NEWS

ADVISORY

DILG pinaalalahanan ang mga kandidato na maghahain ng kanilang ginastos sa kampanya hanggang Hunyo 13

June 11, 2018

Mayroon na lamang na ilang araw o hanggang Hunyo 13 ang mga nanalo at natalong kandidato sa halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan noong Mayo 14 na maghain ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Commission on Elections, paalala ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Sa layuning maging bukas at magkaroon ng pananagutan, lahat ng kandidato, nanalo man o natalo, ay kailangang magsumite sa Comelec at sa publiko ng lahat ng kanilang ginastos pati na ang mga kontribusyon na tinanggap nila para sa eleksyon,” pahayag ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano.

Ipinaliwanag ni Ano na ang paghahain ng SOCE ay bahagi ng legal na obligasyon ng sino mang kumandidato sa anumang puwesto sa pamahalaan batay sa Republic Act 7166 o "Synchronized National and Local Elections and Electoral Reforms Act".

“Sa pamamagitan ng pagsusumite ng SOCEs, ang nanalong kandidato ay magkakaroon ng maayos na pagsisimula, samantalang ang mga hindi pinalad ay maipapakita ang kanilang tapat na hangarin sa paglahok sa halalan,” anito.

Ayon sa Comelec, maging ang mga diskuwalipikadong kandidato ay obligado ring magsumite ng SOCEs.

Batay sa talaan, may kabuuang 1,070,991 certificates of candidacies ang inihain noong Mayo 14 BSKE. Mula sa bilang na ito, 684,785 na posisyon ang para sa Barangay, samantala 386,206 ay nagbasakaling mailuklok sa Sangguniang Kabataan.

Sinabi pa ng DILG Chief, itinatakda ng batas na ang hindi paghahain ng SOCEs ay nagbabawal sa mga nahalal na kandidato na maupo sa puwesto hanggat hindi nila natutugunan ang alituntunin o kaya naman ay maaari silang maharap sa habang buhay na diskuwalipikasyon sa mga ‘offenders’ na paulit-ulit binabalewala ang paghahain ng SOCEs.

Alinsunod sa Section 14 ng Republic Act No. 7166, ang bawat kandidato ay kailangang maghain ng ‘full, true at itemized statement’ ng kontribusyon at gastusin may kinalaman sa kanilang kandidatura sa loob ng 30 araw matapos ang eleksyon.

Ang dalawa o higit pang kabiguan o pagbalewala sa pagsumite ng SOCE ay maaaring patawan ng habang buhay na diskuwalipikasyon sa pagsali sa eleksyon.

Nitong nakaraang Abril, inilathala ng Comelec sa website nito ang listahan ng 105 kandidato na hindi na maaaring humawak ng anumang puwesto sa gobyerno dahil sa kabiguan na magsumite ng SOCE pagkaraan ng halaan.

Ang form para sa SOCE ay makikita sa Comelec website, www.comelec.gov.ph.