NEWS

ADVISORY

DILG hinimok ang mga millennials na magparehistro para sa 2019 eleksyon sa Comelec bago ang deadline sa Setyembre 29

September 25, 2018

Mahigit sa 45 porsyento ng mga botante sa bansa ang mga millennials kaya’t inaanyayahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magparehistro ang mga ito sa Commission on Elections (Comelec) bago dumating ang deadline sa Setyembre 29 para makaboto sa 2019 midterm elections.

Hinikayat ni DILG Spokesperson, Assistant Secretary Jonathan E. Malaya, ang mga kabataan na hindi bababa sa 18 taong gulang na bigyan ng oras ang pagpunta sa tanggapan ng Comelec upang magpatala bilang bagong botante o i-reactivate ang kanilang tala kung ito ay napaso na dahil sa hindi pagboto sa nakaraang dalawang magkasunod na halalan.

Dahil sa ang pagpaparehistro para sa 2019 eleksyon ay nag-umpisa pa noong Hulyo 2 o mahigit dalawang buwan na ang nakakaraan, inudyukan ni Malaya ang mga hindi pa nakapagpaparehistrong kabataan na iwasan ang last-minute syndrome o ang pagpaparehistro sa huling araw ng registration.

“Sa ating mga mamamayan, iwaksi na po natin ang ugaling ‘mamaya na.’ Ang pagboto ang pinakakongkretong paraan para ang mga tao ay makilahok sa demokrasya at baguhin ang landas ng pamamahala sa pamamagitan ng pagboto ng mga kandidato na pinapaniwalaan nating mamumuno sa national at local governments nang may kakayahan at integridad. Iyong mga matino, mahusay, at maaasahan,” pagdidin pa nito.

Ayon pa sa tagapagsalita ng DILG, dapat himukin ng mga bagong halal na opisyal ng Sangguniang Kabataang (SK) ang mga kapwa nila kabataan na magparehistro bago dumating ang deadline sa Setyembre 29 at bumoto sa Mayo 13, 2019.

“Ang mga SK officials ang modelo ng mga kabataan sa komunidad. Ipaalam at bigyang inspirasyon ang kabataan tungkol sa kanilang kapangyarihang bumoto at pumili na sa ating kolonyal na kasaysayan ay naranasan lamang noon ng mga elitista at mga kalalakihan,” sabi nito.

Ang mga rekwisito para makaboto bukod sa pagiging 18 taong gulang ay dapat residente ng Pilipinas ng may isang taon at anim na buwan bago maghalalan sa siyudad o munisipyo kung saan siya boboto. Ang mga magpaparehistro ay kailangang magdala ng valid identification card na may litrato at lagda pagpunta sa tanggapan ng Comelec.

“Malaki ang magiging epekto ng inyong boto sa Mayo 13 sa kinabukasan ng mga lokalidad at ng bansa sa aspetong politikal at pangsosyo-ekonomiya. Kayo ang pipili ng mga mamumuno sa gobyerno na silang magpapasa ng mga batas, magpapatupad ng mga programang makakaapekto sa atin at magpapasya sa paggastos ng pondong galing sa ating mga buwis,” pahayag ni Malaya.

“Kaya siguraduhin ninyo na kayo ay rehistrado para sa halalang Mayo 13. Gawin ninyo ito para sa inyong sarili, sa inyong pamilya at mga kaibigan, at para sa ating bansa. Sabi nga nila #YOLO, you only live once. At sa tuwing ikatatlong taon, #YOVO, you only vote once para sa pambansa at lokal na halalan,” sabi nito.

Sa Marawi City kung saan naganap ang espesyal na halalang SK at pambarangay nitong Setyembre 22, inanunsyo ng Comelec na hindi kabilang ang siyudad sa pagpaparehistro na ginaganap sa buong bansa para sa 2019 midterm eleksyon, dahil ito ay sumasailalim sa rehabilitasyon pagkatapos ng limang buwan na bakbakan noong nakaraang taon.

Ayon sa talaan ng Comelec, sa kabuuang 54,363,844 rehistradong botante sa eleksyon noong taong 2016, 24,730,013 o umabot sa mahigit 45 porsyento ang nasa edad 18 hanggang 34. Ang kabuuang bilang ng aktuwal na bumuto sa 2016 eleksyon ay umabot sa 81.95 porsyento.