NEWS

ADVISORY

DILG: Police pinatututukan ang tatlong anggulo sa pagkapatay kay Mayor Halili

July 4, 2018

Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano na pinag-aaralan ngayon ng binuong task force para alamin ang posibleng dahilan sa pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili ang ilang motibo sa pagpaslang sa alkalde noong Lunes ng umaga.

Ayon kay Ano, sa ulat ng hepe ng task Force, CALABARZON Director P/Chief Supt. Edward Carranza, kanilang tinututukan ang tatlong posibleng dahilan ng krimen -- politika, shame campaign ni Mayor Halili sa syudad, at ang kaniya umanong pagkakasangkot sa iligal na droga.

“Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pag-iimbestiga at pangangalap ng ebidensya ng task force para matukoy ang motibo sa likod ng krimen at agad na mahuli ang salarin,” sinabi ni Ano.

"Tututukan namin ang mga ebidensya," dagdag pa nito.

Sinabi pa ni Ano na hinihintay na lamang ng task force ang kalalabasan ng autopsy at pagsusuri sa bala na nakuha sa katawan ni mayor para alamin kung anong klaseng bala ng baril ang maaaring ginamit upang patayin ang mayor.

Kinakalap na rin ng task force ang mga CCTV footages mula sa city hall gayundin sa iba’t-ibang lugar ng syudad para makitang mabuti ang totoong pangyayari noong araw na napatay ang mayor.

Kinukuha na rin ng pulisya ang testimonya ng mga security aides, kapamilya, empleyado na naroroon sa city hall noong lunes na araw ng flag raising ceremony.

Sinabi pa ng DILG Chief na ang kapulisan ay maaring magsagawa ng reenactment sa lugar ng pinangyarihan upang matukoy ng maiigi kung ano ang tunay na pangyayari sa naturang krimen.

“Sinisiguro namin sa publiko na ginagawa ng Calabarzon police ang lahat para malaman ang katotohanan. Agad naming ipapaalam ang development sa imbestigasyon sa oras na makakuha kami ng magandang lead,” ayon pa kay Ano.

Si Mayor Halili ay binaril ng hindi pa nakikilalang salarin sa oras ng flag raising ceremony sa harap ng mga empleyado ng city hall.