NEWS

ADVISORY

Año sa mga kadete ng PNPA: Isabuhay ang halimbawa, kabayanihan ng SAF 44 alumni

February 13, 2018

Sa paghahangad na humubog ng mga huwarang public safety officers na magsisilbi sa bansa ng may dangal at pananagutan, hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) na isabuhay ang halimbawa at kabayanihan ng PNPA alumni na kabilang sa Special Action Force (SAF) 44.

Sa kanyang talumpati sa testimonial parade at pagpaparangal sa PNPA, Camp Castaneda, Silang Cavite, tinukoy ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano ang limang upperclassmen na miyembro ng SAF 44 na nagsakripisyo ng kanilang buhay para sa mga kapwa Filipino.

Kinilala ang limang kadete na sina PSI Ryan Ballesteros Pabalinas ng Class 2006, PSI John Gary Alcantara Erana at PSI Max Jim Ramirez Tria ng Class 2009, PSI Cyrus Paleyan Anniban ng Class 2010 at PSI Rennie Lumasag Tayrus ng Class 2011.

“Sino ang makalilimot sa sakripisyo ng mga bayaning SAF 44?” ani ni Ano. “Laban sa lahat ng peligro, at hanggang sa kanilang huling hininga, tunay silang nanindigan sa mataas na larangan ng pamumuno at kabayanihan.”

Ayon kay Ano, bilang mga public safety leaders sa hinaharap, kailangang isapuso ng mga kadete ng PNPA ang mga aral at karanasan sa bawat araw bilang paghahanda sa mundong puno ng masasamang hangarin at tukso na tila naging bagong pamantayan sa linya ng kanilang trabaho.

“Sikapin ninyong maging matatag at manindigan sa mga aral na itinuro sa inyo dito sa PNPA,” ayon kay Ano. “Isuot ninyo ang inyong uniporme ng may dangal, integridad at kahusayan.”

Hinimok din nito ang mga kadete na pag-aralang mabuti at magpakadalubhasa sa sining at agham ng pamumuno at laging balikan ang Honor Code sa tuwing maiipit sila sa pagpili sa kung ano ang tama at kung ano ang popular na desisyon.

Siniguro rin ng DILG OIC sa PNPA ang kaniyang suporta sa institusyon sa pamamagitan ng Philippine Public Safety College (PPSC) na pinamumunuan ni PDir Gen Ricardo F. De Leon.

Pag-alala sa kabayanihan ng PNPA alumni

Maliban sa mga bayaning SAF 44, binanggit din ni Ano ang dalawang PNPA upperclassmen na nagsakiripisyo ng kanilang buhay alang-alang sa sinumpaang tungkulin.

Tinukoy ng OIC Secretary sina PSupt Ranie Planilla Hachuela ng Class 1997 na ginawaran ng ng Medal of Valor matapos pamunuan ang maliit na grupo ng kapulisan na nakipaglaban ng siyam na oras laban sa mas malaking grupo ng rebeldeng MILF sa Siocon, Zamboanga del Norte noong Mayo 4, 2003.

Binanggit din niya si PSupt Arthur Masongsong ng Class 1997 na pinapurihan kamakailan ng Pangulong Duterte dahilan sa matapang na pamumuno sa kritikal na misyon bagaman siya ay isa ng senior officer.

World Class institution

Sinabi ni Ano na mula sa pagsisimula ng PNPA noong 1977, ito ngayon ay lumalaki na bilang isang world class institution matapos ang akreditasyon ng International Standard Organization (ISO) 9001:2015 ng BRS quality audit team kamakailan.

Ang PNPA aniya ay kahanay na ibang service academies sa Southeast Asia dahilan sa pagkakatatag ng dormitory buildings na puwedeng tirahan ng mahigit isang libong kadete na dati ay naka-barracks lamang.

Bukod pa ditto, ipinapatupad din ng PNPA ang tinatawag na Standard Learning Package sa Bachelor of Science in Public Safety Program na magsisiguro sa kalidad at kahusayan ng pagsasanay at edukasyon ng mga kadete.

“Sa lahat ng pagbabago at pag-unlad sa PNPA, kampante ako na magiging maganda ang kinabukasan ng Tri-bureau service na kasama kayong bagong henerasyon ng public safety officers ng 21 siglo,” pahayag ni Ano.

Ang PNPA ay direktang pinamumunuan ng PPSC, isa sa ahensiya sa ilalim ng DILG.