NEWS

ADVISORY

DILG: Pagsasanay sa mga bagong halal na pinuno ng barangay, dapat ay "on-site"

June 7, 2018

Sa opisyal na pag-upo ng mga bagong halal na pinuno ng barangay ngayong buwan, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano na gawing "on-site" ang mga pagsasanay para sa mga barangay newly-elected official (BNEO).

"Alinsunod sa paghihigpit ng pamahalaan, lahat ng pagsasanay para sa mga BNEO ay dapat gawin sa loob lamang ng kanilang mga lungsod o bayan upang siguraduhin ang tamang paggamit ng pondo ng pamahalaang lokal," ani Ano.

Kung walang maayos na lugar para pagdausan ng training sa loob ng kanilang bayan, aniya, maaari itong isagawa sa loob ng probinsiya o sa loob ng kanilang rehiyon upang magamit ng tama at sa nararapat ang pondo ng bayan.

"Nais natin ng maayos na simula para sa mga bagong halal na opisyal kaya naman hinihikayat namin silang isaalang-alang ang kaban ng bayan at gawin sa loob lamang ng kanilang mga bayan ang mga pagsasanay para sa mga BNEO na maghahanda sa kanila upang makapagbigay ng mataas na antas ng paglilingkod," ani Ano.

Ayon sa DILG Chief, ang GREAT o Grassroots Renewal and Empowerment for Accountable and Transparent Barangays Program ay magsasanay sa mga bagong halal na pinuno ng barangay para sa taong 2018-2020. Ang nasabing mga bagong halal ay hindi lamang yaong mga nahalal sa unang pagkakataon kundi maging ang mga muling nahalal sa pangalawa at pangatlong beses.

Hangarin ng programang GREAT na mas bigyang halaga ng mga BNEO ang kanilang mga tungkulin at magkaroon ng positibong pagbabago sa kanilang kakayahan sa personal, pamamahala at pamumuno na masasalamin sa pagtugon nila sa tawag nang mahusay na paglilingkod.

Ipinaliwanag naman ni DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya na nilalayon din ng GREAT na maipakita ng mga pamahalaang pambarangay ang maayos na pagganap sa kanilang tungkulin tungo sa mahusay na pamamahala; at magpamalas ng mga natatanging katangian tulad ng pakikiisa sa mga gawain sa komunidad, pagiging mapanagutan, may integridad at transparency.

Aniya, isinaalang-alang ng nasabing programa ang mga contemporary condition na nakaaapekto sa mga tungkulin ng barangay at ang ambag nito sa pag-unlad tulad ng kontribusyon nito upang makamit ang lokal at nasyunal na mga hangarin para sa kaunlaran na kaugnay sa Ambisyon Natin 2040 at ng Philippine Development Plan 2017-2022.

Binigyang-diin din ni Malaya ang mahalagang papel ng barangay sa pagsugpo sa ilegal na droga at sa pagpapalaganap ng pampublikong kaligtasan at pag-iral ng batas at kaayusan sa lipunan; pagpapaunlad ng kakayahan ng mga barangay upang makaagapay at mabawasan ang mga panganib na dala ng climate change; ang tungkulin ng barangay sa pagpapalalim ng konsepto ng desentralisasyon at participatory government; at pagpapanibago sa kahalagahan ng barangay sa demokratikong pamamahala sa mga komunidad, na ilan sa mga prinsipyong gumagabay sa programang GREAT.

GREAT Components

Ang GREAT ay isang "term-based" na programang nagpapaunlad sa kapasidad ng mga BNEO na hahasa sa kanila gamit ang limang mga component sa loob ng kanilang dalawang taong termino simula Hunyo 2018.

Ang Component A o Ensuring Smooth Transition ang maghahanda sa mga BNEO sa pag-upo nila sa kanilang mga posisyon matapos ang halalan para sa transparency at accountability sa simula pa lamang ng kanilang termino sa pamamagitan ng maayos na pagpapasa ng mga dokumento at pag-aari. Ito ay lalahukan ng lahat ng opisyal ng barangay.

Jumpstarting Local Governance o Component B naman ay may dalawang sub-components na tumatalakay sa paglalatag ng pundasyon para sa mga BNEO, at ang pagpaplano at paghahanda ng Barangay Development Plan at Barangay Capacity Development Agenda na lalahukan ng lahat ng mga pinuno ng barangay at mga kasapi ng Barangay Based Institutions (BBIs).

Ang Component C o Sharpening the Saw ay tutulong sa mga BNEO na pumili at palalimin ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pamamahala ng barangay gamit ang apat na outcome expectation para sa mga pamahalaang lokal. Ito ay ang Business-Friendly and Competitive LGUs, Environment Protective and Disaster Resilient LGUs, Socially Protective and Safe LGUs, at Transparent, Accountable, Participative and Effective LGUs at lalahukan ng lahat ng mga pinuno ng barangay, BBI at iba pang organisasyon.

Ang Component D o Looking Forward to Better Governance through Citizenship Building naman ay nakatuon sa proseso ng pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan at miyembro ng komunidad kung saan mga kwalipikadong pinuno ng mga barangay ang lalahok.

Enhancing Barangay Performance o Component E ay nakatuon sa institusyonalisasyon ng performance measurement at awards system para sa mga barangay.

Ang DILG sa pamamagitan ng Local Government Academy, National Barangay Operations Office, DILG Regional and Field offices, at City/Municipal Governments ang magsasakatuparan ng nasabing programa katuwang ang Liga ng mga Barangay, Local Resource Institution at ilang ahensya ng pamahalaan.