NEWS

ADVISORY

Año sinibak ang PNPA Director dahil sa isyu ng 'oral sex punishment'

October 25, 2018

Sinibak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Año ang pinuno ng Philippine National Police Academy (PNPA) dahil sa umano’y "oral sex punishment" at hazing na ipinataw sa mga underclassmen mula sa kanilang mga senior cadets, ayon sa tagapagsalita ng DILG.

“Ipinag-utos ni OIC-Secretary Ano ang agarang pagsibak kay PNPA Director, Chief Superintendent Joseph Adnol, dahil sa command responsibility at upang magbigay daan sa isang patas na imbestigasyon sa naturang insidente,” sabi ni DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya, ang tagapagsalita ng DILG.

Binigyan ng direktiba ng DILG Chief si Philippine Public Safety College (PPSC) President Ricardo De Leon na imbestigahan ang naturang isyu at magsagawa ng mga pamamaraan upang hindi na maulit ang naturang insidente sa akademiya.

Ang PNPA ay nasa ilalim ng pamamahala ng PPSC.

“Hindi dapat palagpasin ang naturang iskandalo sa ating hanay. Dapat siguruhin ng PPSC na itinataguyod at umiiral ang mga tunay na prinsipyo at disiplina sa akademiya”, sabi ni Año.

Ang Philippine National Police (PNP) ay magsasagawa din ng hiwalay na imbestigasyon sa naturang insidente upang malaman kung may pananagutang kriminal ang mga nasasangkot.

Ayon sa naunang ulat, ang insidente ay naganap noong Oktubre 6 sa likod ng mga baraks sa loob mismo ng PNPA na kinasasangkutan ng mga senior cadets. Inutusan umano ng mga senior cadets ang dalawang plebo na magsagawa ng oral sex bilang parusa sa ilang paglabag sa mga tuntunin.

Dalawa pang senior cadets ang maaaring makasuhan dahil wala silang ginawang aksyon para pigilan ang insidente at bagkus ay nanood lamang sa naturang kahalayan.

Ang mga sangkot na kadete ay inilagay sa isolation at nahaharap sa kasong administratibo at kriminal. Sasampahan rin sila ng kasong criminal ng mga plebo.

“Hindi dapat pinapayagang magpatuloy ang ganitong tradisyon o kultura ng karahasan sa PNPA. Ito ay taliwas sa magandang hangarin ng PNPA bilang institusyon kung saan nagmumula ang mga susunod na opisyal ng kapulisan, bombero at jail officers sa bansa,”

Noong Marso, nasangkot din ang PNPA sa isang iskandalo kung saan anim na magsisipagtapos na kadete ang binugbog ng 40 na kadete sa kanilang araw ng pagtatapos. Dahil sa insidente, patuloy ang pagmungkahi ng PNP sa DILG na ilipat ang pamamahala ng PNPA sa PNP National Headquarters mula sa PPSC.