NEWS

ADVISORY

DILG hinikayat ang publiko na dumalo sa Barangay Assembly sa Linggo, Oktubre 14

October 12, 2018

Kailan ka huling bumisita sa inyong barangay hall? Kilala mo ba ang mga bagong opisyal ng inyong barangay? Nakadalo ka na ba sa Barangay Assembly sa inyong komunidad?

Ito ay ilan sa mga katanungan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Año sa publiko sa pagnanais na mapataas ang bilang ng mga mamamayang makikilahok sa darating na Barangay Assembly sa buong bansa sa Linggo, Oktubre 14, 2018.

Karapatan ng mamamayan na malaman ang estado ng pamamahala sa kanilang barangay, kung magkano ang pondo ng barangay at saan ito ginamit at gagamitin, kung ano ang mga programa’t ordinansa sa komunidad, at iba pang isyung nakakaapekto sa kanila,”ayon dito.

Pero hindi ito malalaman ng mamamayan kung hindi sila dadalo sa Barangay Assembly o bibisita sa kanilang barangay hall,”dagdag pa niya.

Ang barangay assembly ay isinagagawa dalawang beses sa isang taon, sa buwan ng Marso at Oktubre, ayon sa mandato ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code. Nakasaad sa Section 397 (b) na ang barangay assembly ay dapat isinasagawa dalawang beses kada taon upang marinig at pag-usapan ang “semestral report” ng naturang barangay tungkol sa mga aktibidad at pananalapi gayundin ang mga problemang nakakaapekto sa barangay.

Ipinalabas ng DILG Chief ang Memorandum Circular 2018-151 bilang patnubay sa mga opisyal ng barangay sa mga aktibidad na maaaring isagawa sa Barangay Assembly Day.

Ang mga punong barangay ay inaasahang maghayag ng kanilang State of Barangay Address (SOBA) na nakatuon sa mga isinagawa at ulat pinansyal sa unang semestre ng taon at mga kaganapan sa mga programa at proyekto.

Hinihikayat din ni Año ang mga opisyal ng barangay na pag-usapan ang pagtugon ng barangay sa mga batas at patakaran tulad ng DILG-Dangerous Drugs Board Joint Memorandum Circular 2018-01 tungkol sa paglikha at pagreorganisa ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) at pagtatatag ng Barangay Rehabilitation Referral Desk na may nakatalagang desk officer.

Marami pong pambarangay na polisiya at programa na dapat ay alam ng mga tao at kanilang binabantayan katulad na lang ng Barangay Full Disclosure Policy na nag-uutos na ipaskil sa barangay hall ang impormasyon tungkol sa barangay budget,” sabi pa nito.

Dapat ding iulat sa Barangay Assembly ang detalye ng mga ari-arian at pondo ng barangay na nai-turn over ng dating barangay officials sa mga bagong halal na mga opisyal ng barangay,” dagdag pa niya.

Pinaalalahanan naman ni DILG Assistant Secretary and Spokesperson Jonathan E. Malaya ang mga naturang opisyal na hikayatin ang mga residente na sumunod sa RA 10361 o Batas Kasambahay na nag-aatas na irehistro ng mga employer ang kanilang mga kasambahay sa Registry of Domestic Workers sa kanilang barangay.

Sinabi ni Malaya na inaasahan ang mga barangay na mag-ulat sa barangay assembly tungkol sa pagbuo ng barangay-based institutions katulad ng Barangay Development Council (BDC), Barangay Disaster Risk Reduction Management Committee (BDRRMC), Lupong Tagapamayapa, Barangay Council for the Protection of Children (BCPC), Violence Against Women (VAW) Desk, at Barangay Ecological and Solid Management Committee (BESWMC).

Marami pong panlipunang isyu sa nasyunal na lebel. Pero mas marami pong magagawa ang mga mamamayan sa kanila mismong komunidad. We are foremost citizens of our communities where we can directly participate in governance,” sabi pa nito.

Nananawagan din si Malaya sa mga barangay opisyal na siguruhin ang pagsasagawa ng Barangay Assembly at ang pagdalo ng kanilang mga kabarangay. Ang kabiguan sa pagpapatawag ng barangay assembly ay maaaring maging sanhi ng pagsasampa ng kasong administratibo sa mga barangay officials.

Ayon sa batas, sila ay maaaring kasuhan ng mga residente ng barangay, concerned citizen, governmental or non-governmental entity sa sangguniang panlunsod o sanggunian bayan na nakakasakop o kaya sa Office of the Ombudsman. Maaari ring idiretso ang reklamo sa DILG.

Ang tema ng Barangay Assembly ngayong ikalawang semestre ng taon ay “Nagkakaisang Komunidad tungo sa Mapayapa, Maunlad at Matiwasay na Barangay!”