NEWS

ADVISORY

DILG katuwang sa pagtiyak ng tuloy-tuloy na transmisyon ng kuryente

September 27, 2018

Para sa tuloy-tuloy na transmisyon ng kuryente sa bansa, nagpahayag ng suporta ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang tiyakin na 'on-time' ang pagsisimula at pagtatapos ng mga proyektong transmission line at substation sa mga lokal na pamahalaan.

Ipinahayag ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año na bilang may pangkalahatang superbisyon sa mga pamahalaang lokal, magiging katuwang ng DILG ang NGCP sa pagtataguyod ng kaligtasang pampubliko at hindi napuputol na transmisyon ng kuryente gayundin sa proteksyon, seguridad at integridad ng transmission system ng bansa.

“Ang kuryente ang haligi ng ating ekonomiya. Kaya sisiguraduhin ng DILG na makakarating ang elektrisidad sa pinakamalayong barangay at sitio ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangang tulong at suporta sa NGCP sa kanilang mga transmission projects,” ani Año.

Sa ilalim ng batas, ang NGCP ay may mandato na mangasiwa, magsagawa at panatilihin ang transmission system sa bansa at palawigin ang national grid na siyang titiyak na ang kuryenteng nagmumula sa mga power plant ay naipapadala sa lahat ng distribution utilities at directly-connected customers.

Nito lamang Martes, lumagda sina DILG Chief Año at ang Pangulo at Chief Executive Officer ng NGCP Anthony L. Almeda sa isang kasunduan para sa mabilis at mabisang transmisyon ng elektrisidad sa bansa. Saksi sa paglagda sina DILG Undersecretary Epimaco Densing III at NGCP Chief Administrative Officer Bryan Andersen Co.

Ayon sa naturang kasunduan, ieendorso ng DILG ang kahilingan ng NGCP na maipasa ang mga lokal na ordinansa na magbabawal ng pagtatanim ng mga puno, pagsagawa ng mga mapanganib na gawain, at pagtatayo ng mga istruktura sa right-of-way corridors ng transmission at distribution lines.

Magbibigay din ng police assistance ang Kagawaran para panatilihin ang kapayapaan at kaayusan upang maiwasan ang karahasan sa oras na igawad ng NGCP ang writs of possession o injunction mula sa Korte sa mga pribadong istruktura na may kaugnayan sa pagpapanatili, pagsasaayos, rehabilitasyon at restorasyon.

Kasama rin sa responsibilidad ng DILG ay tawagin ang pansin ng mga lokal na pamahalaan upang agarang maresolba ang mga isyu kung hindi agad nakakuha ng mga permiso ang NGCP kahit na ito ay nakatugon sa mga hinihinging requirements.

“Buo ang suporta ng DILG sa mga proyekto at insyatibo ng NGCP para sa ligtas na operasyon at maintenance ng mga transmission facility nito tungo sa hindi napuputol at maaasahang probisyon ng transmission services para sa publiko sa pamamagitan ng pagtatapos ng mga transmission projects sa tamang panahon,” paliwanang ni Año.

Ayon kay Ano, ang bagong lagdang Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 at Executive Order No. 30 na naging daan upang likhain ang Energy Investment Coordinating Council ay tumutugon din sa pagpapabilis ng pagpapatupad ng mga energy project.

“Hinihikayat ko ang pagkikipagtulungan at suporta ng mga pamahalaang lokal sa pagpapabilis ng mga transmission project sa kanilang nasasakupan dahil sa bandang huli, ang mga komunidad at publiko ang makikinabang sa pagkakaroon ng kuryente,” dagdag pa niya.

Samantala, ipaaalam naman ng NGCP sa DILG ang mga isyu sa LGUs na may kaugnayan sa public safety, ang patuloy at maaasahan na transmisyon ng kuryente, at ang proteksyon para sa seguridad at integridad ng mga power grid, at iba pa.