NEWS

ADVISORY

DILG hinikayat ang mga pamahalaang lokal na subaybayan ang mga gawain sa kanilang municipal waters

July 30, 2018

Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mas maging aktibo ang mga pamahalaang lokal sa pagsubaybay at regulasyon ng mga gawain ukol sa pangisdaan sa kanilang municipal waters o maaari silang mapanagot sa hindi pagsunod sa batas.

Ipinahayag ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año sa mga pamahalaang lokal, partikular sa mga lungsod, munisipalidad at barangay na bunga ng pagbaba ng supply ng yamang tubig, dapat ay mas maging aktibo silang pumapagitna sa pagtiyak sa epektibong pamamalakad sa mga pangisdaan.

"Milyong buhay ang nakadepende sa tubig kaya mahalaga na tiyakin ng mga pamahalaang lokal na sila ay nangunguna sa pagsiguro na ang kanilang yamang pangisdaan ay napoprotektahan at pinagyayaman sapagkat ang mga ito ay malaking bahagi ng pag-unlad ng bansa," ani Año.

Sa ilalim ng Section 16 ng Republic Act No. 8550 na inamyendahan sa Republic Act No. 10654 o Amended Philippine Fisheries Code, ang mga pamahalaang lokal (lungsod/munisipalidad) ay may tungkulin na pamahalaan, pangalagaan, paunlarin, at proteksyunan ang mga pangisdaan at yamang tubig sa kanilang nasasakupan.

Sinasabi din ng naturang batas na ang mga pamahalaang lokal ang siyang may otoridad sa mga municipal water. Bunga nito ay kanilang ipatutupad ang lahat ng batas, panuntunan, regulasyon at mga ordinansa ukol sa pangisdaan na isinabatas ng kanilang sangguniang bayan o lungsod.

Sa Memorandum Circular No. 2018-59 na ipinalabas ng DILG kamakailan, binanggit ni Año na papanagutin ang mga pamahalaang lokal bunga ng kanilang pagtupad o hindi pagtupad sa pagsubaybay at pag-regulate ng mga gawaing pangisdaan sa municipal waters na bahagi ng kanilang territorial jurisdiction.

"Kagaya ng ibang mga tuntunin, ang hindi pagtupad sa mga itinatadhana ng batas at iba pang mahahalagang polisiya ukol sa pagsubaybay at regulasyon ng mga yamang tubig ay maaaring magbunga ng kasong administratibo, sibil man o kriminal," paliwanag ni Año.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na gawain ay ang pangingisda ng mga "threatened" o "endangered" species; aquatic pollution; paggamit ng mesh net; pag-export at pag-abuso sa mga coral; muro-ami at iba pang pamamaraan at kagamitan na nakasisira sa mga coral reef at marine habitat; at pangingisda gamit ang pasabog, nakasisira at nakalalasong sangkap o kuryente.

Katuwang sa pangangalaga

Sa nasabi ring memorandum, hinikayat ni DILG Chief Año ang mga pamahalaang lokal na magtatag ng City/Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Councils (C/M FARMCs) na mangunguna sa lahat ng gawaing may kaugnayan sa pangangalaga sa yamang tubig sa kanilang nasasakupan.

"Ang pagtatatag ng FARMCs ay lubhang napakahalaga sapagkat ito ang inaasahang magkaroon ng adbokasiya sa pangangalaga at regulasyon ng mga municipal water kaya naman dapat ay mayroon nito ang bawat pamahalaang lokal," ani Año.

Ang FARMCs ay bubuuin ng mga sumusunod: Municipal/City Planning Development Officer; Chairperson ng Agriculture/Fishery Committee ng Sangguniang Bayan/Panlungsod; isang kinatawan mula sa municipal/city development council, accredited na non-government organization, pribadong sektor at Kagawaran ng Agrikultura; at 11 kinatawan ng mga mangingisda.

Inaasahang ang FARMCs din ang magbubuo ng Municipal Fishery Development Plan; magsasabatas ng ordinansa mula sa mungkahi ng Committee on Fisheries; magpapatupad ng mga batas, tuntunin at regulasyon ukol sa pangisdaan sa mga munisipal water; at tutupad sa iba pang tungkuling nakasaad sa batas.

Samantala, tungkulin din ng pamahalaang lokal, sa pamamagitan ng kanilang FARMCs, na tiyakin na maproproteksyunan ang mga maliliit na mangingisda, mga pangisdaan at yamang tubig sa kanilang nasasakupan; at siguraduhing ang karapatan ng mga maliliit na mangingisda na gamitin ang kanilang "preferential resources" ay naipatutupad.