NEWS

ADVISORY

DILG hinimok ang mga pamahalaang lokal na gamitin sa makabuluhang proyekto ang P980-M insentibo ng PCF

October 22, 2018

Gamitin sa makabuluhang proyekto ang insentibo mula sa Performance Challenge Fund (PCF) sa pamamagitan nang paglalaan nito sa mga inisyatibong higit na makatutulong sa inyong mga kababayan.

Ito ang mensahe ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Año kasunod ng paglalabas ng kautusan ukol sa pagkakaloob ng insentibo ng PCF 2018 na higit sa P980-M sa mga karapat-dapat na mga pamahalaang lokal.

Para sa taong 2018, 263 pamahalaang lokal ang ginawaran ng Seal of Good Local Governance (SGLG) at idineklarang makatatanggap ng insentibong nagkakahalaga ng P7-M sa bawat probinsiya, P5.1-M sa bawat lungsod, at P3.2-M naman para sa bawat bayan.

Ayon kay Año, bilang isang eksklusibong gawad sa mga nagsipagwagi ng SGLG, malaki ang maitutulong ng pera mula sa PCF sa pagpopondo sa mga proyektong pangkaunlaran ng mga pamahalaang lokal.

"Ang pamantayan ng SGLG sa taong ito ay napakahirap kaya naman sa mga nagwagi, gamitin nila sa makabuluhang proyekto ang insentibo mula sa PCF. Sana ay ilaan ito ng mga LGU sa mga proyektong lalo pang magpapabuti sa antas ng pamumuhay ng kanilang mga kababayan," aniya.

"Ang premyong ito ay isa na naman pong pagkakataon upang ating mapabuti ang ating serbisyo at makapagbigay ng Matino, Mahusay at Maaasahang paglilingkod sa ating mga kababayan, huwag po nating sayangin," dagdag pa niya.

Nagbabala din si Año sa mga pamahalaang lokal laban sa pagwawaldas sa nasabing insentibo sapagkat may sistema ang Kagawaran upang tiyakin na ang bawat sentimo ay mapupunta sa mga makabuluhang proyekto para sa mga mamamayan.

"Pakiusap po, gamitin po ninyo ang inyong premyo sa makabuluhang proyekto sapagkat tinitiyak ko po sa inyo na ang DILG ay matiyagang magbabantay upang masiguro na ang pondong ito ay para sa bayan at sa bayan lamang mapupunta," paliwanag niya.

Ilalabas din ng DILG ang PCF Operational Guidelines para sa mga pamahalaang lokal upang gabayan sila sa tamang proseso at pamamahala sa mga proyektong paglalaanan ng insentibo. Lalamanin nito ang mga polisiya at hakbang sa pagpapatupad ng PCF.

Ang nasabing operational guidelines ay tutulong sa mga pamahalaang lokal na epektibong maipatupad ang mga proyektong popondohan ng PCF, at naglalaman din ng 'mapa' sa pamamahala ng PCF kasama ang paglalabas ng pinansyal na ayuda, pagsubaybay, at pag-uulat sa pagpapatupad ng mga proyekto ng PCF.

Samantala, sa nabanggit na kautusan ng Kagawaran, ang insentibo ng PCF ay igagawad matapos maisumite ang listahan ng proyekto kasama ang mungkahing proyekto na inaprubahan ng pinuno ng pamahalaang lokal at ang Government Bank Certification na nagpapakita na ang pamahalaang lokal ay mayroong trust fund para sa mga unang beses pa lamang makatatanggap ng insentibo.

Kailangan ding magpakita ng certified true copy ng Annual Investment Program o Local Development Investment Program o Provincial Development Investment Program ng Kalihim ng Sanggunian.

Sinimulan noong 2010 ng DILG, ang PCF ay pinansyal na ayuda na iginagawad sa mga karapat-dapat na pamahalaang lokal sa ilalim ng Local Governance Performance Management Program ng Kagawaran.