NEWS

ADVISORY

DILG nananawagan sa filmmakers na sumali sa CineMarya, ang unang film festival sa Pilipinas para sa kababaihan

April 10, 2018

Bilang bahagi ng pagpapalakas sa adbokasiya ng women empowerment sa pamamagitan ng visual arts, pinangungunahan ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang CineMarya, ang kauna-unahang film festival sa Pilipinas para sa kababaihan na gagawin kada taon.

Iniimbitahan ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano ang lahat ng filmmakers na lumahok at magkaroon ng pagkakataon na tumanggap ng seed money na PhP100,000 para sa sampung kalahok na lilikha ng short films na tumatalakay sa mga kababaihan.

“Ang pagsasalaysay ng kuwento sa pamamagitan ng pelikula ay subok na mabisang paraan para maintindihan at pahalagahan ng mga Pilipinong manunuod ang mga usapin sa lipunan at sila’y mahikayat at mabigyang inspirasyon,” saad ni Ano.

“Nanawagan tayo sa mga Pilipinong kalalakihan at kababaihang film artists na makiisa dito sa unang taong kumpetisyon ng CineMarya. Ibahagi ang inyong talento sa pagpapalawig ng kamalayan at edukasyon ukol sa gender at development (GAD),” sabi nito.

Ayon naman kay DILG Assistant Secretary Marjorie N. Jalosjos, na itinalaga ni Ano na mamahala sa adbokasiyang GAD ng Kagawaran, ang sino mang interesadong filmmakers ay maaaring magsumite ng kanilang entries sa CineMarya simula ngayong Abril hanggang Hunyo ngayong taon sa pamamagitan ng partner nito, ang Film Development Council of the Philippines (FDCP).

Kasama ng FDCP at Philippine Commission on Women (PCW) ang DILG na uupo sa panel na susuri at magrerepaso sa sampung short films na kalahok sa CineMarya.

Kabilang sa mga kategorya na maaaring mapanalunan sa debut ng CineMarya film fest sa Marso 2019 ang Best Picture, Best Director, Jury Prize, People’s Choice at ang Josefa Llanes Escoda Film Excellence Award.

“Ang CineMarya ay nagmula sa layunin ng DILG na mahikayat ang local government units (LGUs) na isama ang GAD at ang Magna Carta for Women sa kanilang mga lokal na plano, programa at aktibidad,” pahayag ni Jalosjos.

Sinabi pa nito na ang CineMarya ay inisyatibo ng DILG para maging bahagi ng educational at artistic support mechanisms sa LGUs na nais maisama at tumanggap ng DILG Seal of Good Local Governance (SGLG).

Ang SGLG ay isang progressive assessment system na ibinibigay taon-taon sa piling LGUs na pasok sa good governance standards na kasama ang social protection ng kababaihan sa mga batayan nito.

“Sa pamamagitan ng short films na nakasentro sa kababaihan at GAD, matututo ang LGUs experientially,” aniya.

Hinimok din ni Jalosjos ang mga interesadong filmmakers na isumite ang kanilang entries sa lalong madaling panahon upang makasama sila sa serye ng filmmaking workshop na isasagawa ng FDCP bilang bahagi ng suporta nila sa CineMarya film fest.