NEWS

DILG-TA program katulong sa paglago ng turismo ng Passi City patungo sa pederalismo

April 30, 2018

Isang lungsod na bahagi ng Kanlurang Visayas ang nagsisimula ng makilala ngayon sa industriya ng turismo sa tulong ng isang kolaborasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng isang pribadong unibersidad sa rehiyon.

Kilala bilang "sweet city sa puso ng Panay," ang Passi City, isang 4th class city sa lalawigan ng Iloilo, ay higit na nagbenepisyo sa tourism development plan na ginawa ng Central Philippine University (CPU) mula sa pondo ng DILG Technical Assistance (TA) program para sa Local Research Institutes (LRIs).

Ang DILG-TA program para sa LRIs na ipinapatupad sa pamamagitan ng Bureau of Local Government Supervision (BLGS), ay nagbigay ng P200,000 grant sa mga academic institution tulad ng CPU na nagsumite ng magandang panukala na makakatugon sa mga isyung lumabas sa resulta ng Citizen Satisfaction Index System (CSIS).

Ang CSIS ay nangangalap ng makabuluhang citizens' feedback hinggil sa paghahatid ng serbisyo publiko ng mga local government units (LGUs) partikular na sa bahagi ng health, support to education, social welfare, governance and response, public works, governance at response, public works at infrastructure, environmental management, economic at investment promotion.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano na nagbigay daan ang resulta ng CSIS at ang DILG-TA program sa pagsiguro na ang programa at proyektong ipinatutupad ng mga LGUs ay akma sa pangangailangan ng mga mamamayan sa mga komunidad.

"Bagaman maliit ang pondo mula sa DILG-TA kumpara sa ibang programa ng DILG, malaki ang kontribusyon nito sa mga component cities tulad ng Passi City na bumuo ng strategic plan na maaring maging blueprint para sa pagtataguyod ng agro-tourism industry sa lungsod," saad ni Ano.

"Mas maraming turista sa Passi City, mas malaking kita para sa lungsod. Kung malaki ang kita, maaari silang maging sentro ng pag-unlad at handa ng magsarili sakaling maging federalized na ang ating bansa," dagdag pa niya.

Pangunahing tourist destination sa 2020

Inihayag ni Passi City Mayor Jesry Palmares na dahil sa programa, malapit na nilang makamit ang kanilang hangarin na maging isa sa mga pangunahing tourist destination sa bansa pagdating ng 2020 dala ng lumalaking kamalayan ng tao kasabay ng paglago ng kaalaman sa pederalismo.

"Ang pangkalahatang direksyon natin ay makilala ang Passi City bilang agro-tourism destination sa pamamagitan ng sports, wellness, historical places, kuweba, produkto, personalidad at events," ani Palmares.

"Lamang kami dahil nasa sentro kami ng lahat, mula Boracay, Aklan at Iloilo City. Sa patuloy na paglago ng industriya ng turismo, nabibigyan ng pagkakataon na umasenso ang mga tao, at kakayanin na naming magsarili kapag naging federal government na tayo," dagdag niya.

Alinsunod sa talaan ng rekomendasyon ng CPU sa kanilang strategic plan, sinabi ng alkalde na naging mas sistematiko at praktikal ang city tourism office sa pagpapasikat ng kanilang mga kuweba, pinya, carabao ride at iba pang kakaibang tourist activities at atraksyon na matatagpuan sa Passi City.

Sa katunayan, ang katatapos na Pintados de Passi Festival noong Marso 2018 ay nakatawag pansin sa media, nakapag-engganyo ng mga turista, at naging usap-usapan sa social media. Batay sa ulat ng City Tourism Office, naging triple ang bilang ng turista mula sa dating 1,000 umabot ito 3,000 at ang mga hotels sa lungsod ay puno sa loob ng dalawang linggong selebrasyon.

Base sa Tourism Development Plan, pinapangunahan ng tanggapan ng turismo ang iba’t ibang aktibidad para mas mapalawig pa ang kaalaman ng mga stakeholders at makilala ang Passi City. Kabilang sa mga aktibidad na nagawa ay ang Eskulympics (quiz bee, poster, at slogan contest para sa elementarya at mag-aaral ng high school); Tricycle ko Gwapo para sa tricycle drivers; Farmers Day; photo exhibits; agency-based accreditation, ocular sites sa ibat ibang kuweba, showcase ng local offerings at talents.

DILG-TA results na ipinresinta sa local at international conferences

Ayon sa CPU-University Research Center Director Mary O' Penetrante, ang research results ng DILG-TA program ay nagdala ng pagkilala sa CPU matapos na ipresinta ito sa local at international conferences tulad ng National Economic Development Authority (NEDA) academic forum, GIZ Philippines, at sa Vietnam.

Ibinahagi din niya na ang mga research outputs sa Passi City ay bahagi na ng mga talakayan sa classrooms. Nakatulong din ito para maitaas ang ranggo ng CPU, research center at ng mga mananaliksik.

Sinabi ng CPU research unit na handa silang tulungan ang iba pang LGUs na nais matuto at gayahin ang tagumpay ng strategic planning ng Passi City.