NEWS

ADVISORY

DILG pinuri ang isang kolehiyo sa Gitnang Visayas sa pagsasanay ng mga pedikab draybers bilang mga gabay sa turista

April 10, 2018

Sa parating na panahon ng tag-init at kasabay ng pagdagsa ng mga turista sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, pinapurihan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) ang mga pagsusumikap ng isang kolehiyo sa Gitnang Visayas sa pagsasanay ng mga lokal na drayber ng pedikab para maging world- class tourist guides at first-aiders.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano na inihanda na ng Siquijor State College (SSC) sa bayan ng Larena ang mga residente, particular na ang mga pedicab drivers, upang tugunan ang mga pangangailangan ng lumalaking bilang ng mga dayuhang turista na bumibisita sa lalawigan, sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila kung paano magsalita ng wikang Koreano at Pranses, bukod pa sa ibang mga kasanayan.

"Kakaiba ang inisyatiba ng SSC at ito marahil ang una sa bansa. Saan ka makakahanap ng mga drayber ng pedicab na nakikipag-usap sa wikang Koreano, Pranses, Ingles, Filipino at Bisaya?" sabi ni Ano.

Sa pangunguna ng SSC, 40 pedikab drayber na kasapi ng Province of Siquijor Tourism Accredited Drivers Association (POSTADA) ang sumailalim sa isang buwang sesyon sa pagsasanay at pagpapaunlad ng kanilang mga kasanayan sa pakikipag-usap sa ibang wika tulad ng French at Korean, mga kasanayan sa turismo na nakatuon sa pag-aasikaso sa mga customer; cross-cultural communications at cultural diversity; at first aid.

Sinabi ni Ano na ang pagsasanay para sa mga drayber ng pedicab sa Siquijor ay naisakatuparan sa tulong ng project grant ng DILG sa Siquijor State College (SSC) base sa mga natuklasang survey sa Citizen Satisfaction Index System (CSIS).

Ipinakita ng resulta ng CSIS na ang economic at investment promotion particular na sa mga serbisyo sa transportasyon, ay kailangang tutukan upang makasabay sa tumataas na pangangailangan para sa turismo sa lalawigan ng Siquijor.

Pahayag rin ni Ano na ang makabagong panukala ng SSC ay kabilang sa sampung pinili ng National Program Committee (NPC) na mabigyan ng P200,000 technical assistance fund.

Ayon kay Dr. Maria Imogen Quilicot, SSC President, dahil sa naturang pagsasanay, ang mga drayber ng pampublikong transportasyon na siyang humaharap at nakikisalamuha sa mga lokal at banyagang turista ay naging mas epektibo sa pakikitungo sa mga turista, makapagsara ng mga kasunduan, at nakakapagbahagi din sila ng mga paraan kung paano mapapanatili ang likas na kagandahan ng lalawigan sa panahon ng kanilang pamamalagi.

Sinabi rin ni Dr. Quilicot na ang mga miyembro ng POSTADA ay binigyan din ng guidebook ng driver at mga first aid kits sa pagtatapos ng kanilang pasasanay, na siya namang ginagamit nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay bilang mga driver ng pedicab.

Para kay Neolito Samson na ika-anim na taon ng POSTADA President, ang kanilang isang buwang pagsasanay ay nakapagdulot ng malaking pagbabago sa kanilang buhay. Mula sa karaniwan na P200-300 na kita bawat araw, ang mga miyembro ng POSTADA ay inaarkila ng tatlong beses kada linggo, sa halagang P1,000 - P1,200 kada araw para sa isang island tour.

Ang mga drayber ng POSTADA ay masugid ding sinusubaybayan ang mga pangangailangan ng kanilang mga lokal at banyagang bisita tulad ng pagtatanong sa kanila kung alam nila paano lumangoy o kung kailangan ba nila ng floatation device tuwing humingi sila ng pahintulot na lumusong patungo sa dagat.

Bukod sa pagiging drayber, gabay sa turista at first aider, kanila ring ipinapaalala sa mga local at dayuhang bisita na dapat itapon ang kanilang mga basura sa tamang lugar kung saan may sapat na basurahan sa bawat sulok ng lalawigang isla.

Naging tanyag ang munting lalawigan ng Siquijor na binubuo ng anim na munisipalidad sa nakalipas na 10 taon tulad ng mga sikat na pasyalan gaya ng Boracay, Palawan, Bohol, Camiguin, Siargao dahil sa kanilang puting buhangin sa dalampasigan, mga lumang simbahan, mga talon, mga kuweba at iba pang mga atraksyong panturista.

Upang malaman ang higit pa tungkol sa naiibang ideya ng Siquijor, ang mga interesadong LGUs at mga partido ay maaaring makipag-ugnayan sa Siquijor State College sa telepono bilang (035) 377-2223 o (035) 377-2222, bisitahin ang kanilang website sa www.siquijorstate.edu.ph, o sundin ang kanilang Facebook page sa https://www.facebook.com/Siquijor-State-College-639134252841349/.