NEWS

ADVISORY

DILG hindi tutol sa usapang pangkapayapaan, nananawagan sa CPP-NPA na maging sinsero

July 9, 2018

Nananawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Año sa National Democratic Front – Communist Party of the Philippines – New People’s Army (NDF-CPP-NPA) na agarang itigil ang karahasan at ihinto ang plano nilang coalition government nang sa gayun ay mabuo ang tiwala sa pagitan nila at ng gobyerno at maipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.

"Taliwas sa propaganda ng mga Leftist o Makakaliwa, walang nais ang DILG kundi kapayapaan. Sinusuportahan ng Kagawaran ang peace talks. Gayunpaman, hindi ka maaaring maghangad ng kapayapaan habang gumagawa ng karahasan kasama pa ang pagpaplanong pabagsakin ang pamahalaan. Kailangan ng kaaya-ayang sitwasyon sa usapang pangkapayapaan para tunay na magkaringgan ang magkabilang panig at magkaroon ng mga sinserong kasunduan," sabi ni Año.

Muli ring binanggit ng DILG Chief ang kanyang suporta sa kahilingan ng Pangulo na sa Pilipinas ganapin ang usapang pangkapayapaan ng walang karahasan at regrouping ng mga rebelde sa panahon ng tigil-putukan, walang koleksyon ng rebolusyonaryong buwis, at pag-atake sa mga proyekto ng pamahalaan.

Hinihikayat din niya ang NDF-CPP-NPA na "tugunan ang sinseridad na ipinapakita ng pamahalaan sapagkat paano makabubuo ng tiwala sa isa't isa kung ginagamit ng mga Makakaliwa ang tigil-putukan upang palakasin ang kanilang hanay alinsunod sa pagpapatuloy ng kanilang hangaring mapabagsak ang gobyerno."

Ibinunyag din niya na noong huling unilateral ceasefire sa kalagitnaan ng 2016 hanggang Enero ng 2017, nagdaos ng People’s Congress at Central Committee Plenum ang CPP-NDF kung saan nila binuo ang tatlong taong plano ng pagsusulong nila ng kanilang kilusang rebolusyunaryo kabilang ang pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte kung hindi siya makikiisa sa isang coalition government.

Pagpasok ng Enero 2017, sinimulang isagawa ng NPA National Commission ang desisyon ng kanilang Central Committee na isulong ang kilusang rebolusyonaryo at gamitin ang panahon ng tigil-putukan para ipunin, patibayin at tangkaing kunin muli ang mga lugar na napalaya ng puwersa ng gobyerno mula sa kanilang kontrol.

"Aming nakumpirma na noong Mayo ng nakaraang taon, pormal nilang inilunsad ang kampanya nila para pabagsakin si Duterte na magtatapos sa Oktubre ngayong taon. Paano mo naman masasabi na sinsero sa pakikipag-usap ang mga Makakaliwa?" aniya.

"Inuulit ko, nagsasalita sila tungkol sa kapayapaan ngunit sinira ng NPA ang P10-million halaga ng mga kagamitan para sa isang proyekto ng pamahalaan sa Puon Bato, Zambales kamakailan lang. Ano ang saysay ng CARHRIL (Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law) at iba pang pinirmahang dokumento kung ang kabila ay hindi sumusunod sa mga ito? Hindi nga karapat-dapat na isulat man lang ang mga ito sa papel kung ganun,” aniya.

"Ano pa ang silbi na pag-usapan ang kapayapaan kung may namamatay sa puwersa ng pamahalaan at sa mga sibilyan? Taliwas ito sa hangarin na manumbalik ang usapang pangkapayapaan. Ang pag-uusap ng kapayapaan ay kailangan ng pagpapatibay ng tiwala," pagbibigay-diin niya.

Ayon sa DILG Chief, kung sakaling hindi magtagumpay ang GPH-CPP usapang pangkapayapaan, maaari pa rin naman gawin ang lokal na lebel ng usapang pangkapayapaan sa pangunguna ng local government units (LGUs) ng walang binibitawang aspeto ng lokal na pamamahala alinsunod sa patnubay ng Cabinet Security Cluster.

Gayunpaman, ayon sa kanya, meron man o walang usapang pangkapayapaan, tinatanggap pa rin ng DILG ng bukas palad ang mga rebelde na magbababa ng armas at babalik sa normal na pamumuhay sa lipunan.

Sinabi ni Año na dating Chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na "isa sa mga patunay ng sinseridad ng pamahalaan ay ang Enhanced-Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng DILG.”

Pinangangasiwaan ng E-CLIP ang pagbabalik sa lipunan ng mga dating rebeldeng NPA at Militia ng Bayan upang maging produktibong mamamayan. Pinapalitan din ng karampatang halaga ang mga armas na isusuko ng mga rebelde.

Ang isang dating rebelde ay agarang nakakakuha ng halagang P15,000 para sa gastos sa mobilisasyon, P50,000 para sa tulong pangkabuhayan, skills training, shelter at legal assistance, at iba pa.

Sa nakaraang tatlong taon, nakapagbigay na ang DILG ng tulong pinansyal sa daan-daang dating rebeldeng komunista. P59.68-million ang nagamit ng halaga para sa madaliang tulong para sa 471 na dating rebelde, habang 459 ang nakakuha ng tulong pangkabuhayan, 361 ang nabigyan ng reintegration assistance, at 132 ang nabigyan ng firearm renumeration.

Samantala, P45-million naman ang nagamit sa pagpapatayo ng mga halfway house para sa mga sumukong rebelde sa siyam na mga probinsya: ang Kalinga at Mountain Province, Masbate, Negros Oriental, Northern Samar, Sarangani, Sultan Kudarat, South Cotabato, at North Cotabato.

Ang halfway house ay isang pansamantalang tirahan na nagsisilbing processing center para sa mga dating rebelde. Maaaring mga bagong gusali ito na itinayo sa mga lalawigan o highly urbanized cities matapos magpahayag ng pangangailangan para sa nasabing pasilidad.

Para naman sa mga pulis at sundalo, pinangangasiwaan ng DILG ang KIA/WIA (Killed-in-Action/Wounded-in-Action) One Stop Assistance Program Management Office na namamahala sa pagbibigay ng harmonized at streamlined government packages para sa mga benepisyaryo ng mga nasugatan o napatay na sundalo o pulis ng Philippine National Police at AFP.