NEWS

ADVISORY

DILG maghahain ng kasong administratibo laban sa 16 na barangay sa NCR, Bicol dahil sa kabiguang magorganisa ng BADAC

May 2, 2018

Labing-anim na barangay sa National Capital Region (NCR) at Bicol Region ang mahaharap sa kasong administratibo sa Tanggapan ng Ombudsman na ihahain ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa kabiguan nilang iorganisa ang kani-kanilang Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACs).

"Maghahain tayo ng kasong administratibo sa Ombudsman laban sa pasaway na mga opisyal ng 16 na barangay dahil sa kanilang kapabayaan sa tungkulin alinsunod sa Section 60 ng Local Government Code ng 1991," pahayag ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano sa pinagsamang press conference ng Kagawaran at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Lunes.

Sinabi nito na hindi nabuo ng 16 na barangay ang kani-kanilang BADACs sa kabila ng maraming direktiba na inilabas ng DILG at Dangerous Drugs Board (DDB).

Ang lima sa 16 na barangay ay mula sa NCR, na pawang nasa Lungsod ng Maynila. Ito ang Barangay 471, 477, 482, 659-A, at 690.

Samantala, 11 ay mula sa Bicol --- 10 ay mula sa bayan ng Aroroy sa Masbate at isa sa Gubat, Sorsogon.

Sa Aroroy, Masbate, ang mga barangay na hindi organisado ang BADAC ay Bagauma, Balawing, Gumahang, Lanang, Macabug, Manamoc, Mariposa, Nabongsoran, San Isidro at Talabaan.

Sa lalawigan ng Sorsogon, Barangay Cota sa Dado (Poblacion) sa bayan ng Gubat ay kumpirmado ring walang BADAC.

Binigyang-diin pa ng DILG Chief na ang 16 na opisyal ng barangay ay magkakaroon ng pagkakataon para ipagtanggol ang kanilang sarili at maisailalim sa due process of law o kaparaanan ng batas.

"Ang public office ay public trust. Hindi sila pribadong mamamayan. Sila ay may pananagutan na magawa ang kanilang mga tungkulin at ang publiko ay may karapatang malaman kung nagagampanan nga ba ang mga ito," saad nito.

Inatasan ni Ano si DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Dino at Assistant Secretary for External and Legislative Affairs Ricojudge Janvier Echiverri na maghain ng kasong administratibo sa Ombudsman nitong Lunes.

Pagbusisi sa tungkulin ng organisadong BADACs

Nagbabala si Ano na ang paghahain ng kaso laban sa mga opisyal ng 16 na barangay na walang BADAC ay pauna lamang sa serye ng kaso na isasampa ng DILG.

"Ito ay unang batch pa lamang habang nasa proseso tayo ng paglilikom ng report mula sa regional at field offices at mayroon pang mahigit 600 barangay na walang ulat ukol sa kanilang BADACs," aniya.

Isiniwalat din nito na ang pagsubaybay ng DILG sa pagsunod ng barangay sa pagorganisa ng BADAC ay paunang hakbang lamang dahil binabantayan din ng Kagawaran ang functionality o paggana at pagiging aktibo ng mga organisadong BADAC.

"Kapag sinabi nating functional, ibig sabihin nito’y ang kaukulang local government units (LGUs) ay naglaan ng sapat na budget para sa anti-drug campaign gaya ng community-based rehabilitation," sabi nito.

Ayon pa sa kanya, ang mga barangay ay kailangang magsumite ng BADAC action plans sa tanggapan ng DILG at kailangang naipatupad nila ang mga nakasaad na programa, proyekto o aktibidad na nasa talaan ng kanilang action plan.

Ang gumaganang BADAC ay iyong nakakatulong sa pagbaba ng paglaganap ng iligal na droga sa kanilang barangay na pagtitibayin naman ng PDEA.

Panawagan ng pagbabago sa hanay ng barangay

Sinabi ng DILG Chief na ang paghahain ng Departamento ng asunto laban sa mga barangay na walang BADAC ay "malakas na mensahe sa mga barangay hinggil sa mahalaga nilang papel sa kampanya kontra iligal na droga lalo’t dalawang linggo na lang ay Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na."

"Dapat maging wais ang mga botante at na hindi muling ihalal ang mga kasalukuyang opisyal sa barangay na bigong tugunan ang mga isyu sa iligal na droga sa kanilang komunidad," pagbibigay-diin nito.

Aniya, kabilang daw sa batayan ng matinong kandidato ay "lumaban at lumalaban sa iligal na droga".

"Kailangan natin ng mga opisyal sa barangay na sumusuporta sa kampanyang pagbabago ng pamahalaan. At dapat magsimula ang pagbabagong ito sa hanay ng barangay," sabi ni Ano.

Mga alkalde at gobernador kasunod na

Samantala ang Anti-Drug Abuse Councils (ADACs) ng mas mataas na LGUs tulad ng probinsya, lungsod at munisipalidad ay susunod na matapos na ihayag ng DILG Chief na ang Kagawaran ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa DDB upang siguruhin ang pagbuo at pagiging aktibo ng mas mataas na ADACs.

"Hindi tayo mag-aatubiling na maghain ng reklamo laban sa mga alkalde at gobernador na napatunayang hindi nakapag-organisa ng ADACs," saad pa nito.

Komposisyon ng BADAC

Ayon sa DILG Memorandum Circular 2015-63 na ipinalabas noong Hunyo 16, 2015, ang BADACs ay dapat pamunuan ng barangay chairperson samantalang ang vice-chair ay sangguniang barangay member o kagawad na chair ng barangay committee on peace and order.

Ang mga miyembro ng BADAC ay kagawad na chair ng barangay committee on women at family, SK chairperson, public school principal o kanyang kinatawan, tanod chief o executive officer, representante ng non-government organization, at kinatawan ng faith-based organization tulad ng Ugnayan ng Barangay at mga Simbahan (UBAS).