NEWS

ADVISORY

DILG: 'Best at brightest' public safety officers dapat maitalaga sa PNPA

April 12, 2018

Bilang tugon sa ulat ng Board of Inquiry (BOI) hinggil sa nangyaring pambubugbog na naganap sa Philippine National Police Academy (PNPA), inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo Ano na inaprubahan na nito ang rekomendasyon ng BOI na bigyan ng preferential option ang uniformed na nakatalaga sa PNPA sa sandaling magkaroon ng oportunidad para sa promosyon.

“Ang pagsisilbi sa bayan sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga kadete ay kasing giting at kasing halaga ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagmomonitor sa mga bilanggo at pag-apula ng sunog. Dapat na italaga ang best at brightest public safety officers sa PNPA at dapat na bigyan sila ng dagdag na puntos sakaling tanggapin ng nila ang hamon,” sabi ni Ano.

Mahigpit din na kinokondena ng kalihim ang pananakit na naganap sa loob ng pangunahing public safety training institution sa bansa, at inatasan na niya si PPSC President Retired Gen. Ricardo de Leon at si PNPA Director PCSupt Joseph Adnol na repasuhin ang lahat ng tradisyon ng mga Corps Cadets kasunod ng pagpapatupad ng kailangang pagbabago sa sistema para matuldukan ang mga ganoong uri ng tradisyon.

“Personal kong bibisitahin ang PNPA ngayong buwan upang makipag-dayalogo sa Regimental Commander ng Corps of Cadets, mga staff, class presidents, at PNPA senior officials kasama ang Commandant ng Cadets para siguruhin na maipatutupad ang reporma at matigil ang mga ganoong gawi,” saad nito.

“Ikinalulungkot ko na may ganitong pangyayari sa PNPA. Pinangakuan nila ako na hindi na ito mauulit, subalit nais ko pa ring masiguro kung ipinapatupad na ang mga pagbabagong kailangan at anong suporta ang maibibigay natin sa PNPA upang ito ay maging world-class institution,” dagdag nito.

Bahagi ng rekomendasyon ng BOI ay ang mungkahi na magsagawa ng polisiya ang DILG Secretary na gawing Table of Organization (TO) position ang mga yunit sa ilalim ng PPSC. Kabilang sa TO, kabilang ang talaan ng duties ng personnel at major items of equipment na otorisado sa PPSC at academic institutions na nasa pamamahala nito.

Sinabi pa ni Ano na nakarating din sa kanyang kaalaman na mas gusto ng uniformed personnel na maitalaga sa field o labas sa halip na magsanay ng mga kadete dahil hindi sila naisasama sa promotion opportunities.

Binibigyang halaga ni Ano na nagtapos na Cum Laude sa Philippine Military Academy ang maayos na pagsasanay sa mga kadete upang sila ay magsilbi sa bansa ng may karangalan, integridad at kahusayan mula sa PNPA haggang sa paglabas ng mga ito at muling pagpasok naman sa aktibong serbisyo.

“Naghahanap tayo ng role models at mentors na maaring pamarisan at kayang isabuhay ang mga itinuturo at handang ibahagi ang kanilang karanasan at karunungan sa mga susunod na henerasyon ng public safety officers. Sinisiguro natin na hindi mapag-iiwanan sa promosyon ang mga unipormadong kalalakihan at kababaihang opisyal sakaling tanggapin ng mga ito ang hamon na magturo sa mga kadete,” paliwanag nito.

Sa naging rekomendasyon ng BOI, lumalabas na kulang ang uniformed officers sa loob mismo ng academic institution na PNPA.

Ayon pa kay BOI Chair Dr. Romeo Magsalos, apat lamang ang uniformed officers na nakatalaga sa PNPA Cadet Affairs Office (CAO) na nangangasiwa sa mahigit sa 800 kadete. Nangangahulugan ito na ang isa sa apat na opisyal ay kailangang magmonitor ng mahigit 200 cadets.

Binuo ng PPSC ang BOI para siyasatin ang panggulping nangyari kabilang na ang hazing incident sa PNPA na naganap kasabay ng mismong PNPA graduation noong Marso 26, 2018.