NEWS

ADVISORY

DILG: Pondo ng Masa Masid "fully accounted for"; walang irregular sa paglilipat ng pondo sa tatlong ahensya

July 12, 2018

Lahat ng pondo ng Mamamayang Ayaw sa Anomalya, Mamamayang Ayaw sa Iligal na Droga (MASA MASID) ay maitutuos at walang iregularidad sa paglipat ng P99-milyon mula sa DILG sa tatlong sangay ng pamahalaan noong huling quarter ng 2017, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año ang paglipat ng pondo ay kinakailangan upang makatulong ang tatlong sangay para palakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa kriminalidad, ipinagbabawal na droga, korapsyon at violent extremism.

Sinabi pa ni Año na ang paglipat ng naturang pondo sa Presidential Communications Operations Office (PCOO), Philippine Public Safety College (PPSC), at Local Government Academy (LGA) ay napagkasunduan ng DILG management pagkatapos ng Budget Hearing ng Senate Committee on Finance noonf Oktubre 2017, kung saan tinalakay ng mga senador ang kahalagahan ng naturang proyekto.

“Kinailangan naming magreprioritize at ayusin ang aming istratehiya sa pagpapatupad ng proyekto tulad ng suhestyon ng ilang Senador, kaya humingi kami ng tulong sa angkop na ahensya ng gobyerno para pabilisin ang pagpapatupad ng kampanya tungkol sa pagsasanay, adbokasiya at edukasyon sa halip na kumuha ng outside suppliers para sa mas mabilis na procurement process,” aniya.

Sa 2017 annual report ng Commission on Audit (COA) ay kinuwestyon nito ang paglipat ng P99-million sa tatlong ahensya, ang diumano’y unliquidated ASEAN funds, gayundin ang tamang paggamit ng MASA MASID funds.

Ipinaliwang pa ni Año na ang paglipat ng mga pondo sa tatlong ahensya ay naaayon sa COA Circular 94-013 noong December 13, 1994 kung saan nakasaad dito ang tamang patakaran ng liquidation of funds na ililipat sa mga implementing agencies sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement.

May kabuuang P10.5-million ang inilipat sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) upang palakasin at makatulong sa advocacy at education campaign ng MASA MASID Project.

Sa naturang pondo ay nagamit ng PCOO ang kabuuang P7.9 MILLION para sa pagsasagawa ng Rehabinasyon campaign laban sa iligal na droga na naging daan para magkadaupang palad ang mga opisyal ng pamahalaan at mga barangay officials at residente tungkol sa problema sa droga sa kanilang nasasakupan.

Ang DILG ay lumagda rin sa isang Memorandum of Agreement kung saan ang Philippine Public Safety College (PPSC) ay magsasagawa ng capacity development upang labanan ang violent extremism, kung saan P50-million ay downloaded sa PPSC, at ang kabuuang P31.50-million ay nagamit na nila hanggang March 31, 2018.

Samantala, P38.68 million ay inilipat sa Local Government Academy para sa pagsasagawa ng Bantay Kaagapay anti-corruption drive na nagsimula pa noong first quarter of 2018 at magtatapos ngayon taon.

Sinabi pa ni Ano na ang tatlong ahensya ay ginagawa na ang kanilang terminal report at inatasan nang ibalik ang natitirang pondo sa DILG.

“Ang mga naturang proyekto ay kasalukuyang isinasagawa kaya ang mga ito ay hindi naisama sa COA’s 2017 report,” dagdag pa nito.

Lahat ng pisikal MASA MASID targets ay nagawa

Samantala, sa ulat na zero performance ang naturang proyekto, kahit na nagamit na ang naturang pondo, sinabi ni DILG OIC Ano na hinigitan pa nga ng MASA MASID ang target nito.

Sa pagpapalakas ng Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACs) na may kaukulang pondo na P90.58-million, tatlong training modules ang nagawa nito sa halip na dalawa lamang: mayroon ding kabuuang bilang na 23,895 barangays na ang sinanay na mas marami sa 22,000 targetted barangays.

Bukod pa dito ay ang 1,634 field officers, 81 provincial focal persons, 52 showcase barangays na mayroong 260 BADAC, at 1 orientation para sa 47 regional focal persons ang sinanay/isinagawa hanggang May 30, 2018.

Sinabi pa ni Ano na ang ulat ng COA na kumukuwestyon sa nagawa ng MASA MASID ay nakabase lamang sa status ng pondo noong pang December 2017 kya’t hindi nito nakuha ang fund utilization at accomplishments ng mga programa at aktibidad mula sa 3rd at 4th quarter ng 2017 hanggang sa kasalukuyang taon.

“Hindi kasama sa COA annual report ang tugon ng DILG sa kanilang audit findings na isinumite naming sa kanila noong Hunyo 2018 pagkatapos ng COA exit conference,” aniya.

5% lamang ang unliquidated ASEAN funds

Tungkol naman sa sinasabing P1-bilyon pondo para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, sinabi ni Ano na limang porsyento (5%) o P125.88-million ng P2.7-billion na inilipat sa mga ahensya ang hindi pa na liquidate as of June 30, 2018.

Ayon sa DILG Chief ang pagkaantala ng report ay maaaring dahil sa pagkaantala rin ng pagpapalabas ng pondo sa mga operating/field units sa buong bansa, ang hirap sa pagsasama ng mga ulat sa kanilang mga national offices, at madalas na pagpapalit ng mga ASEAN focal persons sa field, at iba’t iba pang sirkumstansya.

“Malaking hamon talaga ang international event para sa Departamento lalo na sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga implementing agencies at mga restriksyon sa timelines ng paglipat ng pondo, para lamang masiguro ang tagumpay ng Pilipinas sa ASEAN 2017,” dagdag ni Ano.

Ayon pa sa DILG Chief ang mga implementing agencies ay nangako na ang mga natitirang pondo ay kanilang isasauli hanggang Agosto ng taong kasalukuyan.

“Palagian ang aming pagfollow-up at nagbigay na rin kami ng sulat sa mga implementing agencies na isumite hanggang Hulyo 30, 2018 ang estado ng natitirang pondo,” aniya.

Ang mga ahensya na may unliquidated balances ay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC); Department of Health (DOH); Department of Social Welfare and Development (DSWD); Armed Forces of the Philippines (AFP); Metro Manila Development Authority (MMDA); Office of the President (OP); at Bureau of Immigration (BI).

Ang P718.71-million na mula sa DFA Trust Fund ng 2016 ay fully liquidated na din.

Ayon pa kay Ano ang naipagbigay-alam sa COA ang mga bagay na ito dahil ang terminal report ng Committee on Security, Peace and Order, Emergency Preparedness and Response (CSPOEPR) na pinangunahan ng DILG ay isinumite at natanggap ng Komisyon noong Hunyo 6, 2018.

May kabuuang 279 ASEAN summits at related meetings mula January 2017 hanggang January ng kasalukuyang taon. Ang preparasyon sa summit ay nagsimula pa noong 2016.