NEWS

DILG: Kampanya nagsisimula pa lang; suporta sa pederalismo madadagdagan pa

May 7, 2018

Tiwala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na tataas pa ang suporta na maaring anihin ng pederalismo sa sandaling matapos at maisumite na ng Consultative Commission na itinalaga ni Presidente Duterte ang kanilang rekomendasyon sa publiko sa darating na Hulyo ngayong taon.

Sinabi ni DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya, pinuno ng DILG Federalism and Constitutional Reform program, na ang resulta ng survey ng Pulse Asia na inilabas kahapon ay nagsasabing 55 % ng 1,200 respondents ay bukas sa posibilidad na amyendahan ang konstitusyon subalit nagkakaiba ang kanilang opinyon sa panahon kung kailan ito isasagawa.

“Kung pag-aaralang mabuti ang resulta ng survey, 23% ang nagsabing bukas sila sa pag-amyenda sa Saligang Batas ngayon, samantalang 32% ang nagsabing pabor sila na amyendahan ang konstitusyon sa hinaharap. Ito ay nangangahulugan na mayorya ang katig sa charter change. Tanging 32% ang mahigpit na tutol dito ngayon o kahit sa hinaharap,” saad nito.

Inihayag pa ni Malaya na pareho din ito sa tanong kung payag bang palitan ang kasalukuyang unitary form ng federal system kung saan 57% ang pabor subalit iba-iba ang opinyon kung kailan dapat mangyari. “Dapat ikunsidera natin ang 27% na nagsabing pabor sila at 30% ang nagsabing bukas sila dito sa hinaharap na panahon,” aniya.

Sinabi pa niya na sa palagay niya ay “premature” ang survey result sapagkat wala pa namang malinaw na panukala na inihahain ang Consultative Commission dahil hinihimay pa nila ang aktuwal na panukala ng kasalukuyang administrasyon.

“Muli, sa tanong kung parliamentary vs. presidential, 12 estado o rehiyon laban sa 17 estados o rehiyon, aktuwal na kapangyarihan ng federal vs regional governments, shared power sa pagitan ng parehong hanay ng gobyerno, revenue sharing, unicameral o bicameral legislature, at marami pang iba pang usapin ang isinasailalim sa deliberasyon at hindi pa naipe-presinta sa publiko, kaya hindi natin maaasahan na sapat na ang kaalaman ng mga tao tungkol dito,” paliwanag nito.

“Ireserba muna natin ang ating paghatol hanggang sa matapos ni Chief Justice Puno at ng kanyang komisyon ang kanilang trabaho. Doon lang tayo makakapagdebate tungkol sa aktwal na merito ng pederalismo,” sabi nito.

Ayon pa kay Malaya nabigyan ng ibang opinion ang survey questions dahil sa introduction na ibinigay sa respondents: “Sa sistemang pederal, magkakaroon ng maraming estado ang Pilipinas na may kapangyarihan na magtakda ng sarili nilang batas at pamahalaan ang lokal o regional government ng walang masyadong kontrol o pakikialam mula sa national government. Ang pamahalaang nasyonal ay magkakaroon lamang ng kapangyarihan sa state governments sa mga usaping may kinalaman sa citizenship, foreign affairs, defense, currency at commercial exchanges sa pagitan ng ibang lokal na estado.”

Sinabi pa niya na ang panimula ng survey ay nagbigay ng pag-aakala na bahagi ito ng panukalang federal system ng pamahalaan at PDP Laban samantalang ang totoo ay hindi. “Walang katotohanan ang kasabihang ‘one size fits all model’ng pederalismo. Bawat bansa na nasa ilalim sistemang pederalismo ay may sariling division of powers at dito sa Pilipinas gagawa tayo ng sarili nating ‘Bayanihan’ o cooperative federalism kung saan hindi tayo nakatutok sa exclusive powers kundi sa shared powers sa pagitan ng national at regional governments,” paliwanag niya.

“Ang introduction na ibinigay sa 1,200 respondents ay nagdala ng kaisipan na ang regional o state governments sa ilaim ng ipinapanukalang federal system ay magiging ‘all-powerful entities’ na may maliit o walang oversight sa national government. Delikadong palagay ito sapagkat hindi naman ganito ang kaso,” saad niya.

Sa kabila nito, kumpiyansa si Malaya na iigting ang suporta sa pederalismo sa sandaling mailunsad na ang Federalism Roadshow program kasama ang Consultative Commission simula sa susunod na buwan.

“Batid natin ang pangangailangan na mapalaganap ang mg aprinsipyo, konsepto at mga posibilidad sa ilalim ng pederalismo kaya ilulunsad natin ang malawakang information at advocacy campaign sa buong 17 rehiyon ng bansa sa susunod na buwan. Ang roadshow ay magsisilbing consultation platform kung saan maririnig natin ang sentimyento ng mga tao,” aniya.

Ayon pa kay Malaya, makikipagtulungan sila sa lahat ng stakeholders mula sa local government units hanggang sa civil society organizations pati sa chambers of commerce at sectoral groups. “Kapag binago mo ang status quo, maraming mga tanong at handa tayo para ipaliwanag sa tao kung bakit ngayon ang tamang panahon,” sabi pa niya.