NEWS

ADVISORY

DILG nananawagan sa LGUs na magtatag ng local 911 emergency call centers

June 5, 2018

Matapos ang paglagda kamakailan ng executive order na nagtatalaga sa 911 bilang national emergency hotline number sa bansa, tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano sa publiko ang mas mahusay na pagbibigay ng alalay sa oras ng sakuna na may kinalaman sa pagpigil sa kriminalidad, pampublikong kaayusan at seguridad.

“Natutuwa kami sa paglagda ni Pangulong Duterte sa Executive Order No. 56 dahil pinapalakas nito ang pagsisikap ng administrasyon na mabigyan ng mas maayos na serbisyo ang publiko sa pamamagitan ng maagap at mahusay na pagtulong sa oras ng sakuna sa pamamagitan ng 911,” saad ni Ano.

Hinihikayat din ng DILG Chief ang mga ahensiya ng gobyerno at LGUs na nagkakaloob ng emergency aid na madaliin ang pagkonekta ng kanilang sistema sa 911 upang isang emergency hotline number na lamang ang tatawagan ng mga tao.

“Huwag nating lituhin ang publiko sa pagkakaroon ng ibat-ibang hotline numbers. Sang-ayon sa direktiba ng Presidente, dapat ay 911 lamang ang nag-iisang emergency hotline natin sa bansa,” aniya.

Nanawagan din ang DILG Chief sa private communication carriers at telecommunication companies na maglaan sila ng ‘uninterrupted connectivity” at “integration of calls” na ng mga subscribers sa emergency hotline.

Nilagdaan ng Presidente ang Executive Order No. 56 noong nakaraang Mayo 25, 2018 na nagtatakda sa emergency 911 hotline bilang emergency answering system sa buong bansa na papalit sa Patrol 117.

Sa ilalim ng nasabing EO, ang DILG Secretary ang tatayong Chairperson ng Emergency 911 Commission na magsisilbi bilang policy making body at pangangasiwaan ang emergency national program, kasama ang Secretary ng Department of Information and Communication Technology bilang Vice-Chairperson.

Matapos malagdaan ang direktiba, hinikayat ni Ano ang local government units (LGUs) na bumuo at pangasiwaan ang local 911 call centers sa kanilang lugar na mapapasailalim sa pangkalahatang superbisyon ng National Call Center.

Sa kasalukuyan, mayroong walong emergency call centers sa buong bansa na may 169 na kawani na tumatanggap ng emergency calls sa 911. Ang pinakamalaking emergency call center ay ang Metro Manila na may 74 katao at ang Cebu na may 22 katao, na parehong pinamamahalaan ng DILG. Ang 911 system sa Davao City ay naitatag noong alkalde pa lamang ang Presidente.

Samantala ang anim na iba pang emergency call centers ay pinamumunuan ng local government units. Ito ay matatagpuan sa Bataan na may anim na tauhan; Tarlac, pito; Ilocos Norte, 11; La Union, 13; Puerto Prinsesa, 22; at Paranaque City, 14 manpower.

“Ang tulong ay dapat abot kamay ng bawat Filipino na nasa delikadong sitwasyon maging ang mga nasa pinakamalayong lungsod o munisipalidad. Kailangang gawing prayoridad ng lokal na pamahalaan ang pagbuo ng kanilang local 911 call centers upang masiguro ang pagbibigay ng agarang tulong tuwing may emergency,” pahayag nito.

Sa loob ng isang taong operasyon, 6.762 milyong tawag sa 911 hotline ang pumasok. Mula sa mga tawag na ito, pinakamataas na insidente ay tawag may kinalaman sa vehicular accident (30,801 cases), emergency medical/ambulance assistance (29,016), police assistance (20,965), nuisance (20,959) at insidente ng sunog (14,916 cases).

Binabalaan din ng hepe ng DILG ang publiko laban sa panlilinlang at panloloko sa 911 dahit ito ay may katapat na karampatang parusa.

“Dapat maikonekta ng 911 ang first responders sa mga taong nangangailangan sa kanila. Kaya huwag nating hayaan na puno o barado ang linya ng 911 dahil sa prank calls upang bigyang daan ang mga lehitimong tawag na higit na nangangailangan ng serbisyo ng 911,” ani Ano.

Kabilang sa pangunahing service providers ang Bureau of Fire Protection para sa sunog, emergency medical at rescue services, hazardous materials protection at technical search at rescue services; at ang Philippine National Police para sa public safety at crime prevention.

Ang major support service responders ay ang Department of Public Works and Highways, Department of Health, Department of Transportation, Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, Philippine Coast Guard, Philippine Drug Enforcement Agency, Metropolitan Manila Development Authority, local government units, at accredited non-government organizations, hospitals, public safety volunteers, at iba pang institusyon.

Ilan sa rescue operations na isinagawa sa tulong ng 911 hotline ay ang sunog sa Manila Pavillon noong Marso 18; vehicular incident na naganap sa National Road, Sablayan, Occidental Mindoro kung saan 36 na biktima ang agad na naisugod sa Sablayan North Hospital; maritime rescue assistance sa pitong pasahero ng bangkang de motor na tumirik sa Logbon Island, Romblon, Romblon.