NEWS

DILG hinimok ang COMELEC na sanayin ang mga guro bilang BEIs para sa manual voting sa barangay elections

May 8, 2018

Ilang araw bago ang Synchronized Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2018, hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Commission on Elections na paigtingin ang pagsasanay sa mga pampublikong guro na magsisilbi bilang Board of Elections Inspectors (BEIs) para sa isasagawang manual voting.

Inihayag ni DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya na kailangang maorient muli sa mga tuntunin ng pagsusuri at pagbibilang ng balota ang mga guro lalo pa at manual ang magiging sistema ng botohan at bilangan sa halalan sa Mayo 14 na taliwas sa ginawang automated elections noong nakaraang 2016.

“Malaking pagsubok sa mga guro ang magsisilbing BEIs dahil sa pressure sa mga poll watchers, supporters ng barangay at SK candidates, at maging sa mismong botante. Kaya mahalaga na alam nila ang kanilang tuingkulin upang masiguro na hindi magkakaroon ng aberya pagdating ng mismong araw ng eleksyon,” saad ni Malaya.

Ayon sa DILG Spokesperson, ang pagsasanay ay kapaki-pakinabang sa mga guro na dati nang nagsilbi bilang BEI at maging sa doon sa unang beses pa lamang magiging BEI.

Sinabi pa niya na nakipag-usap siya sa ilang guro sa Pangasinan na humiling na mabigyan sila ng special training hinggil sa pagtanggap ng balota bago ang mismong Barangay elections.

“Ang mahalaga ay matutunan nila ang buong proseso upang malaman nila kung paano tutugunan at reresolbahin ang anumang isyu na maaaring mangyari sa mismong araw ng halalan,” saad nito.

Ang huling manual election na ginawa sa bansa ay noong barangay elections ng Nobyembre 2013. Samantalang ang automated elections ay ginawa noong May 2013 midterm at May 2016 presidential elections.

Ayon sa Comelec, tinatayang 77 milyong balota ang naimprenta para sa paparating na eleksyon. Kailangang isulat ng lahat ng botante ang pangalan ng barangay at SK na kandidato na iboboto nila.

May 300,000 public school teachers ang inaasahang maglilingkod bilang Chairperson at kasapi ng Electoral Boards ngayong Mayo 14.

Itatalaga sila upang magsilbi sa 41,933 barangays sa buong bansa. 96 barangays naman sa Marawi City ang exempted sa pagdaraos ng eleksyon sa Mayo 14.

Batay sa Election Service Reform Act of 2016 o Republic Act 10756, tatanggap ng honoraria ang electoral boards. Makakatanggap ng ng P6,000 ang Chairman samantalang ang miyembro ay tatanggap ng P5,000. Ang magsisilbing Department of Education Supervisor Official (DESO) ay tatanggap naman ng P4,000 at ang support staff ay makakatanggap ng halagang P2,000.

Maliban pa sa honoraria, ang mga BEI ay makakakuha din ng P1,000 travel allowance na babayaran sa loob ng 15 araw makaraan ang May 14 elections. Ang mga guro na magsisilbi sa eleksyon ay binibigyan din ng service credits na hindi bababa sa limang araw.

Batay sa RA 10756, ang pagtatrabaho ng mga pampublikong guro sa panahon ng eleksyon ay hindi na compulsory.

Sakali namang magkaroon ng kakulangan sa volunteer teachers, maaaring magtalaga ang Comelec ng guro mula sa pribadong paaralan, national government employees (hindi kasama ang military officers), non-teaching personnel mula sa DepEd, ibang national government officials, at empleyado na may permanenteng katungkulan at miyembro ng COMELEC-accredited civil society organizations, o rehistradong botante sa lungsod o munisipalidad na kilalang may integridad at hindi konektado sa kahit na sinong kandidato o political party.