NEWS

DILG sa PNP: Paigtingin ang checkpoints sa election hotspots

April 26, 2018

Tatlong linggo bago ang halalang pambarangay, inatasan ni Department of the Interior and Local Government OIC-Secretary Eduardo M. Ano ang Philippine National Police (PNP) na paigtingin at dalasan ang pagsasagawa ng checkpoints at iba pang gawaing pangseguridad sa lahat ng election hotspots sa buong bansa.

“Habang papalapit ang eleksyon, inaasahan natin na tataas ang political tension sa barangay, lalo na sa hanay ng mga kandidato at kanilang mga supporters. Nananawagan ako sa PNP na magsagawa ng regular checkpoints at panatilihin ang presensiya ng pulisya sa mga lugar na laganap ang karahasan tuwing election period,” saad ni Ano.

“Nakaatang sa balikat ng pulisya ang responsibilidad na panatilihing ligtas at payapa ang kapaligiran upang matupad ng mga mamamayan ang kanilang karapatan na bumoto. Patunayan natin na buhay pa rin ang demokrasya sa bansa sa pamamagitan ng pagseguro na ligtas, payapa at maayos ang barangay at SK elections,” giit niya sa PNP.

Ipinalabas ng DILG Secretary ang direktiba bilang suporta sa Commission on Elections (Comelec) sa pagtupad nito ng kanilang trabaho at tungkulin para sa nalalapit na Barangay at Sangguaniang Kabataan election sa Mayo 14, 2018.

Noong nakaraang Biyernes, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Memorandum Order 21 kaugnay ng Comelec Resolution 10207 na nag-aatas sa militar at pulis na siguruhin ang “malaya, maayos, tapat, payapa at may kredibilidad” na barangay at SK elections. Itinatakda ng Konstitusyon na atasan ng presidente bilang commander-in-chief ng militar at pulisya na ayunan ang Comelec sa paggamit sa militar at pulisya sa panahon ng eleksyon.

Inihayag ng DILG Chief na pagtuunan ng PNP ang pagpapakalat ng PNP personnel sa mga lugar sa bansa na talamak ang election-related violent incidents (ERVIs).

Una dito, ibinilang ng PNP ang 5,744 barangays sa buong bansa sa election watchlist, maliban pa ang mga lugar sa Metro Manila.

Sa bilang na ito, 2,025 barangay ang kabilang sa Category 1 kung saan ang tunggalian ng mga kandidato ay maituturing na “intense”, o mayroong kasaysayan ng ERVI, at pagkakaroon ng private armed groups (PAGs).

Samantala, 3,448 barangay ang nasa Category 2, kung saan mayroong intense rivalry sa pagitan ng mga kandidato, history ng ERVIs, PAGs at presensiya ng armed threats. Sa Category 3, mayroong 271 barangays na bakas ang lahat ng nabanggit na critical factor, pati na ang paglaganap ng hindi lisensiyadong baril at talamak ang aktibidad ng mga grupong kriminal.

Ayon sa PNP, 182 barangay sa ARMM, 48 sa Bicol, at 37 sa Soccsksargen ay nabibilang sa Category 3.

Inihayag pa ni Ano na dapat ay nakabantay din ang PNP sa mga hindi dokumentado at walang lisensiyang mga armas matapos na pairalin ang gun ban noong Abril 14 hanggang Hunyo 14.

“Kailangan ng Presidente ng mga kaalyado sa barangay na mangunguna sa kampanya kontra krimen, iligal na droga at korapsyon. Pagtulungan nating maisagawa ito sa Mayo 14 at siguruhin na magiging ligtas ang mga tao sa kanilang paglabas at pagboto ng mga barangay leaders na magpapatupad ng pagbabago sa barangay,” aniya.