NEWS

ADVISORY

DILG: 186 mayors at gobernador tinanggalan ng police powers, 156 lokal na opisyal sinuspinde o dinismis

July 13, 2018

Mayroong 186 na local chief executives ang tinanggalan ng kapangyarihan sa pulis simula ng manungkulan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año, ang mga lokal ng opisyal ay inalisan ng police powers dahil sa umano’y pagkakasangkot sa iligal na droga, kabiguang puksain ang mga gawain ng terorista, o pagsuporta sa mga teroristang grupo.

Sa 186 LCEs, walo dito ay gobernador at 178 ang city o municipal mayors.

Bukod pa ito sa 156 lokal na opisyal na sinuspinde o dinismis dahil sa grave misconduct, serious dishonesty, neglect of duty, conduct prejudicial to the best interest of the service, abuse of authority at irregularities.

“Sa pamamagitan ng mga pampublikong mekanismo sa pagrereport tungkol sa mga reklamo tulad ng Hotline 8888 at ang mismong Office of the President, inimbestigahan natin at kinasuhan ang mga lokal na opisyal na abusado o hindi nagtatrabaho ayon sa kanilang tungkulin,” dagdag pa ni Año.

Ipinahayag ng DILG OIC ang mga ito sa 2nd Pre-State of the Nation Address Forum ng Participatory Governance (PGC) cabinet cluster noong Miyerkules na ginanap sa PICC sa Pasay City.

“Sa isyu ng Boracay pa lamang ay 17 lokal na opisyal ang nakasuhan ng administrative at criminal cases ng DILG na ang pinagbasehan ay ang findings ng investigating team,” aniya.

Sa kooperasyon ng mga mamamayan, ang DILG ay nakapaghain na ng 237 desisyon ng Ombudsman, naimbestigahan ang 57 reklamo sa mga lokal na opisyal, at nakapag-isyu at ipinatupad ang eight show-cause orders laban sa mga operasyon ng iligal na pagmimina sa CARAGA.

Mayroon ding 16 na lokal opisyal ang nakasuhan dahil sa kabiguan nilang mag-organisa at pulungin ang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC), dagdag pa niya.

Bantay Korapsyon

Sinabi ni Año na ang DILG ay mayroon ding banner program laban sa korapsyon, ang Bantay Korapsyon, upang mapigilan ang graft at corruption sa lokal na pamahalaan.

“Binuksan ng programang Bantay Korapsyon ang pintuan para malaman ng mga mamamayan ang mga batas at polisiya tungkol sa korapsyon, tulungan tayong pigilan ito pati na ang mga ghost projects sa lokalidad sa pamamagitan ng tulong ng mga CSOs sa pagmomonitor sa mga programa at proyekto,” pahayag niya.

Inihayag ni Año na ang pagpupursigi ng DILG na palakasin ang local development councils sa pamamagitan ng Assistance to Municipalities (AM) program na nakapagsagawa ng 2,546 water projects para sa malinis na maiinom na tubig kung 1-milyong kabahayan na sa buong bansa ang nakinbang, gayundin ang pagpapagawa ng mga kalsada at tulay, palengke at mga tirahan at marami pang iba.

“Buong taon isinagawa ang adbokasiya para sa mabuting pamamahala at para labanan ang korapsyon upang ipagbigay diin sa mga local officials at ordinaryong Filipino na ang pamamahalang tapat, bukas, malinis at walang bahid na korapsyon ay ang susi sap ag-unlad at pagbuti ng pamumuhay ng ating mga mamamayan,” sabi niya.

Pakikipagtulungan sa Civil Society Organizations (CSOs)

Binigyan din ng DILG ang mga mamamayan at CSOs ng oportunidad at plataporma para i-assess ang pagganap at pagiging epektibo ng paghahatid ng serbisyo ng mga LGUs.

Binanggit ni Año na ang Seal of Good Local Governance program kung saan ang DILG kasama ang civil society organizations (CSOs) ay inaalam o pinag-aaralan kung aling mga LGUs ang nakakasunod sa mahigpit na performance metrics katulad ng financial administration, disaster preparedness, social protection, peace and order, business-friendliness and competitiveness, environmental management, at tourism, culture and the arts.

“Kahit na mataas ang pamantayan, 449 LGU ang nakapasa sa SGLG noong 2017 na 47 porsyentong mas mataas kaysa sa nakalipas na taon, at 208 sa 449 LGUs ang noon pa lamang nagawaran ng Seal na nagpapatunay na tumataas na talaga ang antas ng paglilingkod sa local level,” aniya.

Ang mga mamamayan ay naging “nagmamay-ari”

Upang marinig ang karaingan ng mga tao, ang DILG ay nakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at mga mamamayan sa mga rehiyon upang ipalaganap ang good governance at accountability.

“Kapag ang mga tao ay dinidinig, sila ay nagiging “may-ari” ng programa at hindi lamang benepisyaryo nito,” ani Año.

Sinabi ng DILG chief na mahalaga ang madalas na pakikipagdayalogo ng lokal na opisyal upang madaling matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.

“Patuloy kaming lilikha ng mga bagong puwang para sa pakikipag-ugnayan at mapalawak ang mga mekanismo para pagyamanin ang pakikilahok ng mga mamamayan,” aniya.

Bukod sa PGC ang Human Development and Poverty Reduction (HDPR) ay nag-ulat din ng kanilang mga accomplishments sa pamamagitan ni Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Virginia Orago sa naturang pre-SONA forum.

Ang Pre-SONA event na “Tatak ng Malasakit at Pagkakaisa” kung saan ang PGC at HDPR cabinet clusters ang pangalawa sa tatlong public forums ngayon buwan kung saan itinatampol ang accomplishments ng cabinet clusters na naaayon sa good governance, peace and order, poverty reduction, at empowerment.