NEWS

ADVISORY

DILG sa mga barangay, kandidato: Linisin ang mga kalat na dulot ng kampanya noong eleksyon

May 22, 2018

Isang linggo makaraan ang barangay at Sangguniang Kabataan elections, hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay at kandidato na linisin at tanggalin ang mga campaign materials sa kanilang lugar bago matapos ang linggong ito.

“Nakapamili na ang publiko, at naiproklama na rin ang mga nanalo sa katatapos na Barangay at Sangguniang elections, kaya panahon na para gawin naman natin ang ating responsibilidad na linisin ang ating mga komunidad,” saad ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano.

Nanawagan si Ano matapos matanggap ang ulat ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na umabot ng tatlong truck na basura tulad ng posters, tarpaulins at plastic ang nahakot nila sa ilang lugar sa Metro Manila lamang pagkatapos ng eleksyon noong nakaraang linggo.

Napuna rin ng DILG chief na maraming eskuwelahan na ginamit bilang polling precincts ay puno pa rin ng election paraphernalia. “Kailangan nating linisin ang mga paaralan at ang mga katabing lugar bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 4,” aniya.

Mula noong nakaraang linggo, abala ang MMDA at ang city at municipal solid waste collection service sa paghahakot ng bulto-bultong basura na naiwan sa mga polling precincts, barangay at mga paaralan dulot ng nakaraang eleksyon ng barangay at SK.

Ayon sa hepe ng DILG, dapat pamunuan ng mga kandidato nitong katatapos na halalan ang cleanup operations, nanalo man sila o natalo, sapagkat bahagi ito ng kanilang pansibikong responsibilidad at pagpapakita ng sinseridad na maging lider ng kanilang komunidad.

“Nanalo man kayo o natalo sa nakaraang eleksyon, obligasyon ninyo na ibalik ang kalinisan at kaayusan ng inyong lugar,” pahayag nito.

Ayon pa kay Ano, dapat magtulungan at kumilos ang mga nanalo, kandidato at mga residente para mabilis na maisagawa ang paglilinis ng basura na mula sa halalan upang hindi ito maging dahilan ng pagbara ng kanal at iba pang daluyan ng tubig na kalaunan ay maaaring magdulot ng pagbaha.

“Magtulong-tulong na po tayo para tanggalin ang mga campaign materials at linisin ang kalat noong nakaraang eleksyon. Inaasahan ko na sa pagtatapos ng linggong ito, tapos na tayo sa clean up drive,” aniya.