NEWS

ADVISORY

DILG sa mga LGUs: Gamitin ninyo ang pondo ng DRRM para ipagpatayo ng mga evacuation centers

August 15, 2018

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na gawing prayoridad at gamitin ang 70% ng kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF), para sa pagpapatayo o pagpapaayos ng mga evacuation facilities sa kanilang mga nasasakupan.

“Upang mapaglabanan ang epekto ng kalamidad, ang mga LGUs ay dapat magpagawa ng mas matibay, ligtas at maayos ang disenyo na mga evacuation facilities na nakasunod sa pambansang pamantayan para sa mga ligtas na gusali at nakakatugon sa pangangalaingan ng kanilang mga nasasakupan,” ayon kay DILG Officer-In-Charge Eduardo M. Año.

Sinabi ni Ano na ang lumalakas at tumitinding kalamidad na nangyayari sa bansa ay mas nangangailangan nang mabilisang aksyon mula sa mga LGUs para makasiguro na mayroong mga evacuation centers na magagamit ang kanilang mga nasasakupan sa oras ng kalamidad.

Dagdag pa nito na sa kasalukuyang kalakaran, ang mga eskwelahan, covered courts at iba pang mga imprastruktura ng gobyerno ang siyang laging ginagamit ng mga LGUs bilang evacuation centers kaya ang mga klase ng mga mag-aaral ay naaabala at ang serbisyo ng gobyerno ay naaantala.

“Ang mga evacuees ay mas nahaharap sa panganib ang kalusugan at kaligtasan sa mga pansamantalang pasilidad na hindi naman ginawa para sa naturang pangyayari. Ang mga lokal na pamahaalan ay nararapat magpagawa ng mga evacuation facilities para masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan,” ani Año.

Ayon sa Section 21 of Republic Act 10121 or the Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act, ang LDRRMF na hindi hihigit sa limang porsyento mula sa estimated revenue mula sa regular sources ay dapat gamitin bilang suporta sa disaster risk management activities.

Ang LDRRMF ay sakop ang 30 percent lump sump allocation para sa Quick Response Fund kung saan ang 70% ay nauukol para sa disaster prevention and mitigation, paghahanda, responde, rehabilitasyon at recovery kasama na ang pagpapagawa ng mga evacuation centers.

Sa Memorandum Circular 122 series of 2018, inilatag ng DILG ang guidelines para sa pagpapagawa ng mga evacuation centers kabilang na ang construction sites, design requirements, operation, maintenance at rehabilitation ng mga pasilidad.

Ayon kay Año, ang mga structures ay dapat matibay na kayang tumayo kahit na sa wind speeds na 300 kilometers per hour at lindol na may magnitude na 8.0 sa Richter Scale.

Ang mga evacuation buildings ay hindi dapat itayo malapit sa high risk sites katulad ng mga military ang insurgent camps, power plants at factory at lalong lalo na sa mga “no-build-zones” and hazard zones.

Itong mga center na ito ay nararapat malapit sa mga evacuees at malapit sa ospital, palengke, water, electircy at komunikasyon.

Dahil inaasahang mapupuno ang mga evacuation centers kapag may kalamidad, ang mga buildings nito ay dapat may magandang bentilasyon, may sapat na liwanag, maymga pansamantalang partisyon, may kubeta at paliguan para sa lalaki at babae, mayroong dapat kagamitan para sa mga may kapansanan para maging maayos ang pamamalagi dito.

“Ang DILG ay magsasagawa ng taunang audit ng mga istruktura pagkatapos ng isang mapanganib na kalamidad para makasiguro sa kaligtasan ng mga mamamayan kung kinakailangan na nilang lumikas,” sabi ni Año.

Bukod sa pagsasaisantabi ng 70% ng LDRRMF para sa evacuation centers at iba pang kahintulad na operasyon, maaari ring gamiting ng LGUs din ang 20% ng Local Development Fund.

Upang mailabas ang pondo, dapat malinaw na nakalagay sa Local DRRM Plans ang mga ganitong inisyatiba at nakapaloob sa inaprubahang Annual Investment Programme (AIP) ng mga LGU.

Kasabay ng pagpapagawa ng maayos na evacuation centers, hinikayat ni Año ang mga LGUs na magsagawa ng mga polisiya sa pre-emptive at forced evacuations, maglagay ng mga early warning at evacuation alert systems, magsagawa at magpatupad ng mga protocols sa evacuation, magsagawa ng mga evacuation drills isang beses sa tatlong buwan, at palakasin ang kapasidad ng mga opisyal ng LGU.