NEWS

ADVISORY

DILG hinikayat ang publiko na isuplong ang mga nangingikil, nangangako ng OIC appointment sa barangay

March 28, 2018

Muling nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko laban sa mga scammer at extortionist na nangangako ng OIC appointment sa mga barangay gamit ang pangalan ng Pangulo, DILG at ang kampanya para sa Pederalismo.

Ayon kay DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan Malaya, walang katotohan na magkakaroon ng OIC appointment sa mga barangay lalo na ngayong ang halalan sa Barangay at SK ay tuloy na sa Mayo.

"Sinarado na ng Senado ang pinto para sa anumang pagpapaliban sa eleksyon kaya naman mas mabuti na isipin na lamang ng mga lider ng barangay kung paano sila muling maihahalal kaysa hayaan nilang malinlang sila ng ganitong mga modus," ani Malaya.

Ipinahayag ni Malaya na inatasan na ni DILG Secretary Eduardo M. Ano ang Philippine National Police (PNP) na maging mapagbantay sa mga scammer at agarang sampahan ng kaso para maiwasan na mas marami pa ang mabiktima.

Kaugnay nito, dalawang 'di umano'y scammer ang nadakip sa Laguna at sa Bohol ngayong buwan dahil sa pangingikil o extortion gamit naman ang kampanya para sa Pederalismo.

“Kami'y natutuwa na nadakip na ng ating kapulisan ang itinuturong ulo ng grupong People’s Congress na napabalitang ilang buwan na ring nag-iikot sa iba’t ibang probinsya at nambibiktima ng mga kababayan nating napapaniwala nilang maitatalaga silang barangay o local government official kapag naipagpaliban ang Barangay election o natupad ang federalism sa bansa o di kaya sa ilalalim ng revolutionary government (RevGov),” ani Malaya.

Dagdag pa ni Malaya, kailangang maging masigasig ang mga field office ng DILG sa pagbabantay at iulat sa PNP ang mga insidenteng may kaugnayan sa mga nasabing kaso.

Ayon pa sa kanya, sa kabila ng pagsasara ng Ika-17 Kongreso ng walang naipapasang batas na magpapaliban sa Halalang Pang-Barangay at SK, may mga ulat pa din silang nakakalap na may mga scammer na patuloy pa din na palipat-lipat sa pambibiktima sa mga lalawigan.

Sa nakalipas na buwan, naglabas ng direktiba si Ano para sa mga pamahalaang lokal, civil society organizations, people's organizations, at tanggapan ng DILG sa mga rehiyon na nagbabala sa mga naturang ilegal na gawain at nag-aatas sa kanilang "iulat sa kapulisan ang anumang hindi otorisadong paggamit ng pangalan o logo ng DILG sa alinmang gawain o kampanya para sa Pederalismo sa mga komunidad".

Hinikayat din ni Ano ang mga nagmamalasakit na mga pangkat, mga tanggapan, at mga pinuno ng mga pamahalaang lokal na makipag-ugnayan sa tanggapan ni Asec. Malaya na siyang pinuno ng DILG Center for Federalism and Constitutional Reform sa mga sumusunod na numero: (02) 8763454 local no. 3801 or 3802 o sa Local Government Academy sa numerong (02) 6389649 o 6341906.