NEWS

ADVISORY

DILG: Pagpaslang kay Halili at Bote hindi konektado

July 4, 2018

Walang koneksyon sa isa’t isa ang ang pagkakapaslang sa isang mayor sa syudad ng Batangas at mayor sa bayan ng Nueva Ecija, ayon sa Department of Interior and Lokal Government (DILG).

“Hindi natin masasabi na related ito kasi magkaiba naman ang kaso,” ayon kay DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano, habang itinutukoy ang pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili at General Tinio Mayor Ferdinand Bote sa dalawang magkasunod na araw ngayon linggo.

Ayon kay Ano, ang pagkapaslang kay Bote ay iba sapagka’t hindi katulad ng Tanauan City Mayor, si Bote ay hindi kasama sa sinasabing narco-list.

“Base sa initial information, maayos itong si Mayor Bote at hindi siya kasama sa narco list,” dagdag pa ni Ano.

Sinabi ng DILG Chief, na si Bote ay naging alkalde lamang nitong 2016 at maaring isa sa mga lokal na politiko na maging gobernador ng Nueva Ecija. “So marami tayong anggulong tinitingnan dito kasama na ang politika at sa personal din.”

"Huwag tayong mag-isip ng kung ano-anong spekulasyong sa mga kasong ito at hintayin na lang natin ang resulta ng imbestigasyon. Basta kami, susundan naming kung saan kami dinadala ng mga ebidensya," dagdag pa nito.

Noong lamang Martes, si Tinio ay binaril at napatay ng dalawa o tatlong lalaki na nakamotorsiklo pagkagaling sa National Irrigation Administration (NIA) office sa Cabanatuan City. Samantala si Halili ay binaril ng hindi pa nakikilalang suspek habang nasa flag raising ceremony nitong Lunes sa harap ng mga empleyado ng city hall.

Ayon pa kay Ano, pinatututukan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga naturang kaso.

“Bilang pagsunod sa utos ng Presidente, mahigpit ang koordinasyon naming ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Oscar Albayalde tungkol sa mga kasong ito. Kailang nating tuldukan na ang mga walang saysay na pagpaslang na nagiging balakid sa ating mga pagpupursigi na maging mapayapa ang bansa,” sabi ni Ano.

Sinabi pa nito na ang PNP ay kasalukuyang nagsasagawa ng pag-imbestiga sa dalawang kaso at nagsasagawa ng karagdagang seguridad sa mga naturang lugar.