NEWS

ADVISORY

DILG sa mga pamahalaang lokal: Maghanda para sa mas matinding SGLG criteria

November 14, 2018

Mas mataas pa sa kasalukuyang "all-in" na pamantayan para sa Seal of Good Local Governance (SGLG) ang dapat asahan ng mga pamahalaang lokal ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) tungo sa patuloy na pag-unlad ng antas ng pamamahala.

"Patuloy ang pagtaas ng pamatayan ng SGLG habang ating hinahangad na makapag-alay nang pinakamataas na antas ng paglilingkod sa ating mga kababayan at himukin ang mga pamahalaang lokal sa pagtataguyod ng mga polisiya tungo sa pinakamahusay na serbisyo publiko,"ani DILG Secretary Eduardo M. Año sa paggagawad ng SGLG Awards kamakailan.

Mula sa 1,682 pamahalaang lokal sa bansa, 263 lamang, kung saan 17 ang mga lalawigan, 39 ang mga lungsod, at 207 ang mga munisipalidad ang nakapasa sa "all-in" na performance indicator sa pitong sektor ng pamamahala.

"Kung mapapansin ninyo, bumaba ang bilang ng mga nanalo ngayong taon, mula sa 449 noong nakaraang taon hanggang sa 263 ngayong 2018. Sa pamamagitan ng mataas na pamantayan na ating ginamit, ating tiniyak na hindi lamang nila maipapasa ang pitong sektor ng pamamahala kundi makamit nila ang pinakamataas na resulta," aniya.

Ang mga nagsipagwagi, ayon kay Año, ay sumailalim sa matinding ebalwasyon gamit ang pinataas na "all-in" criteria na tutugon sa pitong sektor ng pamamahala: financial administration; disaster preparedness; social protection; peace and order; business-friendliness and competitiveness; environmental management; at tourism, culture and the arts.

"Yun lamang mga pinakamahuhusay ang ating binigyan ng pagkilala sapagkat nais nating ipakita na tayo ay para sa 'quality' at hindi sa 'quantity'. Naging matindi ang ginawang pagtutok ng ating mga evaluators upang masiguro na pasado sa antas ang ating mga nanalo," dagdag niya.

Kinilala din ng Kalihim ng DILG ang mga local chief executive sa pagdadala nila sa kanilang mga pamahalaang lokal sa mas mataas na antas ng serbisyo publiko at sinabing "binibigyang halaga niya ang kanilang mga pagsisikap" na mapaunlad ang lokal na pamamahala habang tumutugon sa mga pamantayang itinakda para sa SGLG 2018.

"Alam namin ang pinagdaanan ninyo at ang mga pagsubok na hinarap at nilampasan. Hindi ito madali at talaga namang nangailangan ng matinding sakripisyo at dedikasyon. Kasama ang inyong mga kawani, stakeholders, at mamamayan, naipakita ninyo ang pagkakaisa na naging dahilan para makamit ninyo ang SGLG," paliwanag niya.

Ayon kay Año, makatatanggap ang mga nagwagi ng 2018 SGLG marker; pagkakataong magamit ang DILG Performance Challenge Fund (PCF) para pondohan ang kanilang mga proyekto; at access sa iba pang programa at capacity development assistance mula sa DILG.

SGLG law

Ibinahagi din ni Año ang kanyang kagalakan sa nalalapit na pagpasa sa SGLG bilang isang ganap na batas na lalo pang magpapataas ng antas ng lokal na pamamahala at magdadala nang magandang inobasyon para sa mga pamahalaang lokal.

"Ikinagagalak kong ibalita sa inyo na malapit nang maisabatas ang Seal of Good Local Governance. Salamat sa ating mga mambabatas na sumuporta sa institusyonalisasyon ng Seal," ani Año.

Sa pamamagitan ng nasabing institusyonalisasyon na pinamagatang "The Seal of Good Local Governance Act of 2018 or The SGLG Act of 2018", ang SGLG ang magiging pangunahing performance-based measuring program ng pamahalaan.

Sa ilalim ng SGLG Act, ang pamahalaang lokal ay maaaring makapasa sa SGLG Awards kung maipapasa nito ang 10 criteria na nabanggit sa batas.

Kasama dito ang mga sumusunod: good fiscal or financial administration or financial sustainability; health compliance and responsiveness; disaster preparedness; social protection and sensitivity program; programs for sustainable education; business friendliness and competitiveness; safety, and peace and order; environmental management; tourism, culture and arts; at youth development programs.

Ang Council of Good Local Governance na binubuo ng DILG, Department of Budget and Management, Department of Finance at National Economic and Development Authority, ay magiging advisory body na titiyak sa maayos na implementasyon ng SGLG Award ay bubuuin sa ilalim ng SGLG Act.

Ang DILG ang siyang magsisilbing Secretariat of the Council at siya ring magiging implementing agency para sa nasabing batas.

Pinasalamatan din ni Año sina Senador Sonny Angara at Senador Loren Legarda sa kanilang pangunguna sa pagtataguyod ng SGLG bill sa Senado, at Kinatawan Luis Raymond Villafuerte, Jr at Kinatawan Joet Garcia na nag-akda naman ng bersyon nito sa Kongreso.

Kamakailan lamang ay inaprubahan sa pangatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1843 para sa institusyonalisasyon ng SGLG Program na nakakuha ng 19 na boto.