NEWS

ADVISORY

DILG nagpalabas ng P582.5-M financial assistance sa 2,330 benepisyaryong sugatan/nasawing pulis at sundalo

July 20, 2018

Pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagbibigay ng may kabuuang P582.5-milyong financial assistance sa 2,330 benepisyaryo ng pulis at sundalo na nasugatan o kaya ay napatay habang nasa military o police operation mula Hunyo 1 ng kasalukuyang taon.

"Maliban sa natupad ang pangako ng Pangulong Duterte na doblehin ang sahod ng mga uniformed personnel, naging instrumento rin ang DILG sa pagtupad sa plano ng Presidente na bumuo ng comprehensive social assistance para sa puwersa ng pulisya at sundalo," saad ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año.

Kabilang sa nakatanggap ng financial assistance ang pamilya ng anim na pulis na napatay sa misencounter sa pagitan ng tropa ng army sa Samar noong Hunyo 25.

Sinabi ni Año na ito ay iba pa sa P61.5 milyong financial assistance sa 246 na benepisyaryo mula sa second tranche na ibinigay pagkatapos ng capacity building training na pinangunahan ng DILG at ng Department of National Defense (DND). Kabilang din ang ibang ahensya ng gobyerno sa pagsisikap na ito tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Trade and Industry, at Technical Education and Skills Development Authority, at marami pang iba.

Ayon sa DILG Chief, ang financial assistance na ibinibigay sa mga benepisyaryo ng mga pulis at sundalo ay naging posible dahil sa Comprehensive Social Benefits Program (CSBP) para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na napuruhan habang nasa operasyon o sa labanan at sa kanilang mga benepisyaryo.

Ang DILG ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa implementasyon ng programa sa pakikipagtulungan ng 18 ahensya ng gobyerno na kasama sa CSBP sa pamamagitan ng 'Killed and Wounded-in-Action One Stop Assistance Program Management Office (KIA/WIA OSA-PMO). Ang KIA/WIA OSA-PMO ang namamahala sa napapanahong pamamahagi ng tulong sa mga pulis o military casualties at kanilang itinalagang benepisyaryo mula sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.

Inihayag ni Año, na isang dating chief ng AFP, na ang “CSBP ay isa sa mahalagang reporma na naipatupad ng kasalukuyang administrasyon. Dati’y walang koordinasyon ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa dapat na tulong na natatanggap ng magigiting nating kasundaluhan at kapulisan. Ngayon ang probisyon sa pagbibigay benepisyo ay mas mabilis na sapagkat nakapaloob na ito sa isang government assistance package. Ito ang tatak ng pagbabago.”

Benepisyo ng CSBP

Ang mga benepisyo sa ilalim ng CSBP ay ang special financial assistance galing sa Office of the President na nagkakahalaga ng P500,000 laan para sa killed-in-action (KIA) o killed-in-police-operations (KIPO) na ibinibigay ng dalawang beses; P100,000 sa wounded-in-action (WIA) o kaya ay wounded-in-police-operations (WIPO) personnel at may malalang injury o minor injuries; P250,000 sa WIA at WIPO na nagtamo ng Total Permanent Physical Disability (TPPD).

Ang DILG din ay tumutulong na maempleyo ang mga benepisyaryo sa DILG regional o provincial offices, local government units, at ibang regional government agencies. Batay sa huling tala noong Hulyo 13, mayroong 336 na kaanak na ang napagkalooban ng employment assistance.

"Kinikilala ng DILG na ang pagkakaloob ng trabaho sa miyembro ng pamilya ng pulis o sugatang sundalo ay isang paraan para mapagaan ang kanilang sitwasyon sapagkat magkakaroon sila ng dagdag kabuhayan. Malaking bagay na may hanapbuhay ang miyembro ng pamilya ng nasawi o sugatang pulis o sundalo para suportahan sila at manatiling matatag,” ani Año.

Samantala, mula noong Hunyo 1, 145 beneficiaries na ang tumanggap ng shelter assistance mula sa National Housing Authority sa pamamagitan ng pagkakaloob sa mga ito ng housing unit na nagkakahalaga ng P450,000 o kaya ay probisyon ng P100,000 para sa pagsasaayos ng bahay.

Nagbigay din ng Department of Health at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng health care assistance, kasama na ang PhilHealth annual premium na P2,400, pagpapa-ospital at maintenance medicines sa 374 beneficiaries mula din noong Hunyo 1.

Bukod pa ditto, may education assistance din na taunang tulong na ipinagkakaloob sa dalawang dependents kung saan 276 na ang nabigyan.

"Mahigit sa isang daang benefit packages ang ipino-proseso sa ngayon at para maging mas episyente at mabilis ang proseso, nagsagawa ang DILG ng Regional Working Group cascading sessions sa lahat ng rehiyon sa buong bansa maliban sa Gitnang Luzon at Metro Manila," aniya.

Pagsama sa BFP, BJMP, PCG

Sinabi rin ng DILG Chief na ang planong pagsama sa uniformed personnel ng Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Philippine Coast Guard (PCG) sa saklaw ng CSBP ay inaprubahan sa isang high-level meeting at inihahanda na ang draft Executive Order para iendorso at pirmahan ng Pangulo.

"Ito ay pagkilala sa kritikal na papel ng uniformed personnel sa labas ng AFP at PNP na isinasakripisyo ang kanilang buhay sa ngalan ng katahimikan, kaayusan at kaligtasan ng publiko. Ito’y pagkilala sa kanilang tapang at malasakit,” pagbibigay diin ni Año.