NEWS

ADVISORY

DILG magpapagawa ng mas maraming processing centers para sa mga susukong rebelde bilang paghahanda sa localized peace talks

July 19, 2018

Bilang paghahanda sa balak na localized peace talks, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Año na ang Departamento ay magpapagawa ng mas maraming processing centers o halfway houses para sa mga susukong rebelde at para na rin sa iba pang programa para sa kanila.

Ipinaliwanag ni Año na hindi mahahadlangan ng sigalot ng gobyerno at makakaliwang grupo ang pagsisikap ng Departamento na matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga dating rebelde na nagdesisyong manumbalik sa lipunan.

“Umaasa kami sa tagumpay ng localized peace talks sa kadahilanang nag-anunsyo ang Communist Party of the Philippines (CPP) na mas gugustuhin pa nilang patalsikin ang Presidente kaysa pag-usapan ang kapayapaan. Hinding-hindi namin susukuan ang kapayapaan, kaya kami ay naghahanda para sa pagbabalik-loob ng mga rebeldeng Komunista sa anumang paraan na kaya namin,” sabi pa nito.

Ang halfway house ay isang pansamantalang tirahan na nagsisilbing processing center para sa mga dating rebelde. Ito ay maaaring bagong istruktura sa mga probinsya o highly urbanized cities na nangangailangan ng naturang pasilidad.

"Isinusugal ng mga dating rebelde ang lahat sa pamamagitan ng pagsuko kaya nais naming siguruhin na ang gobyerno ay nakaalalay sa bawat hakbang ng kanilang pagbabago at pagbabalik sa lipunan. Sa halfway houses magsisimula ang kanilang bagong buhay," sabi ni Año.

Pahayag ng DILG Chief na bibigyan ng tulong pinansyal ang mga lokal na pamahalaan mula sa Enhanced-Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) para sa pagpapagawa ng halfway houses na siyang magiging sentro ng rehabilitasyon at healing sessions, pag-aaral at pagsasanay.

Inisyu kamakailan lamang ng DILG ang Memorandum Circular 2018-105 kung saan sinasaad ang batayan sa pagpili ng mga LGUs para sa nasabing programa. Kasama sa criteria ang pagkakaroon ng pinakamaraming nakatalang FRs; walang halfway house o kung meron man ay hindi buhat sa pondo ng CLIP o kaya E-CLIP na nararapat nang ipagawa o palakihin; may magagamit na loteng ipinagkaloob na para patayuan; at may mga programa para sa pagsasanay at marami pang kahintulad na programa.

"Magsisilbi ang halfway house na muling pagpapakilala sa mga dating rebelde sa lipunan. Doon ay bibigyan naming sila ng mga kasanayan. Kaya napakahalaga na ang ating magiging partner LGU ay mayroong ganoong mga uri ng training," paliwanag ni Año.

Binanggit pa niya na may nakalaang P5-milyon para sa pagpapagawa ng bawat halfway house na maaari lamang makuha kapag nakasunod sa mga procedural requirements ang mga LGUs tulad ng kumpletong assessment ng mga provincial/highly-urbanized city government; paglagda sa isang memorandum agreement; at pagsumite ng project proposal at supporting documents.

"Ang mga interesadong LGUs, bilang implementing partners, ay dapat makasunod sa lahat ng hinihingi ng DILG guidelines, dahil gustuhin man naming aprubahan ang lahat ng aplikasyon, pondo pa rin ng publiko ang pinag-uusapan natin dito," dagdag pa nito.

Siyam na probinsiya na ang nabigyan ng tig-P5-milyon bilang mga implementing partners na kanilang ginamit sa pagpapagawa ng mga processing centers. Ito ay sa Kalinga, Mountain Province, Masbate, Negros Oriental, Northern Samar, Sarangani, Sultan Kudarat, South Cotabato, at North Cotabato.

Milyon-milyong financial assistance din ang inilaan ng DILG at naipamahagi sa mga dating rebeldeng komunista sa nakalipas na tatlong taon. Umabot sa kabuuang P59.68-milyon na ang nagamit para sa immediate assistance ng may 471 dating rebelde, habang 459 ang nakakuha ng livelihood assistance, 361 ang may reintegration assistance, at 132 ang nabiyayaan ng firearm remuneration.