NEWS

ADVISORY

Año sa mga rebeldeng komunista: Tigilan ang karahasan, magpakita ng tunay na sinseridad kung gusto niyo ng usapang pangkapayapaan

April 6, 2018

Matapos ang umano’y pagatake ng mga komunistang rebelde noong Mahal na Araw sa Davao City, nanawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano sa mga rebelde na agad na itigil ng mga ito ang karahasan, pangingikil at panununog ng konstruksyon o mga gamit sa sakahan, at sa halip ay patatagin ang tiwala sa pagitan nila at ng gobyerno upang muling manumbalik ang usapang pangkapayapaan.

Hindi maaaring ipinipilit ninyo ang kapayapaan ngunit gumagawa kayo ng karahasan. Ang usapang pangkapayapaan ay kailangan ng kaaya-ayang sitwasyon upang magkarinigan ang dalawang panig at makamit ang mga sinserong kasunduan,”saad nito.

Balewala ang usapang pangkapayapaan kung ang puwersa ng pamahalaan at mga sibilyan ay namamatay, samantalang ang CPP/NPA/NDF ay patuloy na nagsasagawa ng kriminal na aktibidad tulad ng panununog. Ito ay taliwas sa pagbabalik sa peace table. Kailangan ng confidence-building measure sa pag-uusap ng kapayapaan,”paglilinaw nito.

Hinimok din ng DILG Chief ang NDF-CPP-NPA (National Democratic Front – Communist Party of the Philippines – New People’s Army) “na tugunan ang sinseridad ng pamahalaan at iba pa tulad ng Royal Norwegian Government at hindi bababa sa 60 miyembro ng House of Representatives na parehong nananawagan kay Pangulong Duterte na buhayin ang usapang pangkapayapaan.”

Sinabi pa nito na isulong man o hindi ang usapang pangkapayapaan, bukas ang administrasyong Duterte sa lahat ng rebeldeng handang ibaba ang kanilang armas at manumbalik sa normal na pamumuhay sa lipunan.

Ayon pa sa dating AFP (Armed Forces of the Philippines) Chief of Staff “kabilang sa patunay sa sinseridad ng gobyerno ang Enhanced-Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng DILG.”

Ang E-CLIP ang namamahala sa muling pagbabalik sa lipunan ng dating mga rebeldeng NPA at Militia ng Bayan bilang mga produktibong mamamayan.Tinutumbasan nito ng halaga ang mga isinusukong armas ng mga dating rebelde.

Tatanggap ng agarang tulong ang dating rebelde para sa mobilization expenses na nagkakalahaga ng P15,000, livelihood assistance na P50,000, skills training, shelter at legal assistance, at iba pa.

Sa nakalipas na tatlong taon, ang DILG ay nagkaloob na ng financial assistance sa ilang daang dating rebeldeng komunista. P59.68-milyon ang nagamit para sa agarang tulong sa 471 na dating mga rebelde, samantalang 459 ang tumanggap ng livelihood assistance, 361 ng reintegration assistance, at 132 ang binayaran dahil sa pagsuko ng armas.

Apatnapu’t limang milyong piso ang ginastos sa pagpapatayo ng halfway houses para sa rebel-surrenderees sa siyam na probinsiya: Kalinga at Mountain Province, Masbate, Negros Oriental, Hilagang Samar, Sarangani, Sultan Kudarat, Timog Cotabato, at Hilagang Cotabato.

Ang halfway house ay pansamantalang tirahan ng mga dating rebelde na sumasailalim sa proseso. Ito ay maaaring bagong istrakturang itinatag sa probinsya o kaya ay sa highly urbanized cities na nagpahayag ng pangangailangan sa nasabing pasilidad.

Kamakailan, inaprubahan ng Presidente ang pagpapalabas ng halos kalahating bilyong pisong suporta sa E-CLIP, na sapat para matulungan ang mahigit 1,000 inaaasahang surrenderees ngayong 2018.

Nananawagan tayo sa mga pamilya, kaanak at kaibigan ng mga rebelde na tulungan tayong hikayatin sila na bumaba mula sa kabundukan at samantalahin ang pagkakataon na makapagbagong-buhay,” aniya.

Para naman sa mga pulis at sundalo, ang DILG ang nangangasiwa sa KIA/WIA (Killed-in-Action/Wounded-in-Action) One Stop Assistance Program Management na namamahala sa pagbibigay ng harmonized at streamlined government packages para sa mga benepisyaryo ng mga nasugatan o nasawi sa pakikipag-bakbakan o dahil sa linya ng kanilang tungkulin sa Philippine National Police at sa AFP. ###