NEWS

DILG kaugnay ng tigil-putukan ng mga rebelde sa Kapaskuhan: Walang saysay at propaganda lamang

December 11, 2018

Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año na walang saysay at pangpropaganda lamang ang pansamantalang tigil-putukan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army- National Democratic Front (CPP/NPA/NDF) sa paparating na holiday season.

“Ito po ay isang malaking kalokohan. Huwag na nilang gamiting dahilan ang Kapaskuhan sa pagkukunwari nila na magtitigil-putukan sila sa panahong iyon gayong alam naman nating magpapalakas lang sila ng puwersa,” saad ni Año.

Tulad ng DND, hindi irerekomenda ng DILG ang tigil-putukan ngayong Kapaskuhan sapagkat sasamantalahin lamang ng CPP- NPA-NDF ang panahong iyon para muling magpalakas ng puwersa para sa nalalapit nilang ika-50 taong anibersaryo.

“Taon-taon na lang ay nagdedeklara sila ng tigil-putukan at pinagbibigyan sila ng pamahalaan alang-alang sa diwa ng Kapaskuhan. Sa puntong ito, huwag na nating sakyan ang mga palabas ng grupong ito,” saad ng dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff.

Ayon pa sa hepe ng DILG, gagamitin lamang ng NPA at ng kanilang communist front organizations ang tigil-putukan para palakasin ang kanilang hanay at posibleng paglunsad ng atake sa sa tropa ng pamahalaan bilang paggunita ng kanilang ika-50 taong anibersaryo.

“Hindi natin pahihintulutan na muli naman tayong mahulog sa bitag. Nakita na natin sa mga nagdaang panahon ang kawalan ng sinseridad ng mga komunista at ng kanilang front organizations,” anito.

Ang CPP central committee ay nagpahayag noong nakaraang Biyernes ng pansamatalang tigil-putukan na epektibo ng 12:01 ng umaga ng Disyembre 24 hanggang 11:59 ng hatinggabi ng Disyembre 26 at 12:01 ng umaga ng Disyembre 31 at 11:59 ng hatinggabi ng Enero 1, 2019.

Sinabi ni Año na walang mangyayari sa pansamantalang ceasefire sapagkat ang CPP-NPA-NDF ay walang intensyon na itigil ang pakikipagbakbakan sa puwersa ng gobyerno kahit pa man sa panahon na umiiral ito.

“Huwag silang puro ‘talkies’. Kung talagang sinsero sila sa kapayapaan, matagal nang sinasabi ni Pangulong Duterte na bumalik si Joma Sison dito para sila mismo ang mag-usap,” saad pa ni Año.