NEWS

ADVISORY

DILG magpapalabas ng show-cause order sa mga alkaldeng wala sa kanilang nasasakupang lugar noong panahon ng bagyong "Ompong"

September 19, 2018

Mahigit sampung (10) alkalde mula sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR) ay maaring mapatawan ng show-cause orders sa kanilang pagkawala sa kanilang nasasakupang lugar noong nanalasa ang bagyong Ompong, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG)

“Kami ay nabigla sa mga ulat na aming natanggap dito sa Central Office patungkol sa mga alkaldeng wala sa kanilang lugar, na kabilang sa mga kritikal na lugar na dadaanan ng bagyong Ompong.”, sabi ni DILG Undersecretary for Peace and Order Bernardo C. Florece, Jr. sa isang pulong balitaan kahapon sa DILG central office sa Quezon City.

Ayon sa DILG’s Operation Listo Protocols, ang mga lokal na opisyal kung saan ang kanilang nasasakupang lugar ay nasa ilalim ng Alpha (low risks areas), Bravo (medium-risk areas) at Charlie (high-risks areas) sa panahon ng bagyo ay dapat magsagawa ng critical preparedness actions bilang bahagi ng paghahanda sa sakuna.

Sinabi din ni Florece na ang DILG ay kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon kung totoo ang mga ulat sa kanila. Kung mapatunayan, ang mga lokal na opisyal umano ay maaring managot sa kasong absenteeism at pagpapabaya sa katungkulan at maaring humantong sa pagsampa ng kasong adminstratibo sa mga ito.

“Sa mga kasong naihain sa DILG, ang pinakamabigat na kaparusahan ng maaring matanggap ng isang lokal na opisyal ay suspensyon, ngunit kung ito ay ihahain sa Ombudsman, ang mga nasabing alkalde ay maaring matangal sa pwesto” dagdag pa nito.

Walang trial by publicity

Samantala, sinabi naman ni DILG Assistant Secretary and Spokesperson Jonathan E. Malaya na sa kasalukuyan, hindi pa maaring pangalanan ang mga nasabing alkalde dahil pinag-aaralan pa ng DILG ang kanilang mga naging pagganap sa kanilang tungkulin ayon sa Operation Listo protocols.

“Ang kagawaran ay ayaw ng trial by publicity kung kaya’t ang mga pangalan ng mga nasabing alkalde ay ilalabas pagkatapos na makumpleto ang isinagawang imbestigasyon,” ayon kay Malaya.

Sinabi pa nito na ang mga alkalde na mapapatunayang nagpabaya kaugnay sa kanilang tungkulin bilang tagapinuno ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) ay kailangan mayroon kasulatan na nagpapaliwanag kung bakit hindi sila dapat bigyan ng disciplinary action.

“Ayon sa Local Government Code, ang presensya at suporta ng mga alkalde sa kanilang nasasakupan ay lubhang napakahalaga upang maisagawa nila ang mga hakbang upang maprotektahan nila ang kanilang mga nasasakupan sa mula sa masamang epekto bunga ng mga kalamidad at sakuna”, sabi ni Malaya.

Dagdag pa ng opisyal na bilang ahensya na itinalagang magsagawa ng pangkalahatan pamamahala sa mga lokal na pamahalaan, hinikayat ni DILG OIC Eduardo M. Ano na maging physically present ang mga lokal na opiyal sa kanilang lugar bago dumating, sa kasalukuyang pananalasa at pagkatapos ng isang bagyo.

Ipinaliwanag pa nito na ayon sa doctrine of qualified political agency, ang DILG ay ang alter ego ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na may kapangyarihan mag pataw ng parusa sa mga lokal na opisyal.

“Nais lang naming ipaalam na hindi kami naghahanap ng mga bad performances, pero kami ay umaasang may makita ding mga best practices,” dagdag pa nito.

Sapilitang paglikas ay nasa desisyon na ng mga lokal na pamahalaan

Pinaliwanag naman ni DILG Central Office Disaster Information Coordinating Center (CODIX) Chief, Engr. Edgar Allan B. Tabell na sa kawalan ng batas tungkol sa force evacuation o sapilitang paglikas, nasa mga lokal na pamahalaan na ang desisyon sa pagsagawa nito sa kanilang nasasakupan.

"May karampatang kapangyarihan ang mga Alkalde upang magsagawa ng forced evacuation ayon sa General Welfare clause ng Local Government Code. So kahit na walang specific law, mayroong ligal na awtoridad ang mga mayor upang maipatupad ang sapilitang paglilikas sa mga apektadong mamamayan, kung kinakailangan," ayon kay Tabell.

Sa kaso ng Barangay Ucab, Itogon, Benguet, kung saan may napaulat na mga nawawalang minero at kanilang mga pamilya na lumikas sa isang bunkhouse na bumagsak at natabunan sa pagguho ng lupa sa kasagsagan ng pag-ulan, ang DILG ay walang natanggap na ulat na nagsagawa ang lokal ng pamahalaan ng forced evacuation.

“May natanggap kaming ulat na ang mga lokal na pamahalaan ay nagsagawa ng pre-emptive evacuation bago dumating ang bagyong Ompong. Pero sa kasawiang palad, ang mga minero ay nag-evacuate sa ibang lugar kung saan ito ay landslide-prone area din o delikado sa pagguho ng lupa,” sinabi ni Tabell.

Dagdag pa nito, ang DILG ang pangunahing ahensya sa Management of the Dead and Missing (MDM) cluster, kung kaya’t pinakilos na ang MDM- Benguet upang hukayin ang mga nawawalang biktima sa pakikipag-tulungan ng mga ahensya ng gobyerno na kabilang sa naturang cluster.