NEWS

ADVISORY

DILG ikinalungkot ang mali-maling impormasyon tungkol sa pederalismo

July 18, 2018

Sa gitna ng lumalagong kaalaman sa kampanya ng administrasyon para sa reporma ng konstitusyon, ikinalungkot ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kumakalat na mali-maling balita tungkol sa pederalismo.

“Hindi na ako nasosorpresa sa dami ng kumakalat na mali-maling impormasyon ngayon tungkol sa pederalismo. Ngayong laganap na ang kamalayan, maraming pagtatangka mula sa ilang grupo na magpakalat ng taliwas na impormasyon tungkol sa iminumungkahing pagbabago sa konstitusyon,” sabi ni DILG Assistant Secretary Jonathan E. Malaya.

Inihalimbawa ni Malaya ang nakaraang Pulse Asia survey kung saan nakitang dumarami na ang nakakaalam sa reporma ng konstitusyon.

“Kapag sinuring mabuti, ang ipinapakita ng Pulse Asia survey ay dumarami na ngayon ang nakakaalam sa mungkahing pagbabago sa konstitusyon,” sabi ni Malaya.

Ayon sa Pulse Asia survey results na inilabas kamakailan, ang kamalayan sa constitutional reform ay tumaas sa 55% nitong Hunyo mula sa 49% noong Marso. “Ito ay matibay na ebidensya na ang aming public awareness efforts ay nagkakaroon na ng magandang resulta kahit na kakaumpisa pa lamang namin,” sabi pa nito.

Ayon pa sa Tagapagsalita ng DILG, kakasumite pa lamang ng Consultative Committee ang draft federal constitution kay Pangulong Duterte noong nakaraang buwan. “Sa katunayan ay kakaumpisa pa lang namin ng federalism roadshow noong isang buwan sa Dumaguete City kaya ang pagtaas ng kamalayan ng mga tao mula noong nakaraang survey ay malaking bagay na sa amin. Alam naming marami pa kaming dapat gawin,” dagdag pa nito.

Habang ang survey ay naglabas ng positibong trend sa awareness, sinabi ni Malaya na ang paraan ng Pulse Asia sa pagtatanong sa survey ay nagbigay daan sa nakalilitong impormasyon tungkol sa suporta ng mga tao sa pederalismo.

“Sinabi sa survey na 69% ang kakaunti o walang kaalaman sa iminumungkahing pederal na sistema ng gobyerno. Maiintindihan naman natin iyon dahil kakatapos lamang ng ConCom ng draft federal model. Pero ang sabihin na mayorya ang kontra sa pederalismo dahil 69% lang ang hindi nakakaunawa nito ay hindi lamang ‘contradictory’ kundi ‘illogical’ pa," ayon kay Malaya.

“Ang pagtatanong sa survey ay ginawa sa paraan na parang inaakala na ang mga Filipino ay sobra ang pagkontra sa pederalismo. Sa katunayan, hindi nga ipinapakita sa survey kung ang mga tao ay pabor o hindi sa pederalismo,” sinabi pa nito.

Sa halip na magtanong ng malinaw katulad ng ‘Pabor ka ba sa Constitutional Reform? Oo, Hindi, o Hindi ko alam?’, ang ginawang choices ng Pulse Asia ay ‘Oo, ngayon’ ‘Hindi, hindi ngayon’ ‘Hindi Kailanman,’ at ‘Hindi ko alam.’

Sang-ayon kay Malaya, ipinakita sa survey na 18% ang may gusto na palitan ang 1987 Constitution ngayon at 30% ang nagsasabing pwedeng amyendahan ito sa darating na panahon na may kabuuang 48% ang bukas sa posibilidad ng Constitutional reform.

“Samakatuwid, 37% lamang ang mahigpit ang pagkontra sa constitutional reform at maaari naming kumbinsihin ang 14% na hindi pa nakakapagdesisyon na magdesisyon sa pabor ng charter change,” aniya.

Makikita rin sa survey na 56% ang tunay na pabor sa pagpalit tungo sa pederalismo ngayon at sa darating pang panahon, at 34% lamang ang kontra dito ngayon man o sa hinaharap, dagdag pa niya.

“Hindi patas ang interpretasyon nila ng resulta dahil ibinilang nila ang 28% na nagsasabing maaaring palitan ang Sistema sa hinaharap sa mga kumokontra dito, samantalang ang bilang na ito ay bukas sa pagbabago,” paliwanag ni Malaya.

Kaya ito ay malaking hamon na nais harapin ng DILG. “Kakaumpisa pa lang ng kampanya. Ngayon na isinumite na ng Consultative Committee ang draft charter sa Presidente, inaasahan naming tataas ang suporta dito kapag inendorso na ito ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address sa July 23,” sabi ni Malaya.

Kasabay ng fieldwork ng Pulse Asia survey noong Hunyo 15-21 ang unang roadshow ng DILG sa federalism.

Ang DILG ay nag-ikot na sa bansa upang ipalaganap ang kamalayan sa federalism sa Dumaguete, Baguio, at Legazpi kung saan ang Concom ay nagsagawa rin ng regional consultations. Nais ng DILG na bisitahin ang lahat ng rehiyon ng bansa bago matapos ang taon.

Pagkatapos na maindorso ng Pangulo ang panukalang ito, inaasahan na magsagawa ng mga deliberasyon ang Kongreso tungkol sa modelo ng Concom para sa pagiging pederal. Kasunod nito ay ang plebisito para aprubahan ang mga amyenda sa Konstitusyon.