NEWS

ADVISORY

DILG pinuri ang desisyon ng Korte Suprema tungkol sa patas na bahagi ng mga LGUs mula sa lahat ng national taxes

July 6, 2018

Pinuri ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Korte Suprema tungkol sa pinakahuling desisyon nito ukol sa dagdag na bahagi ng mga Local Governments units (LGUs) mula sa lahat ng national taxes, at hindi lang mula sa national internal revenue taxes.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año na ang naturang desisyon ay makakapagbigay ng malaking dagdag sa Internal Revenue Tax Allotment (IRA) ng LGUs dahil sila ay magkakaroon din ng bahagi mula sa national tax collection ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan hindi lamang sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

"Masaya kami sa naging desisyon ng Korte Suprema dahil makakatulong ito para maging maayos ang pampinansyal na kondisyon ng mga LGUs. Sa pamamagitan nito, mas malawak at marami pang kababayan natin ang matutulungan at matutugunan ang mga pangangailangan," says Año.

Sa desisyon ng Korte Suprema, sinabi nito na ang patas na bahagi o “just share” ng LGUs sa ilalim ng Section 6, Article X ng 1987 Constitution ay dapat nakabase sa lahat ng national taxes at hindi lamang doon sa national internal revenue taxes, sang-ayon sa Section 284 ng Local Government Code.

Ibig sabihin nito, ang mga LGUs ay makakakuha na ng kanilang kabahagi sa customs tariffs at mga buwis na kinolekta mula sa ibang ahensiya ng pamahalaan katulad ng Bureau of Customs.

Ang Internal Revenue Taxes ay tumutukoy sa mga buwis ng nakolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kagaya ng income taxes, estate at donor’s taxes, value-added tax, excise taxes at saka documentary stamp taxes.

Sinabi pa ng DILG chief na ang mga LGUs bilang katuwang ng gobyerno para sa kapayapaan at pag-unlad, ay dapat gamiting ang karagdagang IRA para sa mga programa at proyekto na nakatutok sa Build, Build, Build, anti-illegal drugs, anti-criminality at anti-corruption.

"Ang pagtaas ng IRA mula nang manungkulan si Pangulong Duterete pati na ang desisyon ng Korte Suprema ay nangangahulugan ng mas malaking oportunidad para sa mga LGUs na magpatupad ng pagbabago sa kanilang lugar, lalo na sa pagsugpo sa iligal na droga at sa iba pang pangagailangang panlipunan,” sabi ni Año.

Ayon naman kay DILG Assistant Secretary and Spokesperson Jonathan Malaya, ang LGUs ay nararapat gamitin ang bahagi ng kanilang IRA sa pagsasagawa ng barangay clearing operations, pati na sa rehabilitation ng mga drug-users sa pakikipagtulungan ng ibang ahensya, pagbuo ng Special Drug Education Centers at pagpapalakas ng criminal justice system at maraming pang iba.

"Kapag tayo ay nagtatatrabaho para sa iisang layunin tulad ng pagsugpo sa iligal na droga sa bansa, mas mabilis at mas maayos nating maipapatupad ang mga ipinangako natin sa ating kapwa Pilipino," ani Malaya.

Sinabi rin niya na ang desisyon ng SC ay sang-ayon din sa kasaluluyang pagsusulong ng pederalismo na magbibigay ng dagdag ng kapangyarihan at pondo sa mga rehiyon, "Ito ay hakbang sa tamang direksyon. Dahil sa deisyon na ito, mararanasan ng mga LGUs kung paano magkaroon ng mas maraming resources sa mga rehiyon," dagdag pa nito.

Pinaalalahan din niya ang mga LGUs na ang PPAs ay dapat may result-oriented focus sa national development goals patungo sa AMBISYON NATIN 2040, ang 2030 Agenda for Sustainable Development, at ang President's 10-Point Socio Economic Agenda sang-ayon Executive Order No. 27.

Ayon sa Section 305 of Republic Act 7160 o ang Local Government Code, “local budget, plans and goals, shall as far as practicable be harmonized with national development plans, goals and strategies in order to optimize the utilization of resources and to avoid duplication in the use of fiscal and physical resources”.