NEWS

ADVISORY

Año saludo sa katapangan ng mga sundalo ng pamahalaan, kinundena ang pambubomba sa Basilan

August 3, 2018

Saludo si Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Año sa katapangan ng mga sundalo ng pamahalaan na ang sakripisyo at kabayanihan ay nakatulong upang makaiwas sa mas malaking trahedya at nakapagligtas ng maraming buhay sa pambubombang naganap noong Martes ng umaga sa isang checkpoint malapit sa Magkawit, Brgy. Maganda, Lungsod ng Lamitan, Basilan.

Kinundena din ni DILG Chief Año ang ang marahas na insidente na nagbunga sa pagkamatay ng isang enlisted personnel, tatlong CAFGU Active Auxiliaries (CAA), at tatlong sibilyan.

"Sa ngalan ng buong DILG, saludo ako sa sakripisyo at kabayanihan ng ating mga sundalo na ibinigay ang kanilang sariling mga buhay bilang pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin na paglingkuran at protektahan ang mga pamilya at kanilang pag-aari," ani Año.

Pinakilos din ni Año ang lahat ng units ng Philippine National Police (PNP) sa Zamboanga, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi (Zambasulta) para mas maging mapagmatyag at mapaigting ang pagbabantay sa mga checkpoint matapos ang naganap na pambubomba.

Pinasalamatan ni Año ang iba't ibang stakeholders lalo na ang mga pamahalaang lokal sa kanilang kooperasyon sa DILG-PNP at sa pag-alerto nila sa puwersa ng pamahalaan ukol sa pagpasok ng mga teroristang grupo sa kanilang nasasakupan.

Binabantayan ng Citizen Armed Forces Group Unit (CAFGU) ang nasabing checkpoint nang pahintuin nila ang isang puting utility van na patungo sa Lungsod ng Lamitan, ilang kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng insidente.

Nadiskubreng ang hindi kilalang drayber ng van ay may dalang improvised explosive device (IED) na agaran namang na-detonate habang ininspeksyong ng CAFGU at CAA ang van para sa nasabing anomalya. Sumabog ang van pagkababa ng hindi pa kilalang drayber nito.

Agad na napaslang sa nasabing pambubomba sina Corporal Samad Jumah, CAA Adzlan Abdula, Muid Manda, Titing Omar, Hermilito Gapo Jr. at Jerry Inso, na sa ospital na binawian ng buhay.

Samantala, kabilang naman sa mga napaslang na mga sibilyan sina Hadja Radia Manda na maybahay ni Omar, at ang kanilang 10-taong gulang na anak na si Garry; Rosa Inso at Rosida Titing.

Ayon kay Año, ang matinding pagbabantay, katapangan, at sakripisyo ng mga sundalo ng pamahalaan ay nakatulong upang makaiwas sa mas malaking trahedya na maaaring magresulta sa mas maraming bilang ng mga biktima kung sakaling nakarating ang nabanggit na van sa sentro ng siyudad.

Idinagdag din niya na ang pamahalaan ay kasalukuyang naghihintay sa resulta ng imbestigasyon upang matukoy kung anong uri ng bomba ang ginamit, pagkakakilanlan ng drayber, at iba pang detalye na makatutulong upang malaman ang motibo sa pambubomba, at mga taong nasa likod nito.

"Lubos po ang aking pakikiramay sa mga naiwang pamilya ng mga nasawing sundalo ng pamahalaan at mga sibilyan sa nasabing nakalulungkot na insidente," ani Año.

Nagpahayag din ng kanyang pakikiramay ang Gobernadors ng Basilan na si Jim S. Hataman Saliman.

"Sa kanilang ipinamalas ng katapangan at kabayanihan, iginagawad ng Pamahalaang Panlalagiwan ang pinakamataas na pagsaludo sa mga nasawing sundalo at lubusang nakikiramay sa kanilang mga pamilya, pati na ang mga pamilya ng mga biktima na mga inosenteng sibilyan," ani Hataman Saliman.

Kapwa tiniyak nina Año at Hataman Saliman sa publiko na gagawin nila ang lahat upang matukoy kung sino ang mga kasangkot sa nasabing insidente, mabigyan ng hustisya ang pagpanaw ng mga biktima, at maibalik ang kaayusan at kapayapaan partikular na sa Lungsod ng Lamitan at sa buong lalawigan ng Basilan.