NEWS

ADVISORY

DILG hinimok ang barangay, SK candidates na gawing prayoridad ang tubig sa kanilang plataporma

March 12, 2018

Dalawang buwan bago idaos ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), hinimok ng Department of the Interior and Local Government ang mga nagbabalak kumandidato na gawing prayoridad ang programa sa tubig sa kanilang agenda para sa kanilang mga barangay.

Sinabi ni DILG OIC Secretary Eduardo M. Ano na ang tubig ay pangunahing pangangailangan ng mga tao sa komunidad at nahaharap ang mga barangay at SK candidates sa matinding hamon na siguruhin na ang lahat ng mga mamamayan ay magkaroon ng mapagkukunan ng malinis na tubig.

"Ang tubig ay buhay at maliban sa pantawid uhaw ito, isa rin ito sa mahalagang pundasyon para mapatatag ang bansa na maaring magbigay trabaho at magpalakas ng ating human, social at economic development," saad ni Ano.

Inihayag ng DILG Chief ang panawagan kasabay ng paggunita sa pagdiriwang ng World Water Day sa Marso 22 ngayong taon.

Itinalaga ng United Nations Conference on Environment and Development ang Marso 22 bilang World Water Day upang tiyakin ang availability at sustainable management ng tubig at sanitasyon pagsapit ng 2030 bilang bahagi ng Sustainable Development Goal (SDG) No. 6. Ngayong taon, ang tema ng WWD ay "Nature for Water" o "Tubig para sa Kalikasan."

World Water Day 2018

Ayon kay Ano, naghahanda na ang DILG para sa WWD 2018 sa pag-asang mapalawig ang kamalayan at maunawaan ng publiko ang kahalagahan ng pagtitipid sa paggamit ng tubig para sa mas matagal na gamit nito.

Sinabi pa niya na ang Departamento ay aktibong nakikilahok sa mga interagency meetings na pinamumunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tumatalakay sa mga collaborative activities para sa isang linggong selebrasyon ng WWD mula March 15-23.

Ang DILG ay isa sa national government agencies na kasama sa water sector sa pagpapatupad ng mga proyekto para sa malinis na inuming tubig sa malalayong lugar tulad ng Sagana at Ligtas na Tubig (SALINTUBIG), Assistance to Municipalities (AM)- Potable Water Supply Projects, at Pro-Water, isang Spanish-funded na programa sa ilalim ng iWash Governance.

"Nakikiisa ang DILG sa United Nations at sa buong Philippine government sa pagtataguyod ng nature-based solutions na maaaring tumugon sa napipintong krisis sa tubig sanhi ng pagbaha, tagtuyot, polusyon sa tubig at humihina at limitadong access sa supply ng inuming tubig," pahayag ni Ano.

Water Forum

Pahayag ng DILG Chief na sa pagdaraos ng mga pagpupulong ng technical working group (TWG), nailatag ang ilang aktibidad para sa isang linggong selebrasyon ng WWD tulad ng water forum sa mga estudyante ng kolehiyo, nature walk, sungka tournament at awarding ceremony sa mga indibidwal, grupo at maging sa mga gumagawa ng proyekto ukol sa patubig.

"Umaasa tayo na sa serye ng nakalinyang aktibidad na inilatag ng WWD para sa mga kababayan natin, mas magiging masigasig sa pagkilos para pangalagaan ang kalikasan at water resources," saad ni Ano.

Maliban sa DILG at DENR, ang iba pang TWG partners ay Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Climate Change Commission (CCC), Local Water Utilities Administration (LWUA), Laguna Lake Development Authority (LLDA), Maynilad Water Services, Inc., Department of Public Works and Highways (DPWH), Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), The Manila Water Company, Inc., National Irrigation Administration (NIA), Society for the Conservation of Philippine Wetlands, Inc. (SCPW), National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), and National Water Resources Board (NWRB).