NEWS

ADVISORY

DILG sa LGUs: Maging maagap sa pagdeklara ng suspensyon ng klase, trabaho sa inyong lugar

July 30, 2018

Hinihimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units na maging maagap sa paghahayag ng kanselasyon ng klase at trabaho sa kanilang nasasakupan kapag masama ang panahon.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año na ang local chief executives, bilang chairperson ng kanilang local disaster risk reduction and management councils (LDRRMC), ay dapat magpatupad ng matalino at maagap na desisyon base sa sitwasyon sa isang lugar upang mabatid kung magsususpendi o hindi ng pasok ang mga mag-aaral at empleyado.

"Dapat ang local chief executives ay laging manguna sa sitwasyon, lalo na kung panahon ng bagyo at kalamidad. Kailangang aktibong imonitor ang kundisyon ng panahon at aktuwal na kaganapan sa kanilang lokalidad. Hindi puwedeng tutulog-tulog," pahayag ni Año.

Inihayag ng DILG Chief ang panawagan matapos tumanggap ang iba’t ibang field offices ng maraming feedback at reklamo mula sa pribadong indibidwal hinggil sa huling paghayag ng suspensyon ng klase ng ilang local government units noong kasagsagan ng Tropical Depression "Henry" na naghatid ng matinding pagbuhos ng ulan sa Luzon nitong kalagitnaan ng buwan ng Hulyo.

"Kadalasan sa oras na naisagawa na ang anunsyo, ang mga estudyante ay nasa paaralan na at kailangan ng lumusong sa maruming tubig baha para makauwi sa kanilang tahanan," saad ni Año.

Noong Miyerkules, hindi pumayag ang Department of Education (DepEd) sa suhestyon na ibalik sa kanila ang otoridad sa paghahayag ng suspensyon ng klase.

Ayon sa Kalihim ng Edukasyon Leonor Briones, batid ng LGUs ang sitwasyon sa kanilang nasasakupan at mas madali ang pagresponde nila sa kanilang lokalidad sa panahon ng kalamidad.

Noong 2012, inilabas ng Malakanyang ang Executive Order No. 66 series of 2012, na nagbibigay sa local chief executives, ng kapangyarihan bilang LDRRMC chairs, na kanselahin o suspendihin ang pasok ng estudyante at trabaho sa gobyerno.

Gross neglect

Sinabi pa ni Año na pinag-iisipan ng Departamento ang pagpataw ng disciplinary actions laban sa tamad na opisyales na bigong maglabas ng class suspension sa tamang oras.

"Ang mga opisyal na tamad gumising para ihayag ang suspensyon ng klase kahit pa nagdeklara na ang PAGASA ng warning signals ay maaaring patawan ng gross neglect of duty," saad nito.

"Ang mabagal na paghahayag ng suspensyon ng klase ay puwedeng magdulot ng panganib sa mga estudyante na bumibiyahe kung panahon ng kalamidad," paliwanag pa nito.

"Inilalagay natin ang mga bata sa alanganin sa tuwing naaantala ang ating deklarasyon. Hindi natin dapat hintayin na tumaas muna ang tubig baha at maging kritikal bago maglabas ng pahayag," dagdag nito.

Noong nakaraang linggo, nagdulot ng matinding pagbaha sa ilang bahagi ng Luzon, na sanhi para isailalim ang ilan sa mga lugar na ito sa state of calamity.

Nito lamang Hulyo, apat na tropical cyclones ang pumasok sa bansa kabilang na ang Bagyong Gardo (Maria), Tropical Storm Henry (Son-Tinh), Severe Tropical Storm Inday (Ampil), at Tropical Depression Josie.

"Kung ikukunsidera ang malaking posibilidad na madadaanan tayo madalas ng bagyo, kailangan natin siguruhin ng advance ang kaligtasan ng ating kababayan sa halip na magsisi sa huli," saad pa ni Año.

Para magkaroon ng mas malinaw na pagtaya sa panahon, sinabi nito na ang mga lokal na opisyal ay maaari ding ikunsidera ang color-coded rainfall advisories na ibinibigay ng state bureau hango mula sa signal warnings.

Binigyang diin pa nito na ang DILG ay hindi nagkulang sa pagsasanay sa mga LGUs, pati na ang paggabay sa lokal na opisyales kung ano ang dapat gawin bago, habang at pagkatapos ng bagyo.

"Ang Departamento ay naglimbag ng kaukulang Operation Listo Manuals para sa gobernador at mga alkalde na naglalaman ng checklist hinggil sa maagap na preparedness actions tuwing panahon ng kalamidad," paliwanag pa rin nito.