NEWS

DILG: Habang walang batas sa pagpapaliban ng Barangay elections, magpapatuloy ang preparasyon

March 13, 2018

Sinabi ni Department of the Interior and Local Government OIC-Secretary Eduardo Ano na puspusan ang ginagawang preparasyon para sa Barangay at SK elections hanggang walang batas na pinapasa tungkol sa muling pagpapaliban nito. Gayunpaman, umaasa ang DILG na hindi na maipagpapaliban pa sa ikatlong pagkakataon ang halalan para mabigyan ng pagkakataon ang publiko na linisin ang hanay ng barangay officials ng mga hindi nagtatrabaho ng tama.

Nabahala si Ano sa consolidated report ng PDEA na nagsasabi na sa 42,036 barangay sa bansa, 32.3 porsyento o 6,744 ang bahagyang apektado ng problema sa iligal na droga, samantalang isang porsyento o 208 barangay naman ang may malalang problema ng iligal na droga.

“Sa halos 7,000 barangay na bahagyang apektado ng problema sa iligal na droga, ang nalalapit na eleksyon ay magandang oportunidad sa publiko para palitan ang namumuno sa kanilang komunidad at magtalaga ng mga lider na aktibo sa paglaban sa illegal drugs at kaisa ng pamahalaan sa paglinis ng iligal na droga, kriminalidad at katiwalian,” saad niya.

“Marami sa barangay officials ang hindi pa nakakapag-organisa ang kanilang Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACs). Paano tayo mananalo sa giyera kontra drogra kung ang ating barangay officials ay hindi kumikilos?,” pahayag pa niya.

“Kailangan natin ng mga barangay officials na susuporta sa agenda ng Presidente na pagbabago. Ituloy natin ang eleksyon upang makapamili ang mga tao ng bagong hanay ng opisyal,” dagdag nito.

Ayon sa DILG chief sa aspeto ng local governance, ang eleksyon ay usapin ng accountability o pananagutan. Kung walang eleksyon, hindi mapapanagot ng publiko ang mga opisyal batay sa kanilang paglilingkod. “Ang pagdaraos ng halalan batay sa itinakdang schedule ay nagbibigay pagkakataon sa publiko na papanagutin ang mga opisyal ng barangay batay sa kanilang naging performance sa tungkulin,” pahayag nito.

“Ang kasalukuyang opisyal ng barangay ay ibinoto ng mga tao para sa tatlong taong termino lamang. Sa kasalukuyan mahigit limang taon ng nasa puwesto ang mga opisyal ng barangay. Tama na iyon. Hayaan naman natin ang tao na magbigay sa kanila ng panibagong mandato o kaya naman ay mag-alis sa kanila sa tungkulin,” pahayag nito.

Bahagi ng paraan para maalis ang barangay officials na hindi nagta-trabaho ng tama, naglunsad ang DILG katuwang ang Comelec ng kampanya noong nakaraang buwan para sa Matino, Mahusay at Maaasahang Barangay at SK officials, na humihikayat sa publiko na pumili ng lider na nagtataglay ng mga pangunahing katangian na mahalaga para sa kapayapaan at pag-unlad ng komunidad.

Ayon kay DILG Spokesperson Asst. Secretary Jonathan Malaya, ang opisyal ng barangay at SK na matino ay dapat nagtataglay ng mga katangian na: 1. hindi "corrupt" at lumalaban sa katiwalian; 2. lumaban at lumalaban sa iligal na droga; 3. tapat sa serbisyo at bukas sa publiko; 4. magaling at may disiplina; at 5. walang kaugnayan sa masasamang tao or grupo.

Ang Mahusay' na kandidato – 1. may platapormang pangkaunlaran at pangkapayapaan; 2. huwaran at modelo ng kanyang mga kabarangay; 3. sumusunod sa mga alituntunin ng pamahalaan at ng komunidad; 4. maayos makitungo sa mga kabarangay; at 5. may patas na pagtingin sa iba’t ibang problema sa barangay.

Samantalang ang 'Maaasahan' na kandidato ay dapat: 1. maalam at may kakayahan sa pagpaplano; 2. alistong tumutulong sa panahon ng sakuna; 3. nagmamalasakit sa kapwa; 4. madaling malapitan sa oras ng pangangailangan; and 5. subok sa pagtulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.