalukuyang ipinapatupad ng PNP ang kanilang pinaigting na internal cleansing campaign na "hindi lamang nakatutok sa pagpaparusa sa mga tao". Ito ay mayroong three-pronged na approach: Preventive ang pag-assess mula recruitment hanggang operasyon upang tingnan ang mga posibleng senyales na makagagawa ito ng katiwalian; Punitive ay ang pagsasampa ng kaso sa mga pulis; at Restorative naman ay mga programa para sa recovery at wellness.

Patuloy din ang mga hakbang ng PNP upang pigilan ang pagdami ng mga tiwaling pulis sa pamamagitan ng Counter Intelligence Task Force na itinatag noong nakaraang taon upang pangunahan ang internal cleansing sa pulisya.

Binanggit din niya na sa pagtupad ni Pangulong Duterte sa pangako nitong taasan ang suweldo ng mga pulis, inaasahan na maglalaan sila ng dobleng sipag sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin at pananatilihin ang magandang kredibilidad na naaayon sa kanilang posisyon.

Ipinaliwanag ni DILG Chief Año na sa natanggap nilang increase, umaasa ang publiko nang dobleng serbisyo mula sa mga pulis na malayo sa korapsyon at pang-aabuso. Aniya, ang nasabing increase ay upang sila ay mas maging inspirado sa pagkakaloob nang mas mabuting serbisyo at upang maiwasang maakit sila sa mga suhol.

Sa pagpasok ng 2018 tumaas ang sweldo ng mga Police/Fire/Jail Officer 1 sa P 29,668 mula sa P 14,834 na may hazard pay na P 540.